Martes, Disyembre 16, 2008

Reflection: 3rd Day of Christmas Novena - December 18, 2008 - KAPAMILYA NI KRISTO


Naniniwala ka ba sa panaginip? Ang sabi ng matatanda, kabaliktaran daw ang panaginip. Sa ibang tao naman ang panaginip ay masamang pangitain na posibleng mangyari sa hinaharap. Pero para sa iba ito ay nangangahulugan ng suwerte… may katumbas na numero na puwedeng tayaan sa huweteng o lotto! hehe... Anuman ang sabihin nila tungkol sa panaginip, sa Ebanghelyo ngayon ito ay ginamit ng Diyos upang ipaalam kay Jose ang tunay na pangyayari tungkol kay Maria na binabalak niyang hiwalayan ng tahimik sapagkat naratnan niya itong nagdadalan-tao. Mabuting tao si Jose, sabi nga ng Bibliya "He was a just man!" Isang mataas na papuri na maaring tanggapin ng isang lalaking Hudyo. Ayaw niyang mapahiya at mapahamak si Maria. Ayaw nyang magfile ng demanda! Ayaw niyang pahiyain ang kanyang asawa. Sapagkat alam niyang kamatayan ang katumbas nito ayon sa kanilang batas. Nakita ng Diyos ang kabutihan ni Jose kaya't binigyan niya nito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus. Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyari ang gusto ko? May mga taong ok sa Diyos dahil ok ang takbo ng kanilang buhay, naaayon sa kanilang plano! Ngunit pag nag-iba na ang ihip ng hangin at hindi na ayon sa kanilang gusto ang nangyayari ay mabilis na sinisisi ang Diyos at nagtatampo sa Kanya. Natanggal sa trabaho, iniwan ng asawa, binasted ng kasintahan, pinagalitan ng magulang, inaway ng kapatid, at maraming pang mga hindi magandang pangyayari sa buhay ang tila hindi naayon sa ating gusto na isang mapayapa at masaganang buhay. May plano ang Diyos para sa atin... ang ating dapat gawin... sundin ang Kanyang plano at siguradong di tayo magkakamali! ”Sundin ang loob Mo, dito sa lupa para ng sa langit.” Mayroon tayong Pasko sapagkat may mga taong nagsakrispisyo ng kanilang buhay sa pagsunod sa kalooban ng Diyos.

Walang komento: