Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Nobyembre 1, 2008
UNDAS... SADNU? : Reflection for All Souls Day - November 2, 2008
May natanggap akong isang text kahapon, November 1: "Tinatamad ka bang dalawin ang iyong "loved ones" sa sementeryo? Text DALAW (space) NAME (space), ADDRESS, send to 2366. Sila mismo ang dadalaw sa 'yo! Text na!" hehehe... Mabuti na lang, nakadalaw na ako ng sementeryo! Mahirap ng madalaw nila! Katulad ng inaasahan, dagsa na naman ang tao sa sementeryo. Bakit nga ba November 1 ang nakagawian nating pagdalaw sa sementeryo gayung ang November 1 ay ARAW NG MGA SANTO? Bakit ito ang araw na "UNDAS" kung tawagin? Di ba't ang araw ng mga kaluluwa ay November 2? Hindi ko mahanapan ng siyentpiko o historikal na paliwanag ngunit kung titingnan natin ang "psyche" ng mga Plilipino ay marahil mauunawaan natin ito. Tayong mga Pilipino ay may pagka-switik! Sigurista kung tawagin. Kung makakaisa... makakaisa! Ayaw nating naargabyado. Gusto natin, laging nakalalamang... nakasisiguro. Kaya siguro mas pinili natin ang November 1 sa paggunita sa ating mga yumao ay sapagkat nais natin na ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay ay maluwalhati ng nasa kabila! Nais natin na ligtas sila, masayang nagtatamasa ng gantimpala ng Panginoon, kasama na sa kalipunan ng mga Banal o mga Santo. Pansinin na kasama ng paglalagay ng mga bulaklak ay ang pagtitirik ng kandila. Ito ay nangangahulugan ng ating pananalangin para sa kanilang kaluluwa na kung may pagkukulang man silang taglay ay mapunuan nawa ng ating mga panalangin at pagsasakripisyo. Ipinagdarasal natin sila upang kung makamit na nila ang gantimpala na kalangitan ay sila naman ang mamamagitan para sa ating kaligtasan. Ang tawag natin dito ay ang "Communion of Saints". Sabi nila ang UNDAS daw ay malungkot sapagkat kung babasahin mo ng pabaligtad ay: SADNU? hehe... Ngunit para sa ating mga Pilipino, ang Undas ay hindi panahon ng kalungkutan bagkus ito ay panahon ng kasiyahan. Masaya tayo sapagkat alam natin na ang ating mga mahal sa buhay, sa pamamagitan ng ating mga panalangin, ay mabibiyayaan ng kaligtasang ipinangako ni Jesus sa lahat ng nanampalataya sa Kanya. Kaya't ipagpatuloy natin ang pagdarasal sa kanila lalo na ngayong buwan ng Nobyembre. Maligayang Undas sa inyong lahat!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento