Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Nobyembre 28, 2008
Reflection: First Sunday of Advent Year B - November 30, 2008 : AGE QUOD AGIS!
Mayroong isang katulong na nadatnan ng kanyang kapwa katulong na nanonood ng TV na nakataas pa ang paa sa sofa. Ang pinapanood niya? Tama ang iniisip ninyo... Diyosa! Sinigawan siya ng kanyang kapwa katulong: "Hoy Inday! Anung ginagawa mo d'yan at nanonood ka lang ng TV?" Ang sagot ni Inday: "Eh kasi, kabilin-bilinan ni Mam, wag na wag daw niya akong matatagpuan sa kanyang pagdating na walang ginagawa... kaya eto... nanonood ako!" hehehe... Me katwiran nga naman si Inday. At least, meron siyang ginagawa! Tayo ay nasa unang Linggo na ng Adbiyento. Naghuhudyat ito na tayo ay nasa kapanahunan na ng paghahanda sa pagdating ng Pasko. Ang unang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa ating maghanda! “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras," ang sabi ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang Adbiyento ay hindi lang paghahanda para sa Pasko. Ang kapaskuhan ay ang paggunita sa Diyos na dumating na noong Siya ay nagkatawang tao. Mas dapat nating paghandaan ang muling pagbabalik ni Hesus na hindi natin alam ang araw at oras. "Maging handa kayong lagi, sapagka’t hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog." Kapag patuloy tayo sa ating masasamang pag-uugali tulad ng katamaran, kayabangan, katakawan, kalaswaan ng pag-uugali, pagiging maramot at makasarili, pagsasayang ng oras, pang-aapi at pagsasamantala sa kapwa... ay masasabi nating hindi pa tayo handa sa kanyang biglaang pagdating! Wala tayong pinagkaiba kay Inday na may ginagawa nga ngunit hindi naman ang nararapat niyang gawin. May isang kasabihang latin na maaring makatulong sa ating paghahanda: "Age quod agis!" Sa ingles, "Do what you are supposed to do!" Kung isasabuhay lamang natin ito ay marami tayong maiiwasang pagkakamali. Kung ginagawa lamang natin ang dapat nating gawin ay malalayo tayo sa pagkakasala. Sa pagdiriwang na ito ng Unang Linggo ng Adbiyento ay gawin natin ang dapat nating gawin. Unti-untiing tanggalin ang masasamang pag-uugali at pag-ukulan ng pansin ang pagpapakabuti at pagtulong sa kapwa. Sa ganitong paraan ay hindi lang Pasko ang pinaghahandaan mo kundi pati na rin ang muling pagbabalik ni Kristo!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento