Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 29, 2013
KRISITIYANONG URONG-SULONG: Reflection for 13th Sunday in Ordinary time Year C - June 30, 2013 - YEAR OF FAITH
Paano mo masasabing Kristiyano ka? Ang karaniwang sagot na aking tinatanggap ay ito: "Kristiyano ako kasi nagsisimba ako tuwing Linggo!" Tama ba o mali? Sabi ng isang sikat na preacher: "Hindi sapagkat pumasok ka ng Simbahan ay Kristiyano ka na, kung paanong hindi ka nagiging kotse pag pumasok ka sa talyer!" Totoo nga naman, mas higit pa sa pagsisimba ang sinasabi ng ating pagiging Kristiyano. Noong nakaraang Linggo, nakita natin ang kahulugan ng ating pangalang "Kristiyano" ngayon naman ay pinaaalalahanan tayo kung ano ang hinihingi sa atin ng pangalang ito na ating tinataglay, isang ganap at walang pasubaling pagsunod kay Hesus. "Ganap" sapagkat ang pagsunod kay Hesus ay wala dapat na hinihinging kundisyon, wala dapat pag-aatubili! Kung minsan magaling tayong tumawad. "Yes, Lord! Susunod ako pero sa isang kundisyon..." Ang mga pagbasa ngayong Linggo ay nagsasabi sa ating gawin nating "ganap" ang ating pagsunod sa kalooban ng Diyos. Sa unang pagbasa ay narinig natin kung ano ang ginawa ni Propeta Eliseo upang ipakita ang ang ganap na pagsunod kay Propeta Elias, iniwan niya ang kanyang kabuhayan, kinatay niya ang kanyang mga alagang toro at ibinigay sa mga tao at ginamit niya pang panggatong ang kanyang pang-araro. Sa Ebanghelyo ay narinig naman natin ang sagot ni Jesus sa tatlong nagnanais na sumunod sa kanya: “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay," ang tugon ni Jesus sa nagsabing uuwi muna siya upang ipalibing ang kaanyang ama. Hindi winawalang-halaga ng Panginoon ang pagmamahal sa magulang. Nais lang niyang ipahayag na huwag tayong papatay-patay sa pagsunod. Ang ating maraming alalahanin sa buhay ay hindi dapat maging sagabal sa patupad natin sa kalooban ng Diyos. At idinugtong pa niya na,"Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos." Nakakalungkot sapagkat marami pa rin sa atin ang "teka-teka" sa ating pagiging Kristiyano. Urong-sulong sa pagsunod sa Kanya. Magsisimba sa Linggo ngunti hindi naman maiwanan ang masamang pag-uugali o bisyo. Magkukumpisal ngayon ngunit uulitin ang parehong kasalanan bukas. Seryoso ba tayo sa ating pagsunod kay Kristo? Ayaw niya ang Kristiyanong papatay-patay sa buhay. Ayaw niya sa "Kristiyanong teka-teka!" Higit sa lahat ay ayaw niya ang KRISTIYANONG URONG-SULONG sa pananampalataya! Ngayong Taon ng Pananampalataya ay maging desidido tayo sa pagsunod sa mga hinihingi ng ating pagiging Kristiyano.
Sabado, Hunyo 22, 2013
KRUS NG KAHIRAPAN: Reflection for 12th Sunday in Ordinary Time Year C - June 23, 2013 - YEAR OF FAITH
Sino ba si Jesus para sa iyo? Katulad ng pagtatanong ni Jesus sa kanyang mga alagad, ito rin ang katanungang ipinupukol Niya sa atin. Madaling sabihing si Jesus ay Diyos para sa atin katulad ng sagot ni Pedro. Ngunit ang tanong uli ay: "Anong uring Diyos si Jesus para sa iyo?" Mahalaga ang kasagutan sa tanong na ito sapagkat ito ang magdidikta kung anung uring kristiyano tayo sa pang-araw-araw nating buhay. Marami sa atin, ang Diyos ay parang "fire extinguisher" na nilalapitan lamang kapag may sunog. Para sa iba ang Diyos ay parang "security guard" na laging nagbabantay at nagmamanman sa ating ikinikilos. At para sa iba naman ang Diyos ay parang "accountant" na naglilista ng mga "debit" at "credit" ng ating buhay. At para rin sa iba ang Diyos ay parang "flower vase" pandekosrasyon lamang sa ating buhay kristiyano; magandang mapuna na tayo ay palasimba, paladasal at "taong-simbahan" sa mata ng mga tao ngunit wala naman talagang halaga ang Diyos sa ating buhay! Marahil marami pa tayong paglalarawang maaring gamitin tungkol sa Diyos ngunit kung ating titingnan ay dalawa lang naman talaga ang maaring pagtingin natin sa Diyos: na Siya ay Diyos ng kaginhawaan o kaya naman ay Siya ang Diyos ng kahirapan. Walang masama sa pag-aasam na guminhawa ang ating buhay ngunit hindi lang naman ito ang katotohanan. Sa katunayan ay mas marami ang mga kahirapang ating nararanasan kumpara sa kaginhawaan sa ating buhay. Huwag tayong magtaka sapagkat ito ang kundisyong inilatag ni Jesus sa atin kung nais nating sumunod sa Kanya: “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin." Ang daan ni Jesus ay ang daan ng krus na dapat din nating tahakin bilang kanyang mga tagasunod. Kung titingnan natin ang ating mga sarili ay mauunawaan nating marami na tayong krus na binubuhat at di na natin kinakailangang maghanap pa ng iba. May kuwento ng isang lalaki na naginip na naglalakad sa langit na may pasang krus. Sa kanuang paglalakad, nakakita siya ng tindahan ng mga krus. Halos lahat ng uri ng krus ay naroon. Dali-dali niyang ibinba ang kanyang pasang krus at namili ng bagong krus. Ang una niyang nakuha ay hindi niya nagustuhan dahil sobra ang haba. Ganoon din ang nangyari sa mga sumusunod na pagpili niya. Ang isa ay maikli, may sobrang bigat, at may kalakihan. Tila wala siyang makuhang krus na gusto niya. Sa bandang huli, nakakuha rin siya ng krus na bagay sa kanya. At ito ay ang kanya ring krus na dala nang pumasok siya sa tindahan. Ang mga krus na buhat-buhat natin ay sapat na! 'Wag na tayong maghanap pa ng iba. Ang mga problema sa ating pamilya, sa ating trabaho, sa ating pag-aaral ay ang mga krus na dapat nating pasanin araw-araw ng may pagmamahal. Hindi magbibigay ang Diyos ng krus na hindi natin kayang pasanin. Kaya't ngayong Taon ng Pananampalataya ay mas palalimin pa natin ang ating pagtitiwala sa Diyos. Siya na nagbigay ng ating mga pasanin ay Siya ring magbibigay sa atin ng lakas upang ito ay balikatin sapagkat "sa ating kahinaan... ang Diyos ang ating kalakasan!"
Sabado, Hunyo 15, 2013
AMANG MAPAGPATAWAD AT MAPAGMAHAL: Reflection for 11th Sunday in Ordinary Time Year C - June 16, 2012 - YEAR OF FAITH
Isang kuwento para sa pagdiriwang ng Father's Day: Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan, nagpakalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto. Pagkalipas ng ilang minuto ay biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, alam mong ako ay isang amang may isang salita. May kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak... mag-pale pilsen muna tayo!" Sabay labas ng bote ng San Miguel Beer! Kakaiba nga naman ang tatay sa ating kuwento. Madisiplina ngunit may puso... May prinsipyo ngunit maunawain... Makatarungan ngunit may awa! Kung may ganitong mga klaseng magulang ay masasabi rin nating ganito rin ang Diyos o mas higit pa sapagkat natatangi ang Kanyang katangian. Saksi ang kasaysayan sa kapangyarihan ng ating Diyos. Siya ang may likha at nagpapairal ng mundo. Siya ang "in-charge" sa lahat ng kanyang ginawa! Sa Lumang Tipan, Siya ay si Yahweh na sumubaybay at nag-alaga sa Kanyang bayang hinirang sa pamamagitan ng Kanyang lakas at kapangyarihan. Sa Bagong Tipan ay hndi nawala ang kanyang kapangyarihan ngunit mas binigyang diin pa ni Jesus ang Kanyang katangian bilang Diyos na maawain at mapagmahal. Nakakaunawa Siya sa ating mga kakulangan, kahinaan at pag-aalinlangan. Sa Ebanghelyo ay natunghayan natin ang Si Jesus na punong-puno ng pagpapatawad at pagmamahal sa mga makasalanang handang lumapit sa Kanya at humingi ng tawad. Mas maraming pagkakasala, mas higit ang kanyang awa at pagkalinga. Sa pagdiriwang ngayon ng "Fathers' Day", sana ay makita at maramdaman din natin ang Diyos bilang tatay na dapat nating pagtiwalaan at mahalin. Totoo na dapat ay may takot din tayo sa Kanya, ngunit pagkatakot na dala ng pagmamahal. Sapagkat ang Diyos ay Ama na may malasakit sa ating kapakanan at kinabukasan. Happy Fathers' Day sa inyong lahat!
Sabado, Hunyo 8, 2013
MABUHAY NA BUHAY: Reflection for the 10th Sunday in Ordinary Time Year C - June 9, 2013 - YEAR OF FAITH
Minsan sa aking klase sa mga fourth year high school ay tinanong ko ang aking mga estudyante kung ano ang kanilang "motto" sa buhay. Nagtaas ng kamay ang isa at sinabing: "Fadz, ang motto ko po ay 'to live not only to exist!" Napahanga ako sa kanya at tinanong ko kung alam ba n'ya ang ibig sabihin nito. Ang sabi niya sa akin: "Ewan ko nga po Fadz. Di ko rin alam. Nabasa ko lang 'yan sa isang libro!" TO LIVE NOT ONLY TO EXIST! Totoo nga naman, maaring nag-eexist ka nga ngunit hindi ka naman buhay. Tingnan mo ang mga bagay sa iyong paligid. Nakikita mo, nahahawakan, nararamdaman ngunit hindi naman buhay. Ngunit hindi lang naman ito totoo sa mga bagay dahil may mga tao ring nag-eexist ngunit hindi naman buhay. Wala silang pinagkaiba sa mga "taong grasa" na lakad ng lakad ngunit wala namang patutunguhan. Para silang mga "walking zombies" na humihinga ngunit hindi naman buhay! Nais ng Diyos na tayo ay mabuhay na buhay at hindi mabuhay na patay. Ang sabi nga ni San Ireneo na hango sa Sulat ni San Pablo sa mga taga Filipos ay "the glory of God is man fully alive!" (Phil. 1:21) Kaya nga Siya ay kinikilalalng Diyos ng mga buhay at hindi ng mga patay. Sa unang pagbasa at sa Ebanghelyo ay nakita natin ang pagbibigay ng Diyos ng buhay sa mga tao nang namatay. Binuhay ni Propeta Elias ang anak na lalaki ng babaeng balo na tumulong sa kanya. Binuhay naman ni Jesus ang anak na binata ng isang babaeng taga-Nain. Ayaw ng Diyos na maging kaawa-awa ang kalagayan ng dalawang babaeng balo sa pagkawala ng kanilang mga anak. Sapagkat mga balo na sila, ang kanilang pag-asa ay nasa kanilang mga anak na lalaki. Sa pagkawala ng kanilang mga anak ay nawala din ang ang kanilang pag-asa at kinabukasan. Kaya nga binuhay ng Diuyos ang kanilang pag-asa. Binuhay ng Diyos ang kanilang mga anak. Ipinapakita ng mga ito na ayaw ng Diyos na mawalan tayo ng pag-asa. Kahit ang mga patay ay bubuhayin Niya para lamang bigyan tayo ng pag-asa sa ating buhay. Talagang ngang Siya ang Diyos ng mga buhay! At dahil ito ang Diyos na pinaglilingkuran natin ay huwag sana tayong mawalan ng pag-asa sa buhay. Huwag tayong manatiling patay dahil sa ating lumang pag-uugali. Kahit napakasama pa ng ating nakaraan ay lagi tayong may pagkakataong magbago. Ngayong Taon ng Pananampalataya ay muli tayong hinahamon na magtiwala sa Diyos na buhay. Totoong napakahirap gisingin ang mga taong nagtutulog-tulugan. Mahirap makinig ang mga taong nagbibingi-bingihan. Mahirap buhayin ang taong nagpapatay-patayan. Bakit di natin buksan ang ating puso sa inspirasyon ng Espiritu Santo na nag-aanyaya sa ating makibahagi sa buhay ng Diyos? Ang "pintuan ng pananampalataya" ay patuloy na nag-aanyayang mabuhay tayo ng buhay na buhay! "The glory of God is man (or woman) FULLY ALIVE!"
Biyernes, Hunyo 7, 2013
BAYANG SUMISINTA KAY MARIA : Reflection for the National Day of Consecration to the Immaculate Heart of Mary- June 8, 2013 - YEAR OF FAITH
Tayo ay ang "Bayang Sumisinta kay Maria." Nakaugat sa ating kasaysayan ang pagmamahal at pamimntuho sa ating Mahal na Birheng Maria bilang "Ating Ina." Sa pagdiriwang ngayon ng Taon ng Pananampalataya (October 11, 2012 - November 24, 2013) at sa pagsisimula ng siyam na taong paghahanda para sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa ating bansa, malugod nating isinasagawa ngayon ang NATIONAL CONSECRATION TO THE IMMACULATE HEART OF MARY. Kakatapos lamang ng buwan ng Flores de Mayo. Maraming kapistahan ng Mahal na Birhen ang ating ipinagdiriwang sa buong taon. Buhay pa rin ang maraming debosyon na nakatuon sa kapangyarihan ng pamamagitan (Intercession) ng Mahal na Birhen. At sa panahon na kung saan ay napakaraming paraan na ng pagdarasal ay umaalingawngaw pa rin ang tradisyunal na pagdarasal ng Santo Rosaryo. Ang mga ito ay nagpapatunay na napakalapit ng Mahal na Birhen sa ating puso bilang mga Pilipino. Sa katunayan, maging sa kasaysayan ay nakikita natin ang kamay ng Mahal na Birhen na gumagabay sa atin. Sino ang di maantig ang damdamin sa mga rosaryo at estatwa ng Mahal na Birhen na ipinanghaharang sa mga tangke noong EDSA REVOLUTION noong taong 1985? Itinuturing itong isang malaking biyaya na bunga ng pambansang pagtatalagang ginawa noong 1983, December 8 ng ating mga obispo at sinundan ng Bimillenium Marian Year noong 1984-1985. At ngayon ngang muling nahaharap ang Simbahan sa maraming krisis maging sa labas at loob nito, kasama na ang mga kaganapang sumisira sa ating Christian values at morality tulad ng pagpasa ng RH Bill,, mga eskandalong kinasasangkutan ng mga pari at relihiyoso, ang unti-unting pagpasok ng secularism at practical atheism sa ating kultura, ay mga sapat ng dahilan upang muli tayong bumaling sa mapagkalingang kamay ng Mahal na Birhen. Totoo na ang Diyos lang maaring magkonsegra (consecerate). Bilang tao wala tayong kakayanan gawin ito. Kaya nga't ang pagtatalaga ng ating sarili ay ginagawa natin sa pamamagitan ng Mahal na Birhen na siya namang magsasama nito sa kamahal-mahalang puso ng kanyang Anak na si Jesus. Si Jesus naman ang magtataas nito sa Ama at siguradong ito ay magiging kalugod-lugod sa Kanyang harapan. Ano ang hinihingi sa atin ng pagtatalagang ito? Una ay sa pamamagitan ng tunay na pagbabalik-loob sa Diyos (true conversion), ikalawa ay sa pamamagitan ng panalangin at pagbabayad puri (act of reparation) at pangatlo ay ang pagtatalaga nating isabuhay ang Mabuting Balita ni Jesus at pagkalinga sa mga mahihirap nating kababayan. Marahil ay sapat ng marinig natin sa ating bagong halal na Santo Papang si Papa Francisco ang mga pangungusap na binitawan niya sa ating Cardinal Luis Antonio Tagle, kung ano ang inaasahan niya sa ating mga Pilipino: "that the Catholic faithful in the Philippines would 'move forward in hope' to renew and deepen their Christian faith, especially by entrusting themselves more earnestly to Our Blessed Mother Mary and by committing themselves more and more truly to the love, the care and active concern for the poor in your country."
Sabado, Hunyo 1, 2013
SALO-SALO SA HAPAG NI KRISTO: Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year C - June 1, 2013 - YEAR OF FAITH
Mahilig ka bang kumain sa fast foods? Jolibee, Mcdonalds, Chowking, KFC, etc.. ang mga karaniwang tinatakbuhan natin kapag tayo ay nagugutom. Kaya nga fast food ay sapagkat gusto mong maibsan agad ang iyong gutom! Ngunit masaya ka bang kumakain kapag wala kang kasama? Hindi ba't mas masarap kumain sa mga lugar na iyon kapag kasama mo ang barkada mo? Masarap kumain kapag may kausap ka. Enjoy kumain kapag may kakulitan ka! Exciting kumain kapag may manlilibre sa 'yo! Kaya nga't ang tawag din natin sa kainan ay "salo-salo". Ibig sabihin ay mayroon kang kasama... may kasabay ka... may kasalo ka! Ito marahil ang nag-iiba sa atin sa mga hayop sa tuwing tayo ay kumakain. Hindi lang tayo lumalamon mag-isa o kaumakain ng walang pansinan, mayroon tayong pagbabahaginang ginagawa... mayroon tayong sharing! Ang Banal na Eukaristiya ay hindi lamang pagtanggap sa Katawan ni Hesus. Ito rin ay pagbabahaginan sapagkat ito ay isang pagsasalo. Sa Banal na Eukaristiya, ang Diyos ay nakikisalo sa atin! Kaya nga mahirap isipin na habang tayo ay tumatanggap ng Komunyon ay naghahari sa ating puso ang galit sa ating kapwa! Sa Ikalawang pagbasa ay pinaaalalahanan ni San Pablo ang mga taga-Corinto sa ginawang pagbabahagi ni Hesus sa huling hapunan. Nakita niya kasi na may pagkakanya-kanyang naghahari sa mga unang Kristiyano sa tuwing sila'y magdiriwang ng huling hapunan. Ang misa nila noon ay ginagawa nila sa isang bahay ng patago at nagdadala sila ng kani-kanilang baon upang pagsaluhan pagkatapos ng kanilang pagdiriwang. Marahil mayroong ilan na hindi nagbabahagi ng kanyang baon. Sinararili ito o ibinibigay lamang sa mga malapit sa kanya! Nagalit si San Pablo ng makita ito kaya't minarapat niyang paalalahanan sila sa tunay na diwa ng Euckarisitya. Ang himala sa Ebanghelyo ay naganap sapagkat may nagbahagi ng limang tinapay at dalawang isda! Marahil ay maliit na bagay ngunit sa kamay ni Hesus ay napakalaki... kasing-laki ng puso ng taong naghandog nito! Kaya naman pinarami niya ito ay nagawang maibahagi sa bawat tao. Sa pagtanggap natin ng komunyon ay lagi natin sanang isaisip na nagbabahagi din tayo sa iba! Huwag nating isipin na mahirap lang tayo o wala tayong kakayahang tumulong. Malinaw ang sinasabi ng Simbahan tungkol dito: "Walang taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba... at wala rin taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba!" Kapag sinabi ng paring "Katawan ni Kristo" ang sagot natin ay AMEN! Amen na ang ibig sabihin ay naniniwala ako. Naniniwala ako na ang nasa aking harapan ay hindi lamang isang tinapay. Naniniwala ako na ang aking tinatanggap ay hindi lamang simbolo. Naniniwala ako na ito ay ang tunay na Katawan ni Kristong aking Panginoon taglay ang buo niyang pagkaDiyos at siya ay mananahan sa aking puso. Ngunit higit sa lahat naniniwala din ako na ang katawan ni Kristo ay hindi lamang ang "Banal na Ostia" na aking tinatanggap kundi ito rin ay ang kapwa nasa tabi ko... ang kapwa ko na mahal ko, ang kapwa ko na kaaway ko! Sikapin nating matutong kilalanin si Hesus sa bawat taong ating taong nakakatagpo at tanggapin natin sila kung paanong tinatanggap natin Siya sa Banal na Eukaristiya! Sa Taong ito ng Pananampalataya isabuhay natin ang kahulugan ng Eukaristiya bilang SALO-SALO SA HAPAG NI KRISTO. Iisa ang ating pinagsasaluhan. Iisa ang biyayang ating tinatanggap. Iisa ang pagpapalang ating ibinabahagi. Maging buhay tayong Eukaristiya sa iba!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)