Naassign sa "Bario Sirang-Tulay" si Padre Kuliling. Yun ang tawag sa kanya ng mga tao sapagkat sa tuwing siya ay nagpapa- kumpisal ay gumagamit siya ng ng maliit na "bell" at pagkatapos mong sabihin ang kasalanan mo ay makakarinig ka ng "kuliling... kuliling..." ng maliit na bell depende sa bilang ng iyong kasalanan. Nagkataong nangumpisal ang kinikilalang pinakamakasalanan sa bayan. Parang may shooting ng mga artista na dinagsa ng mga tao ang simbahan upang marinig kung ilang kuliling ng bell ang gagawin ng pari. Dalawampung minuto na ang nakalipas... walang kuliling. Tatlumpu... apatnapu... wala pa rin. "Hinimatay na ata si Fr. Kuliling sa dami ng kasalanang kanyang narinig" sabi ng mga tao. Pagkatapos ng isang oras ay patakbong lumabas si Fr. Kuliling. Nagtungo sa kampanaryo ng Simbahan at hinila ang tali... "boom! boom! boom!...." Ganyan kalaki ang pagpapatawad ng Diyos. Hindi lang "kuliling ng maliit na kampana" ngunit "boom ng kampanaryo" ang nakalaan sa isang makasalanang tunay na nagsisisi. Ang talinhaga ay angkop na pamagatang "The parable of the Prodigal Father" imbis na "Prodigal Son" sapagkat ang bida ay ang tatay hindi ang anak. "prodigal" o alibugha ang tatay sapagkat hindi naayon sa tamang pag-iisip ang kanyang ginawa sa kabila ng maraming pagkakamali ng kanyang anak. Hindi siya nirespeto, pinagsamantalahan ang kanyang kabaitan, nilustay ang kanyang kayamanan ngunit sa huli ay nakuha niya pa ring magpatawad. Ganyang kabuti ang ating Diyos... Kahit halos abusuhin na natin Siya sa dami at paulit-ulit nating kasalanan ay nakahanda pa rin Siyang magpatawad at tanggapin muli tayo bilang kanyang mga anak! 'Yan ang tunay na "Good News!"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento