Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 15, 2013
AMANG MAPAGPATAWAD AT MAPAGMAHAL: Reflection for 11th Sunday in Ordinary Time Year C - June 16, 2012 - YEAR OF FAITH
Isang kuwento para sa pagdiriwang ng Father's Day: Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan, nagpakalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto. Pagkalipas ng ilang minuto ay biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, alam mong ako ay isang amang may isang salita. May kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak... mag-pale pilsen muna tayo!" Sabay labas ng bote ng San Miguel Beer! Kakaiba nga naman ang tatay sa ating kuwento. Madisiplina ngunit may puso... May prinsipyo ngunit maunawain... Makatarungan ngunit may awa! Kung may ganitong mga klaseng magulang ay masasabi rin nating ganito rin ang Diyos o mas higit pa sapagkat natatangi ang Kanyang katangian. Saksi ang kasaysayan sa kapangyarihan ng ating Diyos. Siya ang may likha at nagpapairal ng mundo. Siya ang "in-charge" sa lahat ng kanyang ginawa! Sa Lumang Tipan, Siya ay si Yahweh na sumubaybay at nag-alaga sa Kanyang bayang hinirang sa pamamagitan ng Kanyang lakas at kapangyarihan. Sa Bagong Tipan ay hndi nawala ang kanyang kapangyarihan ngunit mas binigyang diin pa ni Jesus ang Kanyang katangian bilang Diyos na maawain at mapagmahal. Nakakaunawa Siya sa ating mga kakulangan, kahinaan at pag-aalinlangan. Sa Ebanghelyo ay natunghayan natin ang Si Jesus na punong-puno ng pagpapatawad at pagmamahal sa mga makasalanang handang lumapit sa Kanya at humingi ng tawad. Mas maraming pagkakasala, mas higit ang kanyang awa at pagkalinga. Sa pagdiriwang ngayon ng "Fathers' Day", sana ay makita at maramdaman din natin ang Diyos bilang tatay na dapat nating pagtiwalaan at mahalin. Totoo na dapat ay may takot din tayo sa Kanya, ngunit pagkatakot na dala ng pagmamahal. Sapagkat ang Diyos ay Ama na may malasakit sa ating kapakanan at kinabukasan. Happy Fathers' Day sa inyong lahat!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento