Biyernes, Disyembre 19, 2008

Reflection: 4th Sunday of Advent - December 22, 2008 - MARY CHRISTMAS !


Ilang tulog na lang ay Pasko na! Nasindihan na natin ang ikaapat na kandila ng Adbiyento. Maraming mga tao ngayon ang nasa "panic mode" na at siguradong punong-puno na naman ang mga department stores at supermarket para sa huling sandali ng pamimili. Naitanong ko tuloy sa aking sarili kung alam ba natin ang ating pinaghahandaan? Takbo tayo ng takbo, ikot tayo ng ikot, abalang-abala tayo sa maraming bagay... ngunit para saan? Bakit nga ba may Pasko? Hindi natin matatagpuan ang kasagutan sa ating pag-unawa bilang mga tao. Ang kasagutan ay maibibigay lamang ng Diyos. May isang kuwento tungkol sa isang "bridge-master". Ang kanyang trabaho ay itaas at ibaba ang tulay tuwing daraan ang tren. Mayroon siyang isang anak na lubos niyang minamahal na aliw na aliw na pinapanood ang mga tren na dumaraan sa tulay. Minsang nagkaroon ng pagkakamali, may dumarating na tren at nakataas pa ang tulay. Hindi ito napansin ng kanyang tatay kaya't tumakbo ang bata upang ibaba ang tulay sa pamamagitan ng isang "control lever" na matatagpuan sa may ibaba ng tulay. Nadulas ang bata at naipit sa tulay. Doon siya nakita ng tatay at laking pagkagulat nito ng makita ang tren na paparating mula control tower. Sa mga sandaling iyon, kailangan niya ang magdesisyon... hayaang nakataas ang tulay at masawi ang mga taong nasa loob ng tren, o ibaba ito at hayaang mamatay ang kanyang anak! Ano kaya ang ang kanyang desisyon? Abangan sa susunod na kabanata... hehe. Masakit mang tanggapin ngunit ang naging desiyon n'ya ay ibaba ang tulay! Bakit tayo may pagdiriwang ng Pasko? Sapagkat mayroong Diyos na nagsakripisyo ng Kanyang Anak upang tayo ay maligtas! Ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay isang malaking sakripisyo para sa ating kaligtasan. Anong sakripisyo na ba ang nagawa ko bilang aking tugon sa kagandahang loob ng Diyos? Si Maria ay nagpakita ng malaking sakripisyo nang tumugon siya sa paanyaya ng anghel na maging ina ng Diyos. “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” Kaya ko rin bang isakripisyo ang aking kalooban sa kalooban ng Diyos tulad ni Maria? Kung minsan masyadong mataas ang ating "pride"; ayaw nating magpakumbaba, ayaw nating magpatawad, ayaw nating magpatalo... Ang Pasko ay nagpapahiwatig sa atin ng pagpapakumbaba at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Sana, sa ating abalang paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko ay hindi natin makalimutan ang malaking sakripisyo ng Diyos at ang pagsunod na ginawa ng Mahal na Birhen. "MARY Christmas!"

Walang komento: