Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Nobyembre 5, 2010
Death: THE MAGNIFICENT LOVER : Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year C - November 7, 2010
"Death is a magnificent lover!" Ito ang sabi ni Scottpeck sa kanyang sequel book na "Further along the Road Less Travelled." Mukhang mahirap atang tanggapin ang pangungusap na ito. Sino nga ba sa atin ang gustong mamatay? Ni ayaw nga nating pag-isipan ang ating sariling kamatayan! Nasubukan mo na bang mag-canvass at magpasukat ng sarili mong kabaong? O kaya naman ay pumili ng sarili mong bulaklak para sa iyong libing? O maghanap ng sementeryong paglilibingan? Baliw lang siguro ang gagawa nun! hehehe. Minsan may nagkumpisal sa isang pari: "Padre, patawarin mo po ako, marami na po akong napatay na tao. Galit po kasi ako sa kanila dahil naniniwala sila sa Diyos. Ikaw Padre, naniniwala ka ba sa Diyos?" Sagot ang pari: "Naku, anak... hindi... pagtrip-trip lang!"hehehe... Mahirap nga namang lumagay sa kinatatayuan ng pari. Ayaw nating mamatay! Ngunit ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapa-alala sa atin na hindi ang kamatayan ang katapusan ng ating buhay; na may buhay sa kabila na naiiba sa buhay natin ngayon dito sa mundo. Sapagkat ang ating Diyos ay "Diyos ng mga buhay at hindi Diyos ng mga patay." (Lk 20:38) Ito ang dahilan kung bakit, pinagdarasal natin at inaalala ang ating mga namatay tuwing buwan ng Nobyembre. Naniniwala tayo na may "buhay sa kabila". Pinagdarasal natin sila upang madali nilang makamtan ang kaligayahan sa "kabilang-buhay". Kaya't wag tayong matakot sa ating kamatayan. Ito ay parang kasintahan na dapat mahalin at hindi katakutan. Ang alok niyang pagmamahal ay ang makapiling ang Diyos magpakailanman! Makakatanggi ka ba sa alok ng isang nagmamahal sa iyo? Kung ang kamatayan ay isang "magnificent lover" mas maganda na kung ngayon pa lang ay pinaghahandaan na natin ito. Hindi ang pagcanvass ng kabaong, o pagpili ng bulaklak o pagkakaroon ng memorial plan ang dapat nating paghandaan ngunit ang paggawa ng maraming kabutihan na siyang magiging susi sa pagpasok natin sa pintuan na ang tawag ay "kamatayan". Let us all embrace our own death. After all... "death is a magnificent lover!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento