Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Lunes, Nobyembre 15, 2010
TAKOT AT PANANABIK: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year C - November 14, 2010
Pansamantala na namang tumigil ang pag-ikot ng mundo nitong nakaraang Linggo, ika-14 ng Nobyembre. Nagmistulang "ghost town" ang mga kalsada. Nagpahinga ang mga snatchets at holdapers sa kanto. Lahat ng trabaho ay tumigil. Lahat ay tumutok sa laban ni Pacquiao at Margarito. Ano ba ang naramdaman mo habang ikaw ay nanonood? Natatakot ka ba o nananabik ka ba? Para sa akin ay magkahalong takot at pananabik. Takot sapagkat mas malaki at mas mabigat ang kanyang kalaban. Pananabik sapagkat kung saka-sakaling manalo si Pacman ay ito na ang pangwalo niyang korona sa boxing na galing sa iba't ibang division, bagay na hindi mapapantayan ninuman. Takot at pananabik... parehong damdamin na ipanadadama sa atin ng mga pagbasa sa Liturhiya ng linggong ito. Takot sa maaaring mangyari sa muling pagbabalik ni Jesus na hindi natin alam kung kailan. Pananabik sapagkat ito ang magiging simula ng isang masayang buhay para sa lahat ng naging tapat sa Kanya. Ang araw ng paghuhukom ay hindi dapat katakutan ng ating mga Krisityano kung naging tapat lamang tayo sa pagsasakatuparan ng Kanyang utos bago Siya umakyat sa langit: "Mag-ibigan kayo tulad ng pag-ibig ko sa inyo!" Hahatulan tayo ng Panginoon ayon sa batas ng pag-ibig. Kaya wala tayong dapat ipangamba kung tayo ay marunong magmahal. Susulitin lamang natin sa Panginoon kung paanong minahal natin ang ating kapwa. Pinatawad ko ba ang aking kaaway? Naging mapag-aruga ba ako sa aking mga mahal sa buhay? Naging magalang at masunurin ba ako sa aking mga magulang? Kung hindi natin nagawang magmahal ay mayroon nga tayong dapat katakutan! Patapos na ang taong Liturhiko. Ang bawat pagtatapos ay dapat na magdala sa atin ng pagninilay na may katapusan ang lahat maging ang ating buhay. Habang hinihintay natin ang kanyang muling pagbabalik ay maging masigasig tayo sa ating pagiging Kristiyano. Nawa ang ating pagkaabalahan ay ang paggawa ng kabutihan at hindi kapabayaan!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento