Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Martes, Disyembre 30, 2008
Reflection: Solemnity of Mary, Mother of God - January 1, 2009 : NEW YEAR'S RESOLUTION
Bagong taon na naman! Bagong buhay... Bagong pag-asa! May New Year's Resolution ka na ba? Sabi ng isang text na natanggap ko: Ito ang mga New Year's Resolutions ko: 1. Di na ko mangangako, PROMISE! 2. Di na ko mag-iingles, NEVER AGAIN! 3. Di na ako magsusugal. PUSTAHAN TAYO! 4. At di na ko magsasalita ng tapos. PERIOD. hehehe... parang sinasabi n'yang para saan pa ang New Year's Resolution, eh sa simula pa lang di mo na kayang tuparin ito? Kung sabagay, marami sa atin ang parating sumusubok na gumawa ng new year's resolutions pero tumatagal ba? Marami sa atin ay "ningas kugon" o kaya naman ay parang "kuwitis" ang pangako... hanggang simula lang! Pagkalipas ng ilang araw, balik uli sa dati! Kaya nga ang marami ay di na elib sa paggawa ng NYR o New Year's Resolution. Tama? Mali!!! Hindi ko sinasang-ayunan ang ganitong pag-iisip. Sapagkat parang sinasabi mo na rin na di mo kayang baguhin ang iyong sarili! Minsan may isang tatay na gumawa ng NYR na uuwi na siya ng maaga pagkatapos ng trabaho. Nung dati kasi ay inaabot siya ng hatinggabi dahil sa kanyang "extra-curricular activities!" Laging gulat ng asawa niya nang sa simula ay umuuwi na siya ng maaga. Kaya't panay ang pasasalamat ang namumutawi sa kanyang bibig: "Glory be to the Father and to the Son and to the Holy Spirit!" Kaya lang habang tumatagal ay bumabalik na naman ang masamang ugali ng asawa at ang maagang pag-uwi ay inuumaga na naman. Kaya't minsang dumating ng umaga si mister ay binulyawan niya ito: "Walanghiya ka! ... as it was in the beginning ka na naman! Animal!!!" Saan ba nakasasalalay ang isang tunay na pagbabago? Ang Kapistahan ngayong unang araw ng taon ay may sinasabi sa atin. Kapistahan ngayon ni Maria, Ina ng Diyos. Kung mayroon mang pinakadakilang katangian si Maria ay walang iba kundi ang kanyang malakas na pananampalataya! At ito ang maari nating hingin kay sa ating Mahal na Ina... ang isang malakas na pananampalataya na kaya nating baguhin ang ating sarili. Totoo, ito ay isang "grasya" na tanging Diyos lang ang maaring magkaloob. Ngunit hindi niya ito ibibigay sa atin kung hindi natin hihingiin at hindi natin pagsusumikapang isabuhay. Manalig ka na kaya mong ihinto ang bisyo mo! Manalig ka na kaya mong maging ulirang asawa! Manalig ka na kaya mong maging mabuti at masunuring anak. Manalig ka na kaya mong magsikap sa pag-aaral! Manalig ka na sa tulong ng Diyos ay kaya mong baguhin ang takbo ng buhay mo... Katulad ni Maria, umasa tayo sa Kanya pero gawin natin ang kalooban Niya. May kasabihan tayo... "nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento