Sabi sa isang text: "Modern thinkers and theologians now think Adam and Eve were Filipinos. Why? Because they had no house, job, nothing decent to wear, no rice, and they are still happy! They go and multiply!" Totoo nga naman na tayong mga Pilipino ay likas na masayahing mga tao sa kabila ng maraming kahirapan sa buhay. Nakukuha pa rin natin na palaging ngumiti! Subukan mong mamasyal sa anumang Mall at makikita mong masasaya ang mga tao. Parang marami silang pera! Wala namang masama sa pagiging masaya. Sa katunayan, ang puso ng tao ay ginawa ng Diyos para matuwa, para maging maligaya! Kaya nga siguro ang bawat isa sa atin ay patuloy na naghahanap ng kaligayahan sa buhay. Nakalulungkot lang na marami ang hindi nakakatagpo ng tunay na daan tungo sa kaligayahan. Kalimitan, ang inaakala nating makapagpapaligaya sa atin ay siya pa ngang nakapagbibigay sa atin ng kalungkutan. Paano ba makakamit ang tunay na kaligayahan? Ang ikatlong Linggo ng Adbiyento ay may ipinapahiwatig sa atin. Ang tawag sa linggong ito ay "Gaudete Sunday" o Linggo ng Kagalakan. Sinasabi sa atin nito na ang Adbiyento ay hindi dapat malungkot na panahon ng paghihintay. Masaya tayo sa ating paghihintay sapagkat ang darating ay ang Panginoon na tapat sa kanyang pangako! Kaya nga't ang sabi ni San Pablo ay: "Magalak kayong lagi, maging matiyaga sa panalangin at ipagpasalamat ang lahat ng pangyayari!" Tanging ang pusong mapagpasalamat ang makararanas ng kagalakan. Masaya ka ba sa mga biyayang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos? Huwag nating tingnan ang wala o ang kulang sa atin. Marami tayong dapat na ipagpasalamat: Unang-una ay ang ating buhay, pamilya, mga anak, mga kaibigan, trabaho, etc... Minsan ay may batang iyak ng iyak dahil ayaw siyang bilhan ng sapatos ng kanyang nanay. Hanggang marinig niya ang malakas na halakhak ng isang kapwa batang naglalaro sa kalsada. Nang dungawin niya ito mula sa bintana ay tumambad sa kanya ang isang batang may saklay at putol ang paa! At naisip niya na siya na kumpleto ang paa ay nagmamaktol dahil lamang sa hindi siya maibili ng sapatos ng kanyang ina. Sana ay ganun din tayo. Sana maisip natin na ang tunay na kaligayahan ngayong Pasko ay wala sa mga bagay na panadaliang nakapagpapasaya sa atin. Kaya nga ang paalala pa rin ni Juan Bautista sa atin ay: "Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!" Tuwirin natin ang ating liko-likong buhay dala ng pagiging materyalismo at makasarili. Maging mapagbigay tayo sa iba ngayong Pasko lalo na sa mga higit na nangangailangan. Dito nakasalalay ang kaligayahan natin sa darating na Pasko. Salat man tayo sa buhay: no house, job, nothing decent to wear, no rice, and yet we are still happy! Because we go and multiply!" Yes, we go and multiply good works and spread the true Spirit of Christmas that is... the joy springing from our hearts!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento