Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Hunyo 7, 2013
BAYANG SUMISINTA KAY MARIA : Reflection for the National Day of Consecration to the Immaculate Heart of Mary- June 8, 2013 - YEAR OF FAITH
Tayo ay ang "Bayang Sumisinta kay Maria." Nakaugat sa ating kasaysayan ang pagmamahal at pamimntuho sa ating Mahal na Birheng Maria bilang "Ating Ina." Sa pagdiriwang ngayon ng Taon ng Pananampalataya (October 11, 2012 - November 24, 2013) at sa pagsisimula ng siyam na taong paghahanda para sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa ating bansa, malugod nating isinasagawa ngayon ang NATIONAL CONSECRATION TO THE IMMACULATE HEART OF MARY. Kakatapos lamang ng buwan ng Flores de Mayo. Maraming kapistahan ng Mahal na Birhen ang ating ipinagdiriwang sa buong taon. Buhay pa rin ang maraming debosyon na nakatuon sa kapangyarihan ng pamamagitan (Intercession) ng Mahal na Birhen. At sa panahon na kung saan ay napakaraming paraan na ng pagdarasal ay umaalingawngaw pa rin ang tradisyunal na pagdarasal ng Santo Rosaryo. Ang mga ito ay nagpapatunay na napakalapit ng Mahal na Birhen sa ating puso bilang mga Pilipino. Sa katunayan, maging sa kasaysayan ay nakikita natin ang kamay ng Mahal na Birhen na gumagabay sa atin. Sino ang di maantig ang damdamin sa mga rosaryo at estatwa ng Mahal na Birhen na ipinanghaharang sa mga tangke noong EDSA REVOLUTION noong taong 1985? Itinuturing itong isang malaking biyaya na bunga ng pambansang pagtatalagang ginawa noong 1983, December 8 ng ating mga obispo at sinundan ng Bimillenium Marian Year noong 1984-1985. At ngayon ngang muling nahaharap ang Simbahan sa maraming krisis maging sa labas at loob nito, kasama na ang mga kaganapang sumisira sa ating Christian values at morality tulad ng pagpasa ng RH Bill,, mga eskandalong kinasasangkutan ng mga pari at relihiyoso, ang unti-unting pagpasok ng secularism at practical atheism sa ating kultura, ay mga sapat ng dahilan upang muli tayong bumaling sa mapagkalingang kamay ng Mahal na Birhen. Totoo na ang Diyos lang maaring magkonsegra (consecerate). Bilang tao wala tayong kakayanan gawin ito. Kaya nga't ang pagtatalaga ng ating sarili ay ginagawa natin sa pamamagitan ng Mahal na Birhen na siya namang magsasama nito sa kamahal-mahalang puso ng kanyang Anak na si Jesus. Si Jesus naman ang magtataas nito sa Ama at siguradong ito ay magiging kalugod-lugod sa Kanyang harapan. Ano ang hinihingi sa atin ng pagtatalagang ito? Una ay sa pamamagitan ng tunay na pagbabalik-loob sa Diyos (true conversion), ikalawa ay sa pamamagitan ng panalangin at pagbabayad puri (act of reparation) at pangatlo ay ang pagtatalaga nating isabuhay ang Mabuting Balita ni Jesus at pagkalinga sa mga mahihirap nating kababayan. Marahil ay sapat ng marinig natin sa ating bagong halal na Santo Papang si Papa Francisco ang mga pangungusap na binitawan niya sa ating Cardinal Luis Antonio Tagle, kung ano ang inaasahan niya sa ating mga Pilipino: "that the Catholic faithful in the Philippines would 'move forward in hope' to renew and deepen their Christian faith, especially by entrusting themselves more earnestly to Our Blessed Mother Mary and by committing themselves more and more truly to the love, the care and active concern for the poor in your country."
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento