Napakaraming kinikilalang hari ngayong panahong ito. Nangunguna na sa listahan ang Hari ng Boxing na walang iba kundi ang ating pambansang kamaong si Manny Pacquiao na nagpapatigil sa mundo sa tuwing siya ay aakyat ng boxing ring. Naririyan din ang tinanghal na Hari ng Komedya na walang iba kundi ang yumaong si Dolphy. Siyempre hindi natin makakalimutan ang Hari ng Pelikulang Pilipinong si Da King Fernando Poe Jr. Pero hindi natin kinakailangang lumayo. Dito sa ating lugar ay mayroon tayong "Asiong Salongga" na tinaguriang Hari ng Tundo! Ano nga ba ang kakaiba sa mga taong ito at nabansagan silang hari? Mula noon hanggang ngayon ang pamantayan pa rin ng mundo sa pagiging hari ay kasikatan, kayamanan at kapangyarihan! Kaya nga't napakahirap kay Pilatong tanggapin si Jesus bilang hari sapagkat wala sa kanya ang tatlong ito. "Ikaw ba ang hari ng mga Judio?" Ang tanong ni Pilato kay Jesus. Ngunit hindi lamang si Pilato. Maging ang mga Judiong nagdala sa kanya ay hindi matanggap na siya ang hinihintay nilang Mesias o tagapagligtas. Ngunit totoong hari si Jesus. Yun lang nga ay iba ang kanyang paghahari sapagkat ang Kanyang kaharian ay wala sa mundong ito. “Kayo na ang nagsasabing ako’y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.” ang sagot ni Jesus sa tanong ni Pilato. Si Jesus ay Hari ng Katotohanan! Ibig sabihin si Jesus ay naparito upang maging saksi sa katotohanan at anyayahan ang taong pumanig sa katotohan. Nitong mga nagdaang araw ay sumikat ang katagang AMALAYER! Hango ito sa salitang binitiwan ng isang dalaga sa MRT na pasigaw na bumubulyaw sa isang security guard ng "I'm a liar? I'm a liar?" Nakakalungkot aminin na tayong lahat ay may AMALAYER sa ating sarili. Lahat tayo ay may kasinungalingang taglay sapagkat hirap tayong tanggapin ang katotohan sa ating buhay. Nangunguna na d'yan ang katotohanang dapat tayong magbago, na dapat nating tanggalin ang ating nakagawiang masamang pag-uugali. Ang pinakamahirap gawin ay aminin natin sa ating sarili na mayroon tayong pagkakamali. Walang pagbabago kung walang pag-amin o pagiging totoo sa ating sarili. Ang demonyo ang hari ng kasinungalingan. Siya ang tunay na AMALAYER! Ang kanyang pangunahing layunin ay ilayo tayo a Katotohanan na walang iba kundi ang Diyos! Ang ibig sabihin ng diyabolos sa Griego na kung saan ay hango ang salitang diablo ay "manloloko" o "deceiver!" Sa tuwing tayo ay nabubuhay sa kasinungalingan ay nagiging tagasunod tayo ng demonyo. Tandaan natin na kung saan umiiral ang katotohanan ay doon naghahari si Jesus. Dalawang bagay ang maari nating gawin upang tayo ay pagharian Niya. Una ay ang makinig sa Kanya sa pamamagitan ng isang malalim na buhay panalangin. Magiging totoo tayo sa ating sarili kung marunong tayong magdasal. Hindi ko tinutukoy ang mga sinaulo nating panalangin. Ang panalangin ay hindi lang pagdarasal gamit ang bibig. Ito rin ay pagdarasal gamit ang pandinig. Pakinggan mo ang binubulong ng Diyos sa katahimikan ng iyong puso. Pangalawa ay ang pagsunod sa ating budhi o pagkakaroon ng tuwid na konsiyensiya. Nakikinig tayo sa ating konsiyensiya kung sinusunod natin ang tama at totoo. Gamitin natn ito sa ating pagdedesisyon, sa pakikinig sa mga "moral issues", sa paghimay sa mga araw-araw na pangyayari sa ating lipunan, sa paggamit ng mass media tulad ng TV, radio, internet. Napakagandang mabuhay sa mundo na walang pandaraya, panlalamang at kasinungalingan. Ang mundong pinaghaharian ng Diyos ay mundong nabubuhay sa katotohanan. Magpakatotoo ka!
Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Nobyembre 24, 2012
Sabado, Nobyembre 17, 2012
DOOMSDAY 2012: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year B - Year of Faith - November 18, 2012
Noong isang taon ay may lumabas na propesiya na nagsasabing magugunaw na daw ang mundo sa December 21, 2012. Ito raw ang araw na tinatawag na DOOMSDAY! Hindi ka ba natatakot? Kung bibilangin mo ang araw sa kalendaryo ay may tatlumpu't tatlong araw ka na lamang na nalalabi sa mundong ito! Kung hindi ka pa rin natatakot ay may isang dapat ka pang katakutan. Tatlumpu't anim na araw na lang ay Pasko na! May pera ka na ba? Kung wala pa e dapat ka na sigurong mag-alala at manginig sa takot! hehehe... Bakit nga ba kapag katapusan ng mundo ang pinag-uusapan ay natatakot tayo? Ang sagot ay kapareho rin sa kung bakit natatakot ang mga taong walang pera sa paparating na Pasko... kasi hindi natin napaghandaan! Ang sangkatutak na gastusin sa Pasko at ang mga isang pulutong na inaanak na susugod sa iyo ay nakakapangilabot. Kaya naman marami sa mga ninong at ninang ay TnT (tago ng tago) kapag lumalapit na ang Pasko. Ibig sabihin ang ating takot ay dahil sa kawalan o kakulangan natin sa paghahanda. Ano ba ang dapat na pananaw ng isang Kristiyano sa "katapusan ng mundo?" Alam natin na ang buhay natin sa mundo ay may katapusan. Ngunit ang katapusang ito ay simula lamang ng ating magiging tunay na buhay. Ito ang tinatawag nating "Araw ng Paghuhukom", the time of reckoning, the day of justice... na kung saan ay gagantimpalaan ng Panginoon ang mga taong nanatiling tapat sa Kanya at paparusahan ang mga namuhay na masama. Kaya ang isang krisitiyano ay hindi dapat masiraan ng loob kung nakikita nating parang baliktad ata ang takbo ng mundo: na ang nagpapakabuti ay naghihirap at ang mga nagpapakasama ay gumiginhawa ang buhay! May katapusan ang lahat ng pagpapakasarap sa mundo. Hindi naman ata makaratarungan sa mga nagpapakabuti kung pareho lang ng mga masasama ang kanilang gantimpalang tatanggapin sa "huling araw". Ang hinihingi ng Panginoon ay ang ating pagtitiyaga kung paanong pinagtitiyagaan n'ya ang ating pagiging makasalanan. Wala tayong dapat ikatakot kung mabuti naman tayong namumuhay bilang mga Kristiyano. May isang batang naglalaro ng basketball at ng tanungin siya kung ano ang kanyang gagawin kung sa mga sandaling yaon ay magugunaw na ang mundo, ang kanyan sagot ay ito: "Ipagpapatuloy ko po ang paglalaro ko ng Basketball!" Nais lang sabihin ng bata na wala siyang dapat ikatakot sapagkat handa siya anumang oras siyang matagpuan ng oras ng paghuhukom. Kaya nga't wala tayong dapat katakutan sa araw at oras na iyon na kung saan ay susulitin ng Diyos ang ating buhay. Hindi Niya gawain ang manakot bagkus ang lagi niyang ginagawa ay magpaalala sa atin sa mga bagay na dapat nating pinaghahandaan at pinahahalagahan. Mahalaga ang ating buhay sa mundo. Mahalaga rin ang ating buhay na naghihintay sa kabila. Pareho natin silang bigyan ng pagpapahalaga sa pamamagitan ng pamumuhay ng mabuti.
Sabado, Nobyembre 10, 2012
TAOS-PUSONG PAGBIBIGAY: Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year B - Year of Faith - November 11, 2012
Lahat ba ng pagbibigay ay pagakakawang-gawa? Minsan may isang pulubi na nagdarasal sa likod ng simbahan. Siya ay umiiyak at humihingi ng tulong sa Diyos. "Panginoon, sana naman po ay bigyan mo ako ng limandaang piso upang ipambili ng gamot sa aking amang may sakit. Mahal na mahal ko po siya. Huwang Mo sana kaming pabayaan!" Narinig siya ng isang pulis na nagkataong nagdarasal din sa likod. Naawa ang pulis sa kanya at dumukot ng pera sa kanyang wallet. Nagkataong dalawang daan lang ang kanyang cash sa wallet ngunit minabuti niyang ibigay na rin ito sa pag-iisip na kahit papaano ay makakatulong din sa kaawa-awang bata. Laking gulat ng bata ng iniabot sa kanya ng pulis ang dalawang daang piso. Tiningnan niya ang pulis mula ulo hanggang paa at muling nagdasal: "Panginoon, maraming salamat po. Ang bilis niyo namang sumagot, parang 'Express-padala!' Pero sana next time, 'wag n'yo sanang ipaabot kay mamang pulis. Ayun, nagkulang tuloy ng tatlong daan!" hehehe... Bakit nga ba kapag may nagbigay sa atin ay agad-agad nating tinitingnan kung sino ang nagbigay? Kasi nga naman hindi lahat ng pagbibigay ay tunay na pagkakawang-gawa! Tandaan natin na hindi nasusukat ng laki ng halagang ibinigay ang kabutihan ng taong nag-abot nito. Tingnan ninyo ang ibang pulitiko, malapit na naman ang eleksiyon, siguradong marami ang magpapamudmod ng pera. Ang intensiyon nila ay hindi para makatulong kundi upang makabili ng boto ng mga taong mahihirap. At saan ba nanggaling ang perang ipinamimigay nila? Hindi ba sa buwis din ng mga mahihirap? O kaya naman, dahil malapit na naman ang Pasko, marami na naman ang magpapakain sa mga bata, mamimigay ng nga laruan at ibang kagamitan, mamimigay ng pera. Ang tanong ano ba ang kanilang ibinibigay? Baka naman "mumo" lang ng kanilang kayamanan. Baka naman mga damit, gamit o damit na pinaglumaan na halos hindi na magamit ng taong tatanggap. Ibig sabihin, hindi lahat ng pagtulong ay pagkakawang-gawa! Ano ba ang tunay na pagbibigay? May sagot si Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Bakit kinalugdan ni Jesus ang babaeng dukhang balo sa talinhaga? “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.” Ang tunay na pagbibigay ay nanggagaling hindi sa kamay kundi sa puso! Hindi ang laki ng halaga kundi ang laki ng puso ang sukatan ng tunay na pagbibigay! Ito ay ipinakita mismo ni Jesus ng ibinigay Niya ang kanyang sarili sa krus upang mailigtas tayong mga makasalanan. Ito ay patuloy niyang ipinapakita sa bawat pagdiriwang ng Eukaristiya na kung saan sa anyong tinapay at alak ay ibinibigay ni Jesus ang Kanyang sarili sa atin bilang pagkain ng ating kaluluwa. Ito'y patuloy niyang ipinadarama sa atin sa pamamagitan ng maraming taong taos sa puso ang pagtulong sa mga mahihirap. Taos sa puso ba ang aking pagbibigay? Mararamdaman natin ito kung may kahalong sakit ang ating ginawang pagtulong sapagkat ang tunay na pagbibigay ay may kasamang sakripisyo. Masasaktan ka kung tunay kang nagbibigay sapagkat may nawawala sa iyo sa bawat pagbibigay mo. At dahil ang pagbibigay ay isang sakripisyo, ito ay nagpapaging-banal sa mga taong naghahandog nito. Bakit hndi mo subukang taos-pusong magbigay? Pagbibigay ng oras sa iyong asawa at mga anak, paglalaan ng oras ng mga anak para sa kanilang magulang, pagtulong sa isang kaibigang may problema, ay ilan lamang sa pagbibigay na hindi nangangailan ng salapi. At bakit hindi, kung mayroon kang kakayahan, tumulong ka sa mga mahihirap o nasalanta ng kalamidad, makibahagi sa mga proyekto ng Simbahan para sa mahihirap. Mag-abuloy sa simbahan. Napakaraming paraan para makatulong sa kapwang nangangailangan. Kailan ka huling nagbigay na nasaktan ka dahil may ibinahagi ka na nagmumula sa iyong sarili? Magandang pagnilayan natin ito. Baka mababaw pa rin ang ating motibo sa pagtulong. Baka kailangan pa ring salain ang ating motibasyon at intensiyon kapag tayo'y nagbibigay. Ang sabi nga ni Mother Teresa ng Calcutta na tinaguriang "living saint" noong siya ay nabubuhay pa, "We love and love until it hurts... until we realize and feel that there is no more hurt but love..."
Sabado, Nobyembre 3, 2012
PAG-ALALA SA PATAY... PAG-IBIG SA BUHAY: Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time Year B - November 3, 2012 - Year of the Faith
Ngayong Nobyembre ay inaalala natin ang ating mga mahal na yumao. Sa katunayan sa buong buwan na ito ay aalayan ng misa ang mga kaluluwang ang mga pangalan ay nakasulat sa mga sobreng ito na nasa harap ng altar. Bumisita ba kayo sa inyong mga patay noong araw ng undas? Kung hindi ay 'wag kayong mag-alala sapagkat hi-tech na ang ating panahon ngayon. Maari ninyo silang i-text. Just text DALAW send to 2366 at presto... sila mismo ang dadalaw sa inyo! hehe. Me options pa 'yan: PRESS 1: hihilahin ka sa paa, PRESS 2: hahawakan ng malamig na kamay sa pisngi, PRESS 3: isasama ka sa kabilang buhay! hehehe... Ang maraming taong dumagsa sa sementeryo ay patunay lamang na mahal na mahal natin ang ating mga yumao. May ilang sementeryo nga na kahit lubog sa baha ay dinalaw pa rin ng mga tao. Bakit nga ba kapag patay na ang isang tao ay doon lamang nating ipinapakita na mahal natin sila? Ang ating pagbasa ngayon sa Ebanghelyo ay nagsasabing habang buhay pa ang ating kapwa ay dapat alayan natin sila ng pagmamahal. Tinanong si Jesus ng isang eskriba kung ano ang pinakamahalaga sa lahat ng mga utos? Ang sagot ni Jesus ay ang tinatawag ng mga Judio na SHEMA ISRAEL o makinig ka Israel! ‘Pakinggan mo, Israel! Ang
Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas.’ Wala namang bago sa sinabi ni Jesus sapagkat ito ay alam na alam ng isang tapat na Judio. Ang bago sa kanyang sagot ay idinugtong niya ang isang utos na hango sa aklat ng Levitiko 19, 18. Ang taludtod na nagsasabing: ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Madaling mahalin ang Diyos sapagkat hindi naman natn Siya nakikita. Mas mahirap mahalin ang kapwa na araw-araw nating nakakasama. Ngunit kung titingnan natin ay hindi natin maaring paghiwalayin ang dalawang utos na ito. Sabi nga sa ingles, "they are two sides of the same coin!" Tunay sapagkat ang pagmamahal sa Diyos na walang pagmamahal sa kapwa ay pagsambang pakitang tao lamang. Ang pagmamahal naman sa kapwa na walang pagmamahal sa Diyos ay purong "social work" at siguradong hindi magtatagal sapagkat walang tunay na basehan. Ang tawag natn dito ay VERTICAL at HORIZONTAL dimension of our faith. Sa taong ito ng pananampalataya, itukod natin ang ating buhay sa isang malalim na pagkilala sa Diyos. Mas mamahalin natin Siyang tunay kung Siya ay ating munang kilala. Idugtong naman natin dito ang ating paglilingkod sa kapwa sapagkat sa bawat pagtulong sa kapwang nangangailangan ay kabutihan na ginagawa natin sa Kanya. Ang ala-ala ng mga yumao ay dapat magbigay sa atin ng inspirasyon na habang tayo ay may buhay pa ay ipadama natin ang ating pagmamahal sa sa ating kapwa, maging mas matulungin, mas maalalahanin, mas mapang-unawa, mas mapagpatawad tayo sa isa't isa. Mahalin natin ang mga buhay at hindi lamang ang mga patay!
Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas.’ Wala namang bago sa sinabi ni Jesus sapagkat ito ay alam na alam ng isang tapat na Judio. Ang bago sa kanyang sagot ay idinugtong niya ang isang utos na hango sa aklat ng Levitiko 19, 18. Ang taludtod na nagsasabing: ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Madaling mahalin ang Diyos sapagkat hindi naman natn Siya nakikita. Mas mahirap mahalin ang kapwa na araw-araw nating nakakasama. Ngunit kung titingnan natin ay hindi natin maaring paghiwalayin ang dalawang utos na ito. Sabi nga sa ingles, "they are two sides of the same coin!" Tunay sapagkat ang pagmamahal sa Diyos na walang pagmamahal sa kapwa ay pagsambang pakitang tao lamang. Ang pagmamahal naman sa kapwa na walang pagmamahal sa Diyos ay purong "social work" at siguradong hindi magtatagal sapagkat walang tunay na basehan. Ang tawag natn dito ay VERTICAL at HORIZONTAL dimension of our faith. Sa taong ito ng pananampalataya, itukod natin ang ating buhay sa isang malalim na pagkilala sa Diyos. Mas mamahalin natin Siyang tunay kung Siya ay ating munang kilala. Idugtong naman natin dito ang ating paglilingkod sa kapwa sapagkat sa bawat pagtulong sa kapwang nangangailangan ay kabutihan na ginagawa natin sa Kanya. Ang ala-ala ng mga yumao ay dapat magbigay sa atin ng inspirasyon na habang tayo ay may buhay pa ay ipadama natin ang ating pagmamahal sa sa ating kapwa, maging mas matulungin, mas maalalahanin, mas mapang-unawa, mas mapagpatawad tayo sa isa't isa. Mahalin natin ang mga buhay at hindi lamang ang mga patay!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)