Biyernes, Disyembre 19, 2008

Reflection: 5th Day of Christmas Novena - December 20, 2008 - SUNDIN ANG LOOB MO!


Limang araw na lang... Pasko na! Nadarama mo na ba ang sakripisyo ng Simbang Gabi? Puyat... pagod... gutom... Kakayanin mo pa ba ang natitirang mga araw? Konting tiis na lang... malapit na! Kahit sa ating liturhiya ngayon sa Misa ay madarama natin ang papalapit na pagdiriwang ng Pasko. Sa katanuyan ang tawag sa Misa natin ngayon ay "Misa Aurea" o Golden Mass, sapagkat ginugunita natin sa pagbasa ang Pagbati ng Anghel sa Mahal na Birhen o ang pagsisimula ng buhay ni Jesus. Ang plano ng Diyos ay naisakatuparan dahil sa kababang-loob at kagandahang loob ng isang simpleng babae sa Nazareth... ang Mahal na Birheng Maria! Sinurpresa ng Panginoon si Maria sa paanyayang maging Ina ng Diyos. Ang Diyos... nanira na naman ng plano ng isang tao! Kakaiba talaga Siya! Ngunit para sa Mahal na Birhen, ang plano ng Diyos ay kanya na ring plano. Sa kanyang kababang-loob ay nakita niya ang kanyang abang kalagayan at sino sya upang hindi sumunod sa kalooban ng Diyos? Ganoon din ba tayo sa harapan ng Panginoon? Kung minsan ay nauunahan tayo ng ating "pride" at hindi na maka-eksena ang Diyos sa ating buhay. Hindi na "sundin ang loob Mo" ang ating dasal kundi "sundin ang loob ko..." Simulan na nating maghari ang Diyos sa ating buhay. Katulad ni Maria sabihin natin: : "Ako'y alipin ng Panginoon, maganap nawa sa akin ayon sa wika mo..."

Walang komento: