Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Nobyembre 26, 2010
BAGONG TAON... BAGONG BUHAY: Reflection for the First Sunday of Advent Year A - November 28, 2010
"Happy New Year sa inyong lahat!" Pambungad na bati ko sa misa. Nakatulala ang mga tao, hindi alam ang isasagot... "Merry Christmas" ba o "Happy New Year?" Totoo nga naman, papasok pa lang ang buwan ng Disyembre. Inilalatag pa lang ang mga bibingka at puto bungbong sa labas ng simbahan. Isinasabit pa lang ang mga parol sa bintana. Nagpraparaktis pa lang mag-carolling ang mga bata... happy new year na? Oo... NEW YEAR NA! Ang Unang Linggo ng Adbiyento ang BAGONG TAON NG SIMBAHAN! Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay nilalaan nating panahon para "paghandaan" ang paggunita sa pagsilang ng ating Panginoong Jesus. Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay "panlabas": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party... Siguro kailangan ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ngunit hindi lang ito ang paghahanda para sa isang masaya at makahulugang Pasko. Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin: Si Propeta Isaias ay nag-aanyaya: "Halina kayo... at tayo’y lumakad sa liwanag ng Panginoon!" Gayun din si San Pablo: "Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti." Ang mga ito'y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa loob at wala sa labas: Tanggalin ang masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso! Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Di tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong. Dapat lang... sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan". Masyado ng maingay ang mundo. Masyado ng na-commercialized ang pagdiriwang ng Pasko! Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na linggo ang ibinibigay sa atin ng Simbahan upang itahimik ang ating mga puso. Apat na linggo nating pagninilayan ang paghahanda sa pagsilang ni Jesus. Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating tahanan o simbahan bagkus magsilbing paalala na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating. Bagong taon... bagong buhay! Bagong pag-asa ang ibinibigay sa atin sa pagdating ni Jesus! Halina, Emmanuel... manatili ka sa aming piling!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento