Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Lunes, Disyembre 15, 2008
Reflection: 1st Day of Christmas Novena - December 16, 2008 - MISA DE GALLO ! (Reposted)
Misa de Gallo na naman! Mag-uusukan na naman ang putobumbong at bibingka sa labas ng Simbahan. Makikita na naman natin ang naggagaraang jackets at sweaters na marahil ay sinusuot lang sa ganitong uri ng panahon (kahit na mainit! hehehe). Maririnig na naman natin ang mga Christmas Carols sa loob ng Simbahan... malapit na talaga ang Pasko! Sakripisyong malaki ito para sa mga gigising ng maaga! Sakripisyo rin para sa mga dadalo sa misa ng gabi... sapagkat mamimiss nila ang mga telenovela at tele-fantasyang kanilang sinusundan sa TV! Ito naman talaga ang kakaiba sa Simbang gabi... malaki ang sakripisyo! At tama lang sapagkat malaki rin ang sakripisyong inialay ng Diyos para atin... ang Kanyang bugtong na Anak! Ito ang sinasabi ni Jesus sa Ebanghelyo para sa unang araw ng Simbang Gabi: na Siya ang tunay na isinugo ng Ama! "The works that I perform testify on my behalf that the Father has sent me..." Malinaw ang mensahe sa unang araw pa lamang ng ating siyam na araw ng Simbang Gabi: Manalig tayo sa patotoo ni Jesus! Na Siya ang isinugong Mesiyas! Sana hindi lang mauwi sa ritwal na pagdiriwang ang darating pang mga araw ng Simbang Gabi. Sana hindi lang pakitang-tao ang ating pagsisimba. Sana hindi lang upang ibida ang ating kasuotan. Sana hindi lang upang makasabay ang ating "crush" sa simbahan... Sana... sapagkat nananalig tayong tunay sa bugtong na Anak ng Diyos na isinugo ng Ama sa atin dahil sa laki ng kanyang pagmamahal sa tao....
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento