Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Huwebes, Disyembre 24, 2009
Reflection: Solemnity of Christmas - December 25, 2009 - ANG BELEN SA PUSO MO! (Reposted & Revised)
Alam n'yo ba na sa America ay di puwede ang Belen? Wala kasing WISE MEN doon! Sa Japan na napakayaman ay di rin puwede ang Belen! Bakit? Kasi walang POOR SHEPHERDS! Sa Amsterdam na kilala bilang 'prostitution capital' ay wala ring Belen! Kasi walang VIRGIN! Pero sa PILIPINAS... puwedeng-puwede ang Belen! Bakit??? Kasi... maraming HAYOP! hahaha! Marami mang "hayop" na maituturing sa atin, una na d'yan ang mga naglipanang mga buwaya mula kalsada hanggang kongreso, ay tuloy pa rin ang Pasko sa atin! Puwedeng puwede pa rin ang Belen at dapat talagang magkaroon ng Belen! Ito na lang kasi ang nakikita kong kasagutan sa naparaming "masasama at mababangis" na hayop sa ating lipunan. Dapat ibalik ang BELEN.. dapat ibalik si KRISTO sa ating Pasko. Maraming mahihirap sa 'ting paligid sapagkat pinaghaharian pa rin tayo ng ating pagiging makasarili! Sariling interes, sariling pagpapakayaman, sariling kapakanan ang inuuna. Wala tayong pinagkaiba sa mga hayop sa kagubatan... survival of the fittest! Kaya nga marami ang nagugutom, walang matirhan, walang makain sapagkat wala ring nagbabahagi, walang gustong magbigay. Marami rin sa atin ang hindi ang hindi WISE sa buhay! Kulang sa pananaw sa buhay. Gusto lang ay ang pangkasalukuyang kaligayahan. Hindi iniisip ang masamang epekto ng maling desisyon sa buhay. Hindi taglay ang pag-iisip ni Kristo! Kaya nariyan na ang mga ilan na pera ang inuuna bago ang pamilya, handang isakripisyo ang katotohanan sa ngalan ng pakikisama, nagpapakasasa sa pita ng laman sa kadahilanan ng pansariling kaligayahan, nagpapakalunod sa bisyo sa ngalan ng kalayaan! Marami sa atin ang hindi POOR kasi nga nga naman sa kabila ng kahirapan ay maka-materyal pa rin ang uri ng ating pamumuhay at napapabayaan natin ang kaligtasan ng ating kaluluwa. Marami sa atin ang hindi VIRGIN sapagkat balot pa rin ng karumihan ang ating pag-iisip na pinalalala ng kultura ng kahalayan na hayag-hayagan kung i-promote ng mass media. Kailan kaya natin maibabalik si Kristo sa ating mga puso? Ayusin muna natin ang "belen sa ating mga puso." Ipaghanda natin si Jesus ng matitirhan. Linisin natin ang lahat ng masasamang pag-uugali. Tanggalin ang nagiging mga sagabal sa pagdiriwang ng isang MAPAYAPANG PASKO! Handa na ba ang Belen sa puso mo? Sa Paskong ito, isa lang ang dalangin ko... nawa'y maisilang si Jesus sa puso ng bawat tao... ISANG MAKAHULUGANG PASKO SA INYONG LAHAT!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento