Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Marso 20, 2010
MAPANGHUSGA! : Reflection for 5th Sunday of Lent Year C - March 21, 2010
Minsan pinagkumpisal ng pari ang kanyang sakristan sa paghihinalang kinukupit nito ang mga koleksyon sa misa. Sumunod naman ang sakristan, ikinumpisal lahat ang kasalanan maliban sa pangungupit. Kaya't sinabi ng pari sa kanya: "Mukhang me nakalimutan ka atang sabihin... kikukupit mo ba ang koleksyon sa misa?" Sumunod ang isang mahabang katahimikan. Nainis na ang pari kaya siya ay lumabas sa kumpisalan at sinabi sa nakaluhod na sakristan. "Ano? bingi ka ba? Hindi mo ba ako narinig? Tinatanong kita kung kinukupit mo ang koleksyon!" Sagot ng bata: "Wala po akong marinig dito padre." Sabat ng pari: "Kalokohan, palit tayo ng lugar, ikaw ang maupo sa loob ako dito sa labas... magsalita ka." Nagsalita ng sakristan mula sa loob ng kumpisalan: "Father, bakit hindi pa ninyo ako sinusuwelduhan, yung SSS ko wala pa, yung health benefits ko wala pa rin... at saka sino yung babaeng laging pumupunta sa kumbento?" Sagot ng pari: "Iho, tama ka nga... wala akong naririnig dito..." hehehe... Kung minsan bingi tayo sa ating sariling pagkakamali. Napakadaling husgahan ng iba ngunit di naman natin makita ang ating sariling pagkakasala. Napakadali sa atin ang manuro ng kapwa sa tuwing sila ay nagkakamali upang malaman lamang natin sa huli na sa tuwing tayo ay nanunuro ay tatlong daliri ang nakaturo sa atin na nagsasabi na ikaw din ay nagkasala! Iwasan natin ang manghusga! Ito rin ang nais ni Jesus na baguhin natin sa ating mga sarili. Bago natin patawan ng paghuhusga ang iba... tingnan muna natin ang ating mga sariling kakulangan at pagkakamali: "Sino man sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya." Wala ni isang naiwan sa mga humuhusga sa babae... lahat ay umalis. Ang Diyos natin ay Diyos na mahabagin at mapagpatawad... hindi Diyos na mapanghusga. "Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag ng magkasala!" Pasalamatan natin ang Panginoon sa tuwing nakakamit natin ang Kanyang pagpapatawad at ipakita natin sa Kanya na tatalikuran na natin ang kasalanan at tayo ay magbabagong buhay!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento