Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Disyembre 21, 2008
Reflection: 7th Day of Christmas Novena - December 22, 2008 - THANKS-GIVING
Sa ingles ang salitang pasasalamat ay "thanksgiving". Kung susuriin natin ay may dalawang salita: hindi lang "thanks"... meron din dapat na "giving". Ito ang kalimitang nakakaligtaan natin, na ang tunay na pasasalamat ay mayroong "pagbibigay". Meron kang ibibigay sa sarili mo bilang pagpapakaita ng iyong pasasalamat. Ganito ang ginawa ni Ana sa unang pagbasa. Ibinigay niya si Samuel sa Panginoon pagkatapos na ipagkaloob ito sa kanya. Hindi madali ang mawalan ng anak lalo pa't siya'y hiningi niya sa Panginoon. Ito rin ang ginawa ni Maria... ibinigay niya ang kanyang buong sarili at itinalaga ito sa Panginoon pagkatapos niyang tanggapin ang alok na maging ina ng Diyos. Kaya nga't isang awit ng papuri ang namutawi sa kanyang bibig sapagkat gumawa sa kanya ang Panginoon ng mga dakilang bagay. Sana ito rin ang taglayin natin bilang Kristiyano. Isang pusong puno ng pasasalamat ngunit pasasalamat na mayroong ibibigay... ang pagtatalaga ng ating sarili sa Diyos. Hindi ito madali sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa ating sarili. Handa ka ang maglaan ng oras mo para sa iba tulad ng ginawa ni Maria ng malaman niyang nasa kabuwanan ang kanyang pinsang si Isabel? Handa ka bang maglaan ng kakayahan at talento upang tumulong sa mga nangangailangan? Handa ka bang magbahagi ng iyong ”kayamanan” sa mga taong kapos at nangangailangan? Hindi ganoon kadali ang magbigay ngunit dito nasusukat ang ating pagiging ”anak ng Diyos”. Totoo na mahirap matularan ang katapatan ni Maria ngunit hindi ito dahilan upang hindi magbigay ng ating sarili sa Diyos at sa iba... Ihandog natin sa Kanya ang ating kahinaan at karupukan bilang tao at Siya na ang bahala sa atin...
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento