Bumalik na namang matagumpay ang ating Pambansang Kamaong si Manny Paquiao! Parang wala pang isang taon nang pinarangalan natin siya at ibinigay pa ang titulong "Order of Sikatuna". Naaalala ko rin na noong isang taon ay inihambing ko siya sa pagbabalik ng isang hari hango sa isang sikat na palabas: "Lord of the Rings: The Return of the King!" Tunay nga namang siya ang kaisa-isahang Lord of the Rings (Hari ng Boxing Ring! 8 World Titles sa iba't ibang division). Kaya nga't bilang pagpaparangal ay ginawa pang PACMANIAN WEEKEND ng Kapuso Network ang araw na ito! Ngunit sa ating Simbahan, ang araw na ito ay talagang nakalaan sa pagpaparangal sa ATING NAG-IISANG HARI! Ngayon ang Kapistahan ni Jesus na Kristong Hari na siyang hudyat din ng pagtatapos ng taong liturhiko. Ano ba ang uri ng paghaharing ito? Ang isang hari ay pinagpipitagan at iginagalang ng mga tao kapalit ng paniniwalang pamumunuan sila nito ng may katarungan at pag-aaruga. Ang isang hari sa wikang ingles ay dapat na maging isang "gracious king!" Doon lamang siya makakakuha ng rispeto at pagsunod sa kanyang mga nasasakupan. Ito marahil ang nakita at nadama ng magnanakaw na nasa kanyang tabi kaya't nassabi nitong: "Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na!" Tunay ngang si Jesus na ating hari ay puno ng kagandahang-loob! Jesus is a gracious king! Kung kaya't wala rin tayong dapat katakutan kung tatawagin na Niya tayong tumayo sa Kanyang harapan at magsulit ng ating buhay. Manginig tayo sa takot kung tayo ay nagpabaya at natagpuan niyang hindi handa! Kaya nga't sa muling pagbabalik ni Kristong hari ay inaasahan tayong paghandaan ng mabuti ang kanyang pagdating. Paghandaan natin ito sa pamamagitan ng isang mabuting pamumuhay at tapat na paglilingkod sa kapwa. Si Kristong Hari ay hari sapagkat bukas palad ang kanyang pagilingkod. Paglilingkod na walang itinatangi at pinipili. Paglilingkod na nakatuon sa ikabubuti ng iba at hindi ng sarili. Paglilingkod ng ng isang tunay na SERVANT-LEADER! Hinihintay nating lahat ang kanyang muling pagbabalik. Darating muli ang ating hari. Paghandaan natin ang araw na ito... THE RETURN OF THE KING! Mabuhay si KRISTONG HARI!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento