Lunes, Disyembre 22, 2008

Reflection: 9th Day of Christmas Novena - December 24, 2008 - ANG AMOY NG PASKO!


Ang simoy ng Pasko’y dama ko na! Sa katunayan maamoy mo na malapit na ito. May nagtext sa akin tungkol sa iba’t ibang uri ng amoy: "The essence of smell in life: lotion for the babies, cologne for the twenties, Eau d Toilet for the thirties, perfume for the fourties, Efficacent Oil for the fifties, bawang at luya for the sixties, insenso for the seventies and above! Anuman ang amoy mo... iisa lang ang amoy ng Pasko! Ano ba ang naamoy mo sa paligid mo? Hindi ba't bakas ang kaligayahan sa mukha ng bawat isa? Maglakad ka sa mall, makikita mo na nakangiti ang mga tao na parang marami silang pera! Pagmasdan mo ang mga ninong at ninang na hirap pagkasyahin ang budget sa dami ng kanilang inaanak ay nakangiti pa rin. Ano ba ang nagbibigay ng tunay na kaligayahan sa atin sa araw ng Pasko? Ang awit ni Zacharias ay awit ng masayang papuri sa Panginoon. Bakas kay Zacharias ang kaligayahan sapagkat gumawa ang Panginoon ng kahanga-hangang bagay sa kanilang mag-asawa. Nilangap ng Panginoon ang kanilang abang kalagayan at pinagkalooban sila ng anak. Ngunit higit ang kanyang kaligayahan sapagkat dumarating na ang kaliwanagan sa mundong balot ng kadiliman... darating na ang Anak ng Kataas-asan! Lubos ang kanyang kagalakan sapagkat ang Diyos ay naging tapat sa kanyang pangakong kaligtasan. Pinahahalagahan ko ba ang katapatang ito ng Diyos? Nagiging tapat din ba ako sa aking pakikipagtipan sa Kanya lalo na sa pagtupad ng aking mga pangako sa binyag? Marami sa atin ang nagsakripisyo nitong siyam na araw. Maagang gumigising sa umaga o kaya naman ay late ng kumain sa gabi. Ngunit para saan ba ang mga pagsasakripisyong ito kung patuloy pa rin tayo sa pagsuway sa kalooban ng Diyos? Para saan pa ang pagpupuyat kung di naman tayo nagiging tapat sa ating mga pangako sa Kanya? Ang tunay na kaligayahan ng Pasko ay nasa katapatan ng ating pagsunod sa Diyos! At ang katapatang ito ay ipinapakita araw-araw sa ating pagsusumikap na magpakabuti, pagiging tapat sa trabaho, pag-unawa sa mga taong mahirap pakisamahan, pagpapatawad sa pagkakamali ng iba, pagtulong sa mga dukha... Dito natin maaamoy ang tunay na simoy ng Pasko!

2 komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

merry Christmas po, Father, at maraming salamat sa mga nakakakiliti mong mga homilies.ü

God bless po!

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

Anopong fb page nyo padre?