Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 22, 2013
KRUS NG KAHIRAPAN: Reflection for 12th Sunday in Ordinary Time Year C - June 23, 2013 - YEAR OF FAITH
Sino ba si Jesus para sa iyo? Katulad ng pagtatanong ni Jesus sa kanyang mga alagad, ito rin ang katanungang ipinupukol Niya sa atin. Madaling sabihing si Jesus ay Diyos para sa atin katulad ng sagot ni Pedro. Ngunit ang tanong uli ay: "Anong uring Diyos si Jesus para sa iyo?" Mahalaga ang kasagutan sa tanong na ito sapagkat ito ang magdidikta kung anung uring kristiyano tayo sa pang-araw-araw nating buhay. Marami sa atin, ang Diyos ay parang "fire extinguisher" na nilalapitan lamang kapag may sunog. Para sa iba ang Diyos ay parang "security guard" na laging nagbabantay at nagmamanman sa ating ikinikilos. At para sa iba naman ang Diyos ay parang "accountant" na naglilista ng mga "debit" at "credit" ng ating buhay. At para rin sa iba ang Diyos ay parang "flower vase" pandekosrasyon lamang sa ating buhay kristiyano; magandang mapuna na tayo ay palasimba, paladasal at "taong-simbahan" sa mata ng mga tao ngunit wala naman talagang halaga ang Diyos sa ating buhay! Marahil marami pa tayong paglalarawang maaring gamitin tungkol sa Diyos ngunit kung ating titingnan ay dalawa lang naman talaga ang maaring pagtingin natin sa Diyos: na Siya ay Diyos ng kaginhawaan o kaya naman ay Siya ang Diyos ng kahirapan. Walang masama sa pag-aasam na guminhawa ang ating buhay ngunit hindi lang naman ito ang katotohanan. Sa katunayan ay mas marami ang mga kahirapang ating nararanasan kumpara sa kaginhawaan sa ating buhay. Huwag tayong magtaka sapagkat ito ang kundisyong inilatag ni Jesus sa atin kung nais nating sumunod sa Kanya: “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin." Ang daan ni Jesus ay ang daan ng krus na dapat din nating tahakin bilang kanyang mga tagasunod. Kung titingnan natin ang ating mga sarili ay mauunawaan nating marami na tayong krus na binubuhat at di na natin kinakailangang maghanap pa ng iba. May kuwento ng isang lalaki na naginip na naglalakad sa langit na may pasang krus. Sa kanuang paglalakad, nakakita siya ng tindahan ng mga krus. Halos lahat ng uri ng krus ay naroon. Dali-dali niyang ibinba ang kanyang pasang krus at namili ng bagong krus. Ang una niyang nakuha ay hindi niya nagustuhan dahil sobra ang haba. Ganoon din ang nangyari sa mga sumusunod na pagpili niya. Ang isa ay maikli, may sobrang bigat, at may kalakihan. Tila wala siyang makuhang krus na gusto niya. Sa bandang huli, nakakuha rin siya ng krus na bagay sa kanya. At ito ay ang kanya ring krus na dala nang pumasok siya sa tindahan. Ang mga krus na buhat-buhat natin ay sapat na! 'Wag na tayong maghanap pa ng iba. Ang mga problema sa ating pamilya, sa ating trabaho, sa ating pag-aaral ay ang mga krus na dapat nating pasanin araw-araw ng may pagmamahal. Hindi magbibigay ang Diyos ng krus na hindi natin kayang pasanin. Kaya't ngayong Taon ng Pananampalataya ay mas palalimin pa natin ang ating pagtitiwala sa Diyos. Siya na nagbigay ng ating mga pasanin ay Siya ring magbibigay sa atin ng lakas upang ito ay balikatin sapagkat "sa ating kahinaan... ang Diyos ang ating kalakasan!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento