Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Disyembre 25, 2009
Reflection: Feast of the Holy Family - December 27, 2009: ANG BANAL NA PAMILYA
Nagkaroon ng survey nitong nakaraang mga taon tungkol sa phenomenon ng mga isinisilang na "kambal". Nagtataka sila kasi kung bakit marami ang ipinapanganak na kambal. "Bakit kaya?" ang kanilang tanong. Maraming theorya nang lumabas ngunit kakaiba ang isang sagot na ibinigay: "Dahil takot ang batang isilang na mag-isa sa mundo!" Marahil ay hindi siyentipiko ang kasagutan ngunit kung pag-iisipan ay may katwiran at malalim na kahulugan... sa dami ng problemang bumabagabag sa bawat pamilya ngayon ay parang nakakatakot nang isilang sa mundo na mag-isa! Tingnan na lamang natin kung anung uring mundo mayroon tayo. Mahirap mang tanggapin ang katotohanan ngunit tama ang sinabi ng ating namayapang butihing Santo Papa Juan Pablo II na laganap na sa ang ating mundo ang "kultura ng kamatayan". Nariyan na ang abortion at contraception, idagdag pa natin ang divorce, disfunctional families, kahirapan ng pamumuhay, pagsasamantala sa karapatan ng mga bata, at marami pang ibang sulirin na direktang tinatamaan ang buhay-pamilya. Parang nakakatakot talaga na isilang sa mundo ngayon! Tinatapos natin ang taong ito sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose. Pinapaalala sa atin kung "ano dapat maging" ang isang pamilya. Ginawang banal ng Diyos ang bawat pamilya noong siya ay magkatawang tao... at pinabanal pa niya ito nang pinili niyang mabuhay sa loob ng isang pamilya. Hindi sapagkat "holy family" ay perpekto na! Kahit ang Banal na Pamilya ay nakaranas ng sakit at pagkukulang. Sa ebanghelyo ngayon ay makikita natin ang paghihirap na dinanas ng banal na pamilya sa pag-aalaga nila sa sanggol na Hesus upang mailayo ito sa kapahamakan. Kahanga-hanga ang papel na ginampanan ni Jose bilang "ama" ng banal na pamilya. At mayroon ding tagpo sa ebanghelyo na minsang naging pasaway ang batang Hesus noong minsan silang nagpunta sa templo ng Jerusalem. At take note: marunong sumagot sa magulang! Ngunit ang isang katangian ng banal na pamilya ay ang marunong itong magmahal sa kabila ng maraming pagkukulang ng bawat isa. Ito ang maaari nating mapulot sa Banal na Mag-anak. Sila ay Banal sapagkat sila ay nagmamahalan sa kabila ng kanilang pagkukulang. Minamahal ko rin ba ang pamilyang kinabibilangan ko? Ano ang magagawa ko pa upang maitaguyod ang aking sariling pamilya? Paano ko mapupunuan ang pagkukulang ng bawat isa sa amin? Tularan natin ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento