Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Miyerkules, Disyembre 30, 2009
Reflection: New Year - Solemnity of Mary the Mother of God - January 1, 2010: ANG AMOY NG BAGONG TAON
Amoy Bagong Taon na! Marami sa ating ang mag-aamoy usok ng paputok! Ang iba naman... amoy putok! hehehe... Kaya nga't magandang maligo bago pumasok ang bagong taon at sundin ang pamantayan sa paggamit ng pabango ayon sa isang text na aking natanggap:"The essence of smell in life: lotion for the babies, cologne for the twenties, Eau d Toilet for the thirties, perfume for the fourties, Efficacent Oil for the fifties, bawang at Luya for the sixties, insenso for the seventies and above! hahaha! Anuman ang amoy mo... isa lang ang sinasabi nito: Salubungin mo ang bagong taon na may "bagong amoy" para pumasok ang suwerte! Ang dami nating ginawa upang papasukin ang suwerte sa bagong taon. Naririyan na ang pagbili ng mga bilog na prutas.Suwerte raw kasi yung bilog... magkakapera ka. Uso rin ang kasuotang kulay pula o polkadots... suwerte rin daw sabi nila. Maraming nagbubukas ng bahay kahit mausok ang mga paputok... para raw pumasok ang swerte! Yung iba magnanakaw ang nakakakuha ng swerte! hehe... Naniniwala ka ba sa mga pamihiing ito? Saan ba nakasasalalay ang suwerte natin? Kung titingnan natin ang kapistahang pinagdiriwang ngayon ay malalaman natin kung saan nagmumula ang swerte! Kapistahan ngayon ni Maria bilang "Ina ng Diyos!" Pinapaalala sa atin na ang kasuwertehan niya ay di niya isinaalang-alang sa mga pamahiin subalit sa matapat na pagtupad sa kalooban ng Diyos. Nang pinili ng Diyos si Maria upang maging Kanyang ina ay hindi siya nagdalawang isip na sumunod sa Diyos bagamat hindi niya alam ang plano ng Diyos para sa kanya. Sa pagpasok ng bagong taon... maraming plano ng Diyos para sa atin! Ang suwerte natin ay nakasalalay sa matapat na pagsang-ayon sa Kanyang kalooban. Kaya kahit hikahos ang ating buhay sa pagpasok ng taon, kahit santambak ang problemang sasalubong sa atin, kahit baon tayo sa maraming pagkakautang ay kaya nating salubungin ang bagong taon na may ngiti sa ating mga labi. Ito ang tamang amoy sa pagpasok ng bagong taon: "AMOY GRASYA!" Si Maria ay "puspos ng Grasya" kaya't nagawa niyang tuparin ang plano ng Diyos para sa kanya. Nawa katulad ng Mahal na Birheng Maria ang atin ding masambit ang mga katagang..."Narito ang alipin ng Panginoon... maganap nawa sa kin ayon sa wika mo..." ISANG MAPAYAPA AT MAPAGPALANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento