Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 8, 2013
MABUHAY NA BUHAY: Reflection for the 10th Sunday in Ordinary Time Year C - June 9, 2013 - YEAR OF FAITH
Minsan sa aking klase sa mga fourth year high school ay tinanong ko ang aking mga estudyante kung ano ang kanilang "motto" sa buhay. Nagtaas ng kamay ang isa at sinabing: "Fadz, ang motto ko po ay 'to live not only to exist!" Napahanga ako sa kanya at tinanong ko kung alam ba n'ya ang ibig sabihin nito. Ang sabi niya sa akin: "Ewan ko nga po Fadz. Di ko rin alam. Nabasa ko lang 'yan sa isang libro!" TO LIVE NOT ONLY TO EXIST! Totoo nga naman, maaring nag-eexist ka nga ngunit hindi ka naman buhay. Tingnan mo ang mga bagay sa iyong paligid. Nakikita mo, nahahawakan, nararamdaman ngunit hindi naman buhay. Ngunit hindi lang naman ito totoo sa mga bagay dahil may mga tao ring nag-eexist ngunit hindi naman buhay. Wala silang pinagkaiba sa mga "taong grasa" na lakad ng lakad ngunit wala namang patutunguhan. Para silang mga "walking zombies" na humihinga ngunit hindi naman buhay! Nais ng Diyos na tayo ay mabuhay na buhay at hindi mabuhay na patay. Ang sabi nga ni San Ireneo na hango sa Sulat ni San Pablo sa mga taga Filipos ay "the glory of God is man fully alive!" (Phil. 1:21) Kaya nga Siya ay kinikilalalng Diyos ng mga buhay at hindi ng mga patay. Sa unang pagbasa at sa Ebanghelyo ay nakita natin ang pagbibigay ng Diyos ng buhay sa mga tao nang namatay. Binuhay ni Propeta Elias ang anak na lalaki ng babaeng balo na tumulong sa kanya. Binuhay naman ni Jesus ang anak na binata ng isang babaeng taga-Nain. Ayaw ng Diyos na maging kaawa-awa ang kalagayan ng dalawang babaeng balo sa pagkawala ng kanilang mga anak. Sapagkat mga balo na sila, ang kanilang pag-asa ay nasa kanilang mga anak na lalaki. Sa pagkawala ng kanilang mga anak ay nawala din ang ang kanilang pag-asa at kinabukasan. Kaya nga binuhay ng Diuyos ang kanilang pag-asa. Binuhay ng Diyos ang kanilang mga anak. Ipinapakita ng mga ito na ayaw ng Diyos na mawalan tayo ng pag-asa. Kahit ang mga patay ay bubuhayin Niya para lamang bigyan tayo ng pag-asa sa ating buhay. Talagang ngang Siya ang Diyos ng mga buhay! At dahil ito ang Diyos na pinaglilingkuran natin ay huwag sana tayong mawalan ng pag-asa sa buhay. Huwag tayong manatiling patay dahil sa ating lumang pag-uugali. Kahit napakasama pa ng ating nakaraan ay lagi tayong may pagkakataong magbago. Ngayong Taon ng Pananampalataya ay muli tayong hinahamon na magtiwala sa Diyos na buhay. Totoong napakahirap gisingin ang mga taong nagtutulog-tulugan. Mahirap makinig ang mga taong nagbibingi-bingihan. Mahirap buhayin ang taong nagpapatay-patayan. Bakit di natin buksan ang ating puso sa inspirasyon ng Espiritu Santo na nag-aanyaya sa ating makibahagi sa buhay ng Diyos? Ang "pintuan ng pananampalataya" ay patuloy na nag-aanyayang mabuhay tayo ng buhay na buhay! "The glory of God is man (or woman) FULLY ALIVE!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
1 komento:
continuously i used to read smaller articles which as well clear their motive, and that is also happening with this article
which I am reading here.
Also visit my weblog; Flash Video Recorder
Mag-post ng isang Komento