Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Disyembre 5, 2008
Reflection: Second Sunday of Advent Year B - December 7, 2008 : PRO CHA-CHA TAYO!
Umiinit na naman ang usapin ng "cha-cha." Ngayong nalalapit na naman ang 2010 elections marami na namang personal na interes ang isinusulong sa ngalan ng pag-unlad at paglago ng ekonomiya. Tama bang mag cha-cha? Iba-iba ang opinyon ng mga tao dito depende sa kanilang panininidigan at prinsipyong pinanghahawakan. Ngunit kung ako ang tatanungin PRO CHA-CHA ako! Pero hindi cha-cha for charter change kundi CHA-CHA for CHARACTER CHANGE! Sapagkat kung titingnan natin ang ugat ng problema sa ating lipunan ay matutukoy natin ang ating pagiging makasarili! Tunay nga naman... the root of all sins is selfishness! May mga tao kasing ang iniisip lang ang personal na interes at ikabubuti. Bahala na kung makasagasa ng iba! Bahala na kung makasakit! Bahala na kung matatapakan ang karapatan ng iba! Akmang-akma ang Ebanghelyo natin ngayon sa usaping pagbabago. Ang tunay na "cha-cha" ay ipinahayag noong panahon pa lamang ng mga propeta. Sa bibig ni Propeta Isaias: "Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!" At anung uring paghahanda? Tambakan natin ang mga lambak ng ating pagkukulang. Patagin natin ang mga bundok ng ating kayabangan. Ituwid natin ang liku-likong daan ng ating pandaraya! Sa wika ni San Juan Bautista: “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos.” Ang binyag na tinutukoy dito ay binyag na tanda ng pagsisisi at pagbabalik-loob. Ano na ba ang paghahandang nagawa ko para sa Pasko? Baka naman nakatali pa rin ako sa mga panlabas na alalahanin? Dekorasyon, aguinaldo, noche-buena, bagong damit... etc. Mahalaga ang lahat ng mga ito ngunit may mas mahalaga pa sa kanila. Bakit di mo kaya naman pagtuunan ng pansin ang espirituwal mong kapakanan? Bakit di mo subukang gumawa ng magandang kumpisal bago mag Pasko? Bakit di ka magpakita ng pagkakawanggawa sa mga taong nangangailangan? Bakit di mo subukang magpatawad sa mga taong nakagawa sa iyo ng masama? Bakit di mo subukang kausapin ang mga taong iyong kinaiinisan? Ito ang tunay CHA-CHA... pagbabago ng sarili! Sabayan mo ang indak ng Kapaskuhan! Subukan mong magcha-cha at makikita mong magiging masaya at makahulugan ang iyong Pasko!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento