Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Disyembre 5, 2009
IHANDA ANG DAAN: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year C - December 6, 2009
Tayo raw mga Katoliko ay may "katok" na, "liko" pa! Marahil ay isang biro ngunit may katotohanan kung ating pag-iisipan. Marami kasi sa atin ang may "katok" sapagkat may sumpong tayo sa pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Nasa Simbahan ngayon, nasa pasugalan bukas! Madasalin ngayon, palamura pag-uwi! Maka-Diyos kung tingnan, mapanlait at mapanira naman sa kapwa! Marami pa rin sa atin ang hindi seryoso sa pagiging Kristiyano. "Liko" sapagkat marami pa rin sa atin ang patuloy sa masamang pamumuhay. Ang tama na dapat gawin ay hindi ginagawa. Ang masama na dapat iniiwasan ay pinagbibigyan! Ang Ebanghelyo ngayong ikalawang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin na ayusin natin ang ating buhay. Ang sigaw ni Propera Isaias ay: “Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: 'Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas! Tatambakan ang bawat lambak, at titibagin ang bawat burol at bundok. Tutuwirin ang daang liku-liko, at papatagin ang daang baku-bako. At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos! '” Maaaring ang mga mga lambak ay ang kakulangan natin sa ating pagiging mabuting Kristiyano. Ang mga burol at bundok naman ay ang ating kayabangan na nagiging sanhi ng ating pagkakasala. And daang bako-bako ay ang maraming makamundong alalahanin na nagiging sagabal upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap ng Diyos. Ang liko-likong landas ay ang mga maling pagdedesisyon na kalimitan ay pansariling kapakanan ang inuuna. Marami tayong dapat ayusin sa ating sarili kung nais nating maging masaya at makahulugan ang ating paghahanda sa darating na Pasko. Katoliko ka ba? Baka naman katok pa rin at liko ang buhay mo? Simulan mo nang ayusin habang may panahon pang ibinibigay sa iyo ang Diyos.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento