Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Miyerkules, Disyembre 30, 2009
Reflection: New Year - Solemnity of Mary the Mother of God - January 1, 2010: ANG AMOY NG BAGONG TAON
Amoy Bagong Taon na! Marami sa ating ang mag-aamoy usok ng paputok! Ang iba naman... amoy putok! hehehe... Kaya nga't magandang maligo bago pumasok ang bagong taon at sundin ang pamantayan sa paggamit ng pabango ayon sa isang text na aking natanggap:"The essence of smell in life: lotion for the babies, cologne for the twenties, Eau d Toilet for the thirties, perfume for the fourties, Efficacent Oil for the fifties, bawang at Luya for the sixties, insenso for the seventies and above! hahaha! Anuman ang amoy mo... isa lang ang sinasabi nito: Salubungin mo ang bagong taon na may "bagong amoy" para pumasok ang suwerte! Ang dami nating ginawa upang papasukin ang suwerte sa bagong taon. Naririyan na ang pagbili ng mga bilog na prutas.Suwerte raw kasi yung bilog... magkakapera ka. Uso rin ang kasuotang kulay pula o polkadots... suwerte rin daw sabi nila. Maraming nagbubukas ng bahay kahit mausok ang mga paputok... para raw pumasok ang swerte! Yung iba magnanakaw ang nakakakuha ng swerte! hehe... Naniniwala ka ba sa mga pamihiing ito? Saan ba nakasasalalay ang suwerte natin? Kung titingnan natin ang kapistahang pinagdiriwang ngayon ay malalaman natin kung saan nagmumula ang swerte! Kapistahan ngayon ni Maria bilang "Ina ng Diyos!" Pinapaalala sa atin na ang kasuwertehan niya ay di niya isinaalang-alang sa mga pamahiin subalit sa matapat na pagtupad sa kalooban ng Diyos. Nang pinili ng Diyos si Maria upang maging Kanyang ina ay hindi siya nagdalawang isip na sumunod sa Diyos bagamat hindi niya alam ang plano ng Diyos para sa kanya. Sa pagpasok ng bagong taon... maraming plano ng Diyos para sa atin! Ang suwerte natin ay nakasalalay sa matapat na pagsang-ayon sa Kanyang kalooban. Kaya kahit hikahos ang ating buhay sa pagpasok ng taon, kahit santambak ang problemang sasalubong sa atin, kahit baon tayo sa maraming pagkakautang ay kaya nating salubungin ang bagong taon na may ngiti sa ating mga labi. Ito ang tamang amoy sa pagpasok ng bagong taon: "AMOY GRASYA!" Si Maria ay "puspos ng Grasya" kaya't nagawa niyang tuparin ang plano ng Diyos para sa kanya. Nawa katulad ng Mahal na Birheng Maria ang atin ding masambit ang mga katagang..."Narito ang alipin ng Panginoon... maganap nawa sa kin ayon sa wika mo..." ISANG MAPAYAPA AT MAPAGPALANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!
Biyernes, Disyembre 25, 2009
Reflection: Feast of the Holy Family - December 27, 2009: ANG BANAL NA PAMILYA
Nagkaroon ng survey nitong nakaraang mga taon tungkol sa phenomenon ng mga isinisilang na "kambal". Nagtataka sila kasi kung bakit marami ang ipinapanganak na kambal. "Bakit kaya?" ang kanilang tanong. Maraming theorya nang lumabas ngunit kakaiba ang isang sagot na ibinigay: "Dahil takot ang batang isilang na mag-isa sa mundo!" Marahil ay hindi siyentipiko ang kasagutan ngunit kung pag-iisipan ay may katwiran at malalim na kahulugan... sa dami ng problemang bumabagabag sa bawat pamilya ngayon ay parang nakakatakot nang isilang sa mundo na mag-isa! Tingnan na lamang natin kung anung uring mundo mayroon tayo. Mahirap mang tanggapin ang katotohanan ngunit tama ang sinabi ng ating namayapang butihing Santo Papa Juan Pablo II na laganap na sa ang ating mundo ang "kultura ng kamatayan". Nariyan na ang abortion at contraception, idagdag pa natin ang divorce, disfunctional families, kahirapan ng pamumuhay, pagsasamantala sa karapatan ng mga bata, at marami pang ibang sulirin na direktang tinatamaan ang buhay-pamilya. Parang nakakatakot talaga na isilang sa mundo ngayon! Tinatapos natin ang taong ito sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose. Pinapaalala sa atin kung "ano dapat maging" ang isang pamilya. Ginawang banal ng Diyos ang bawat pamilya noong siya ay magkatawang tao... at pinabanal pa niya ito nang pinili niyang mabuhay sa loob ng isang pamilya. Hindi sapagkat "holy family" ay perpekto na! Kahit ang Banal na Pamilya ay nakaranas ng sakit at pagkukulang. Sa ebanghelyo ngayon ay makikita natin ang paghihirap na dinanas ng banal na pamilya sa pag-aalaga nila sa sanggol na Hesus upang mailayo ito sa kapahamakan. Kahanga-hanga ang papel na ginampanan ni Jose bilang "ama" ng banal na pamilya. At mayroon ding tagpo sa ebanghelyo na minsang naging pasaway ang batang Hesus noong minsan silang nagpunta sa templo ng Jerusalem. At take note: marunong sumagot sa magulang! Ngunit ang isang katangian ng banal na pamilya ay ang marunong itong magmahal sa kabila ng maraming pagkukulang ng bawat isa. Ito ang maaari nating mapulot sa Banal na Mag-anak. Sila ay Banal sapagkat sila ay nagmamahalan sa kabila ng kanilang pagkukulang. Minamahal ko rin ba ang pamilyang kinabibilangan ko? Ano ang magagawa ko pa upang maitaguyod ang aking sariling pamilya? Paano ko mapupunuan ang pagkukulang ng bawat isa sa amin? Tularan natin ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose!
Huwebes, Disyembre 24, 2009
Reflection: Solemnity of Christmas - December 25, 2009 - ANG BELEN SA PUSO MO! (Reposted & Revised)
Alam n'yo ba na sa America ay di puwede ang Belen? Wala kasing WISE MEN doon! Sa Japan na napakayaman ay di rin puwede ang Belen! Bakit? Kasi walang POOR SHEPHERDS! Sa Amsterdam na kilala bilang 'prostitution capital' ay wala ring Belen! Kasi walang VIRGIN! Pero sa PILIPINAS... puwedeng-puwede ang Belen! Bakit??? Kasi... maraming HAYOP! hahaha! Marami mang "hayop" na maituturing sa atin, una na d'yan ang mga naglipanang mga buwaya mula kalsada hanggang kongreso, ay tuloy pa rin ang Pasko sa atin! Puwedeng puwede pa rin ang Belen at dapat talagang magkaroon ng Belen! Ito na lang kasi ang nakikita kong kasagutan sa naparaming "masasama at mababangis" na hayop sa ating lipunan. Dapat ibalik ang BELEN.. dapat ibalik si KRISTO sa ating Pasko. Maraming mahihirap sa 'ting paligid sapagkat pinaghaharian pa rin tayo ng ating pagiging makasarili! Sariling interes, sariling pagpapakayaman, sariling kapakanan ang inuuna. Wala tayong pinagkaiba sa mga hayop sa kagubatan... survival of the fittest! Kaya nga marami ang nagugutom, walang matirhan, walang makain sapagkat wala ring nagbabahagi, walang gustong magbigay. Marami rin sa atin ang hindi ang hindi WISE sa buhay! Kulang sa pananaw sa buhay. Gusto lang ay ang pangkasalukuyang kaligayahan. Hindi iniisip ang masamang epekto ng maling desisyon sa buhay. Hindi taglay ang pag-iisip ni Kristo! Kaya nariyan na ang mga ilan na pera ang inuuna bago ang pamilya, handang isakripisyo ang katotohanan sa ngalan ng pakikisama, nagpapakasasa sa pita ng laman sa kadahilanan ng pansariling kaligayahan, nagpapakalunod sa bisyo sa ngalan ng kalayaan! Marami sa atin ang hindi POOR kasi nga nga naman sa kabila ng kahirapan ay maka-materyal pa rin ang uri ng ating pamumuhay at napapabayaan natin ang kaligtasan ng ating kaluluwa. Marami sa atin ang hindi VIRGIN sapagkat balot pa rin ng karumihan ang ating pag-iisip na pinalalala ng kultura ng kahalayan na hayag-hayagan kung i-promote ng mass media. Kailan kaya natin maibabalik si Kristo sa ating mga puso? Ayusin muna natin ang "belen sa ating mga puso." Ipaghanda natin si Jesus ng matitirhan. Linisin natin ang lahat ng masasamang pag-uugali. Tanggalin ang nagiging mga sagabal sa pagdiriwang ng isang MAPAYAPANG PASKO! Handa na ba ang Belen sa puso mo? Sa Paskong ito, isa lang ang dalangin ko... nawa'y maisilang si Jesus sa puso ng bawat tao... ISANG MAKAHULUGANG PASKO SA INYONG LAHAT!
Sabado, Disyembre 12, 2009
MAGALAK KAY KRISTO! : Reflection for the 3rd Sunday of Advent Year C - December 13, 2009
Minsan, sa isang klase ng "homiletics" (kung saan ay pina-aaralan naming mga pari kung paano mabigay ng homily) ay sinabi ng isang propesor. "Kapag kayo'y nagtuturo tungkol sa langit, hayaan ninyong magliwanag ang inyong mga mukha! Ipakita ninyong kayo ay masaya! Kung kayo naman ay nagtuturo tungkol sa impiyerno... ay sapat na ang pagmumukha ninyo ngayon!" hehehe... Ano ba ang pagmumukha mo ngayon? Langit ba o impiyerno? May ilang nagsasabing ang relihiyon daw natin ay isang "malungkot na relihiyon." Kapag naging seryosong Kristiyano ka raw ay marami na ang bawal na dapat mong iwasan. Bawal na ang alak, babae, sugal at iba pang masasamang bisyo! Totoo nga naman! Kung seryoso ka sa pagiging Kristiyano mo ay dapat mong iwanan at iwasan ang mga ito. Pero hindi ibig sabihin na dapat kang maging malungkot! Ang sinasabing kasiyahan na dulot ng mga bisyo at makamundong bagay ay panandalian lamang. Kaya nga't kung tunay na kaligayahan ang hanap mo ay hindi mo matatagpuan sa mga inaalok sa iyo ng mundo. Ang tunay na kaligayahan ay sa Diyos lamang matatagpuan. Kaya nga't ang panawagan sa ikatlong Linggo ng ating paghahanda sa Pasko ng Pagsilang ay: "Magalak kayong lagi sa Panginoon!" Ang kasiyahan ng Pasko ay wala sa magagarang dekorasyon, masarap na noche buena o maingay na pagdiriwang. Ang kasiyahan ng Pasko ay matatagpuan lamang kay Kristo! Kaya't wag kang mangamba kung labindalawang araw na lang ay wala pang laman ang iyong bulsa. 'Wag kang matakot kung wala ka pa ring regalong naihahanda. Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: "Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay!" Ano ang dahilan dapat ng hindi natin pagkabalisa? Sinagot ito ni Propera Zofonias sa unang pagbasa: “Huwag kang matakot, Sion; huwag manghina ang iyong loob. Nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos..." At ano ang dapat nating gawin upang maipakitang ang Diyos nga ay nasa ating piliing? Maipapapakita natin ito sa paggawa ng kabutihan at pamumuhay na makatarungan. Mamuhay tayo bilang mga tunay na Kristiyano. Pangatawanan natin ang pagtataglay ng pangalan ni Kristo. Praktikal ang mga salitang binitawan ni Hesus sa Ebanghelyo: “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin... Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di totoo!" Dito nakasasalalay ang tunay na kasiyahan ng Pasko. May isang text akong natanggap: "Sa mga friends ko na hindi umiinom, nagyoyosi, nagbibisyo. Mabubuhay kang malungkot. Patay na kaming lahat... buhay ka pa! " Hindi naman ganoon kasaklap ang mabuhay ng mabuti . Ang masayang pamumuhay ay wala sa gawaing masasama. Ang masayang pamumuhay ay pamumuhay kasama ni Kristo! Kaya nga ang panawagan sa atin: "Magalak kayong lagi sa Panginoon, inuulit ko, MAGALAK KAYO!"
Lunes, Disyembre 7, 2009
KALINISAN... POSIBLE! (Reposted) : Reflection for the Solemnity of the Immaculate Conception - December 8, 2009
Minsang pumasyal ako sa Bicol at pinuntahan ko ang matayog at magandang Mayon volcano. Swerte ako at maganda ang panahon. Maaliwalas ang kalangitan kitang-kita ang "perfect cone" ng bulkan. Ang sabi ng ilang tagaroon: "May paniniwala na tanging ang mga birhen lang ang nakakakita ng perfect cone ng bulkan." Nang sumunod na araw ay naroroon uli ako at napansin kong may grupo ng mga madreng tinatanaw ang bulkan at ang sabi nila: "Ay sayang! Maulap di natin makita ang perfect cone ng bulkang Mayon!" hehehe! Uso pa ba ang pagiging birhen ngayon? Sa ibang progresibong pag-iisip ay makaluma na ang kahinhinan at kalinisan. Ngunit ang kapistahang ipinagdiriwang ngayon ay nagsasabing posible pa rin ang kalinisan! May ilan pa ring nalilito sa kapistahang ito: ang "Immaculate Coneception". Akala ng iba, ito ay ang mahimalang paglilihi ni Maria kay Jesus o ang tinatawag nating "virgin birth" ni Jesus. Sino ba talaga ang ipinaglihi? Si Jesus o si Maria? Ang Immaculate Conception ay ang "kalinis-linisang paglilihi kay Maria" na pinaniniwalaan nating totoo bilang mga Kristiyano. Paano nangyari na ang isang tao ay ipinaglihing walang kasalanan gayung lahat ng taong isinisilang sa mundo ay nababahiran ng "original sin?" Marahil imposible para sa ating mga tao, ngunit hindi sa Diyos! Kung hihiramin ko ang slogan ng Globe telecom: "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!" Isang natatanging pribelihiyo ang ibinigay ng Diyos kay Maria na ipinaglihi siyang walang kasalanang mana sapagkat siya ang magdadala sa Anak ng Diyos sa kanyang sinapupunan. Hindi ata tama ang maglagay ng maputing bigas sa maruming kaldero! Dapat malinis muna ang paglalagyan! Ang sinapupunan ng Mahal na Birhen ay ihinihanda na ng Diyos sapul pa nung ipaglihi siya ng kanyang mga magulang. At ang kalinisang ito ay kanyang pinanatili! Kaya nga ang tawag natin din sa kanya ay "Ever-virgin!" Isang magandang paalala sa ating lahat. Marahil ay hindi natin mapapantayan ang kalinisan ng Mahal na Birhen. Ngunit inaanyayahan tayong mabuhay ng may malinis na puso! Nakakalungkot sapagkat kalat na sa mundo ang kalaswaan at sinisira ang murang pag-iisip ng ating mga kabataan. Hingin natin na sana ay protektahan ng Mahal na Birhen ang bawat isa sa atin. Wag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat kaya din nating maging malinis tulad niya. Tandaan natin... "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!"
Sabado, Disyembre 5, 2009
IHANDA ANG DAAN: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year C - December 6, 2009
Tayo raw mga Katoliko ay may "katok" na, "liko" pa! Marahil ay isang biro ngunit may katotohanan kung ating pag-iisipan. Marami kasi sa atin ang may "katok" sapagkat may sumpong tayo sa pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Nasa Simbahan ngayon, nasa pasugalan bukas! Madasalin ngayon, palamura pag-uwi! Maka-Diyos kung tingnan, mapanlait at mapanira naman sa kapwa! Marami pa rin sa atin ang hindi seryoso sa pagiging Kristiyano. "Liko" sapagkat marami pa rin sa atin ang patuloy sa masamang pamumuhay. Ang tama na dapat gawin ay hindi ginagawa. Ang masama na dapat iniiwasan ay pinagbibigyan! Ang Ebanghelyo ngayong ikalawang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin na ayusin natin ang ating buhay. Ang sigaw ni Propera Isaias ay: “Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: 'Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas! Tatambakan ang bawat lambak, at titibagin ang bawat burol at bundok. Tutuwirin ang daang liku-liko, at papatagin ang daang baku-bako. At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos! '” Maaaring ang mga mga lambak ay ang kakulangan natin sa ating pagiging mabuting Kristiyano. Ang mga burol at bundok naman ay ang ating kayabangan na nagiging sanhi ng ating pagkakasala. And daang bako-bako ay ang maraming makamundong alalahanin na nagiging sagabal upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap ng Diyos. Ang liko-likong landas ay ang mga maling pagdedesisyon na kalimitan ay pansariling kapakanan ang inuuna. Marami tayong dapat ayusin sa ating sarili kung nais nating maging masaya at makahulugan ang ating paghahanda sa darating na Pasko. Katoliko ka ba? Baka naman katok pa rin at liko ang buhay mo? Simulan mo nang ayusin habang may panahon pang ibinibigay sa iyo ang Diyos.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)