Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Nobyembre 14, 2008
KATAMARAN: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year A - November 16, 2008
Sabi ng isang text na aking natanggap: "Kung may balak kang gawin ngayon, wag mo ng ituloy, para me gagawin ka pa bukas..." Inspiring di ba? hehe... Ito ang motto ng mga taong tamad! Marahil ay nasasalamin din sa atin kung minsan ang ganitong pag-uugali. Mahilig nating ipagpabukas ang gawaing maari namang tapusin kaaagad. Ano ba ang kasalanang nagawa ng ikatlong aliping pinagkatiwalaan ng pinakamaliit na halaga? May ginawa ba s'yang masama? Di niya naman nilustay ang salapi ng kanyang amo sa sugal o sa bisyo. Ano ang pagkakamaling nagawa niya? WALA! Oo, ang pagkakamali niya ay wala siyang ginawa! At ito ang ipinagkaiba ng ng naunang dalawang alipin sa kanya. Mayroon silang ginawa sa salapi ng kanilang amo. Pinalago nila ito. Samantalang siya ay literal na sinunod ang bilin ng kanyang amo na "patubuin" ito. Ayun... ibinaon... akala niya, tutubo! Ito ay isang halimbawa uli ng "mirror parable" na sumasalamin sa bawat isa sa atin. Tayo ang pinagkatiwalaan ng Panginoon ng salapi. Iba't ibang halaga ayon sa ating kakayahan! Ang salapi ay tumutukoy sa lahat ng mga biyayang ibinigay sa atin ng Diyos: kakayahan, katalinuhan, angking kagandahan, katangian, at maging kayamanan. Huwang nating ikumpara kung mas maraming tinanggap ang iba sa atin. Ang mahalaga ay pagyamain natin ito. Para tayong mga "container" ng tubig: May dram, may timba, may tabo... iba-iba ang laki ngunit ang mahalaga ay napupuno natin ito ng tubig! Sinlaki man ng dram ang biyaya mo ngunit wala namang tubig, ibig sabihin ay hindi mo ginagamit, ay balewala ito! Mabuti pa ang tabo na kahit maliit ay nag-uumapaw ang tubig at nabibiyayaan ang iba! Tandaan natin na tayo ay mga katiwala lamang ng Panginoon. Darating ang araw na susulitin niya ang mga biyayang ibinigay niya sa atin. Nakakatakot na marinig mula sa Diyos ang mga katagang: "Masama at tamad na alipin!" sapagkat hindi natin pinalago ang mga biyayang ipinagkaloob niya sa atin. Bago matulog ay subukan mong gawin ito: Kumuha ka ng isang papel. Isulat mo ang lahat ng biyayang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. At tanungin mo kung nagagamit mo ba ito upang mapalago ang iyong sarili at makatulong sa iyong kapwa. May kuwento ng tatlong magkakaibigang hayop na nagpapayabangan kung ano ang kanilang naibibigay sa kanilang amo. Ang sabi ng manok, "Ako... buwan-buwan ay kung magbigay ng itlog sa ating amo. Yun lang? Ang sabad ng kambing. Ako araw-araw ay nagbibigay ng sariwang gatas! Tahimik lang ang baboy. At sabi niya: Ako isang beses lang magbigay pero ang ibinibigay ko naman ay ang aking sarili... ang aking buong pagkababoy!" Ano na ba ang naibigay mo sa Diyos? Baka naman tinitipid mo siya? Baka tira-tira lang ng biyayang tinatanggap mo mula sa Diyos? O baka "ibinabaon" mo rin sa lupa ang mga ito? Ibigay natin ang lahat sa Diyos. Pagyamanin ang ating buhay na taglay at iaalay natin muli sa kanya. Sabi nga sa ingles: "Our life is a gift from God, what we make of our life is our gift to God!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento