Huwebes, Enero 29, 2015

45 TAON NG MALASAKIT AT HABAG: Reflection for the Feast of St. John Bosco - January 31, 2015 - YEAR OF THE POOR

Apatnapu’t limang taon ng malasakit at habag... Ito marahil ang maibibigay kong paglalarawan kung ano na ang parokya ni San Juan Bosco pagkatapos ng apatnapu’t limang taon.  Lahat ay biyaya na nanggaling sa Maykapal, biyayang nagpapakita ng Kanyang awa at malasakit sa ating lahat na kabilang sa parokyang ito.  Sariwa pa sa atin ang ala-alang iniwan ng Santo Papa Francisco.  Saksi tayo sa muling pagsigla ng ating pananampalataya at kung paanong ang presensiya ng ating mahal na “Lolo Kiko” ay nagbigay sa ating Simbahan ng pinanibagong pag-asa at lakas. 

Nagkataon din na ang tema natin sa taong ito ng ating kapistahan ay pagtugon sa panawagan ng Santo Papa sa atin:  “Simbahang bukas palad tumutugon sa mga kapus-palad.”  Sa pagdiriwang ngayong Taon ng mga Dukha”  o “Year of the Poor”  ay binibigyang halaga natin ang ating pananagutan sa ating mga kapatid sa parokya na higit na nangangailangan.  Totoong marami sa atin ay hikahos sa buhay at marahil ay kakaunti ang kakayahang makatulong sa mga kapus-palad.  Ngunit tandaan natin ang paalala ng ating Inang Simbahan na “walang taong masyadong mahirap upang hindi makatulong sa iba!”  Kaya nga’t ang malasakit at habag na ipinakita sa atin ng Poong Maykapal sa loob ng apatnapu’t limang taon ay nararapat din na ipakita natin sa ating kapwang mga kapus-palad bilang isang Simbahan. 

Mga kapatid ko kay Kristo, tayo ay biyaya sa isa’t isa.  Ibinigay tayo ng Diyos sa ating kapwa upang maging instrumento ng Kanyang awa at pagmamahal.  Nawa ang masayang pagdiriwang ng ating kapistahan ay hindi lamang huminto sa kainan, inuman, kantahan at sayawan.  Mahalaga ang mga ito sa kasiyahan ng pagdiriwang ngunit mas magiging makabuluhan ang ating kapistahan kung magkakaroon tayo ng malasakit, habag, at pagmamahal sa isa’t isa. 


Maligayang kapistahan sa inyong lahat!  

Sabado, Enero 24, 2015

PADRE DE PAMILYA: Reflection for the 3rd Sunday in Ordinary Time - Year B - January 25, 2015 - YEAR OF THE POOR

May kuwento tungkol sa tatlong magkakaibigang pari.  Naupo sila at nagkwentuhan ng kanilang sikereto:  Unang Pari:  "Pare, may sikreto ako na kayo lang dapat ang makaalam.  Nakabuntis ako at may anak akong sikretong inaalagaan."  Ikalawang Pari:  "Ako naman, nilulustay ko ang koleksyon ng Simbahan at hindi ko na alam kung paano ito maibabalik."  Ikatlong Pari:  "Ako din may sikereto na dapat walang makakaalam... TSISMOSO AKO!"  Patay! hehehe...  Kagabi habang hinhanda ko ang aking homiliya at nanonood ako ng I-WITNESS ay nakahatak sa aking atensiyon ang pamagat ng kanilang palabas: PADRE DE PAMILYA..  Ito ay tungkol sa mga paring nagkaroon ng asawa at mga anak at patuloy nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin.  Kabilang sila sa mga paring ipinaglalaban ang tinatawag na "Optional Celibacy" na ang ibig sabihin ay  hindi obligado ang pagiging walang asawa ng pari.  Nakaka-intriga sa simula ang palabas sapagkat kahit mismo ang mga tao sa kanilang lugar ay tanggap ang kanilang katayuan at patuloy sila sa pagganap ng kanilang tungkuling pagmimisa at pagganap sa mga sakramento.  Sa katunayan ay vinideo pa nila ang pagbibinyag ng pari sa kanyang sariling anak at ang misa na kanilang ipinagdiwang.  Balak daw nilang ipalabas ito kay Pope Francis para makita ang kanilang kalagayan.  Tama ba ito o mali? Noong dumalaw ang Santo Papa dito sa atin, ang unang Misa na ipinagdiwang niya ay ang misa sa Manila Cathedral kasama ang mga obispo, pari, mga madre at relihiyoso. Bagamat hindi naman pinagbawalang dumalo ang mga layko, marahil ay sinadya niya munang kausapin ang mga "hinirang ng Diyos sa paglilingkod"  upang bigyang diin ang mahalagang papel nila sa paghahatid ng Mabuting Balita ni Kristo.  Ang kanyang unang pananalita ay ang tanong ni Jesus kay Pedro na "Do you love me?"  na naging katatawanan sapagkat sumagot ang kongregasyon ng "Yes!"  At binigyang diin ng Santo Papa sa kanyang mga tagapakinig na: "All pastoral ministry is born of love...  a sign of God's reconciling love!"  Ibig sabihin, sa aming tagapaghatid ng Mabuting Balita ni Kristo, bilang mga "hinirang" ng Diyos, ay hindi dapat mawala ang pag-ibig na umuunawa, nagpapatawad at nagpapakasundo.  Nang tinawag ni Jesus ang mga alagad ay kapuna-puna ang agarang pagtugon nila sa pagtawag ni Jesus.  Iniwan nina Simon at Andres ang kanilang lambat.  Iniwan naman ni Santiago at Juan ang kanilang amang nasa bangka at sumunod din kay Jesus. Totoong ang pagpapari o pagiging relihiyoso/relihiyosa ay personal na pagtugon sa pagtawag ni Jesus.  At marami ang tapat na patuloy na tumutugon sa pagtawag na ito.  Iniwan nila ang kanilang pamilya at ang pagkakataong magkaroon ng pamilya para kay Kristo.  Ngunit may ilan na sa kanilang pagtugon ay nagkamali sa kanilang desisyon.  Masasama ba silang tao dahil nagkamali sila?  "Who am I to judge?" sabi nga ni Pope Francis.  Bilang Simbahang may AWA at MALASAKIT dapat ay iparamdam sa kanila ang pagmamahal na umuunawa at nagpapatwad.  Hindi ibig sabihin na sainasang-ayunan natin ang mga PADRE DE PAMILYA sa kanilang ginawa.  Sabi nga ni retired bishop Oscar Cruz, noong sila ay naging seminarista at naging pari ay alam nila ang batas ng celibacy.  Hindi naman tama na dahil nilabag nila ito ay babaguhin natin ang batas!  Ngunit hindi rin naman tama na pabayaan sila ng Simbahan.  Hindi tama na itrato silang "masama" sapagkat nagkamali sila.  Ang pagbisita sa atin ng Santo Papa ay nagpapaalala sa ating ang Simbahan ay isang INA na laging handang tanggapin at patawarin ang kanilang mga nagkamaling anak.. Hindi ito pangungunsinti sa maling nagawa nila. Hindi ito pagbibigay daan para sang-ayunan ang mali.  Ito ay pagpapakita ng MALASAKIT at HABAG ni Kristo sa kanyang mga kapatid.  Kung mayroon man tayong natutunan sa pagdalaw ng Santo Papa ay ang pagkakaroon ng mas malawak na pag-intindi sa mga taong nagkakamali. Siguro ay nakakasalubong natin sila araw-araw.  Marahil ay nakakdaupang-palad natin sila at nakakausap. Ituring natin silang kabilang sa ating pamilya.  Iisang pag-ibig ang nagbubuklod sa atin. Ang Diyos ng pag-ibig ay patuloy sa Kanyang pagmamahal sa kabila ng ating pagiging makasalanan. Siya ang tunay na PADRE DE PAMILYA na nagbubuklod sa Kanyang mga anak.  Kung tinatanggap ka ng Diyos... sino ka para hindi tanggapin ang kapwa mong nagkamali?    

Sabado, Enero 17, 2015

ANG MAGING TULAD NG ISANG BATA: Reflection for the Feast of the Sto. Nino - January 18, 2015 - YEAR OF THE POOR

"DO YOU LOVE ME?" Sabi ni Pope Francis sa simula ng kanyang homiliya sa Manila Cathedral sa harap ng mga obispo, pari, relihiyoso, madre at mga seminarista, sagot nila at naming nasa labas ng Manila Cathedral ay isang malakas na YES!!!" Napangiti si Lolo Kiko at sabi nya, "Thank You very much!" Napangiti siya kasi binabasa lang naman niya ang simula ng binasang Ebanghelyo na ayon kay San Juan.  Na WOW MALI kami ni Lolo Kiko... pero na WOW TAMA naman namin siya!  Totoong totoo naman talagang mahal na mahal ng mga Pilipino ang Santo Papa.  Mula pa sa unang Santo Papang dumalaw sa atin sa katauhan ni Blessed Paul VI noong 1970, sa dalawang pagdalaw ni  St. John Paul II, noong 1981 at 1995, at ang inabangan nating pagdating nang ating kasalukuyang Santo Papang si Papa Francisco, ay talagang ipinakita nating mga Pilipino na tayo ay bansang nagmamahal sa Santo Papa!  Saang bansa ka nga naman makakakita na kahit may bagyo na ay di pa rin natitinag ang mga tao sa paghihintay at nakapagdaos pa ng misa habang binabayo ng malakas na hangin at ulan?  O napakahabang linya ng mga taong matiyagang nag-aabang ng halos limang oras upang ilang segundo lamang masilayan ang pagdaan ng kanilang pinagpipitagang Kahalili ni Kristo?  ONLY IN THE PHILLIPPINES!  Ngunit sa mga Santo Papang dumalaw sa atin ay may kakaibang katangiang nagpapatingkad kay Papa Francisco at yan ay ang kanyang kapayakan o simplicity.  Kaya nga't hindi nakapagtataka na ang bilin niya sa mga pari at relihiyoso at relihiyosa ay iwaksi ang materialismo at mumuhay na dukha at payak tulad ni Kristo.  Ang pagdiriwang ng Santo Nino ay parehong aral din ang ibinibigay sa atin.  Ang wika ni Jesus: "Ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya.”   At ano ang katangiang nasa isang maliit na bata na nais ni Jesus na ating makamit? Walang iba kundi ang kapayakan at kababaang-loob!  Ang isang maliit na bata ay walang maipagmamalaki sa kanyang sarili. Kalimitan ang mga magulang ang dahilan kung bakit nagiging mapagmataas ang kanilang mga anak.  Ang bata ay payak. Hindi magarbo ang pamumuhay. Habang tumatanda ay doon dumadami ang kanyang nais makamtan sa buhay na kalimitan ay mga bagay na materyal.  Nais ni Jesus na taglayin natin ang dalawang katangiang ito ng mga bata.  Tanging ang kababaang-loob ang makapagbibigay sa atin ng tamang pananaw sa buhay upang iwaksi ang makamundong pagnanasa ito man ay kayamanan, posisyon o katayuan sa buhay!  Isa rin itong paraan upang maipakita natin ang malasakit sa ating mga kapatid na mahihirap ngayong Year of the Poor.  Isa pang katangiang nais kong idagdag ay ang pagiging masiyahin ng mga bata.  Walang Kristiyanong malungkot sapagkat ang ating Diyos ay Diyos na buhay!  Nais ni Jesus na maging masasaya tayong kanyang mga tagasunod sapagkat ang hatid Niya ay pag-asa at kaligtasan.  Tinaglay ni Papa Francisco ang mga katangiang ito at ito rin ang nais niyang taglayin natng mga Kristiyano.  Maging simple sa ating pamumuhay mapagkumbaba sa pakikitungo sa ating kapwa at maging tagapaghatid ng ligaya ng Mabuting Balita ni Kristo sa iba!  Hindi ko alam kung talagang sinadya ng Santo Papang itapat ang kanyang pagdalaw sa Kapisthan ng Banal na Sanggol ngunit sinadya man o hindi, ito ay isang mabiyayang pagkakataon para sa ating mga Pilipino. Mabuhay ang Santo Papa!  Mabuhay ang Santo Nino!  

Sabado, Enero 10, 2015

TULAY NG MALASAKIT AT HABAG...ANG ATING IKATLONG EPIPANYA: Reflection for the Feast of the Lord's Baptism Year B - January 11, 2015 - YEAR OF THE POOR - NOVENA FOR THE VISIT OF POPE FRANCIS

Ang Kapistahang ipinagdiriwang natin ngayon ay tinatawag din na ikalawang Epipanya o Pagpapakita ng Panginoon.  Ang kapistahan ng Epipanya na ating unang ipinagdiwang ay pagpapakita na si Jesus ay Hari ng mga bansa na sinasagisag ng inialay sa kanyang ginto.  Ang hari ng sanlibutang ito ay tunay na Diyos na sinasagisag ng kamanyang o insenso at ang mira naman ang nagsasabing Siya ay tunay na tao na dumanas din ng paghihirap.  Kung ang unang Epipanya ay nagpakita na siya ang hari ng sanlibutan, ang ikalawang Epipanya naman ang nagpapakita na si Jesus ang "Lingkod na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos." Ngunit may isa pang mahalagang ipinapakita sa atin ang Pagbibinyag kay Jesus at ito ay ang kanyang MALASAKIT sa tao sa pagpapakumbaba niyang paglapit kay Juan upang magpabinyag upang makiisa at pasanin ang ating mga kasalanan. Gaano ba kalaki ang malasakit Niya sa atin?  "May isang lasing na naglalakad sa isang madilim na kalsada. Dala ng kanyang kalasingan ay hindi niya napansin ang isang malaki at malalim na hukay sa kanyang daraanan. Natural, nalaglag siya sa hukay! Natauhan siya at nang makitang may kalaliman ang hukay at imposibleng makalabas ay naglakas-loob na s'yang sumigaw upang humingi ng tulong. Mabuti na lang at may isang lalaki ring napadaan sa hukay at ng makita ang lasing sa ibaba ay bigla s'yang tumalon! Laking pagkagulat ng lasing at tinanong siya: "Anung ginagawa mo dito?" Sagot ng lalaki: "Narinig ko ang sigaw mo... medyo mahina, kaya tumalon ako para samahan ka... samahan ka para mas malakas ang sigaw natin!" Tanga lang di ba? hehehe... Gaano kalaki ang malasakit Niya sa atin?  Ang Diyos ay naging tao upang samahan at damayan tayo kahit alam Niya ang kahihinatnan ng Kanyang desisyong maging tao.  Ginawa Niya ito sapagkat nais Niyang madama ant ating paghihirap at maging kabahagi nito.  Ang salitang MALASAKIT ay binubuo ng dalawang salita, MALA at SAKIT.  Alam natin ang ibig sabihin ng SAKIT at marahil ay nakararanas tayo nito.  Ang ibig sabihin na MALA ay "parang..."  Ibig sabihin ang malasakit ay "parang naghihirap ka rin" tulad ng iba, Ito ay pagpapakita ng pagdamay at pakikiisa sa abang kalagayan ng ating kapwa.  Ito rin ang ibig sabihin ng "Mercy and Compassion" na tema ng pagdating ng ating Santo Papa Francisco. Nais niyang ipadama sa atin ang MALASAKIT AT HABAG ng Diyos.  Nais niya ring ipakita na ito rin ang nais ng Simbahan na ipakita natin sa bawat isa. Sa papaanong paraan?  Isa sa mga titulo ni Papa Francisco ay SUMMUS PONTIFEX.  Ang ibig sabihin nito sa ating wika ay "Dakilang Tagapagtayo ng Tulay".  Ito naman talaga ang misyon ng Santo Papa, na siya ay maging tulay ng pagkakaisa at pagkakasundo sa ating mundo hindi lang sa ating Simbahan.  At ito rin ang paraang nais ni Papa Francisco na gawin natin... ang magsilbing tulay upang mapalaganap natin ang pagkakaisa sa ating kapwa at upang maitulay natin ang bawat isa patungo sa Diyos lalo na ang mga malalayo sa ating Simbahan. Kung mayroon mang dapat pagpakitaan ng awa at malasakit ay silang mga inilalayo ang kanilang sarili sa Simbahan dahil na rin siguro sa mga pangit at maling imahe na ating ipinakikita.  Si Jesus ang pinakadakilang tulay natin sa Ama at dahil dito ay lubos Siyang kinalugdan ng Diyos.  Tayo rin ay kalulugdan Niya kung magsisilbi tayong tulay na may malasakit at habag sa ating mga kapatid na nangangailangan.  Ito ang Epipanya na inaasahan Niya sa bawat isa atin!

Sabado, Enero 3, 2015

ANG PAGPAPAKITA NG AWA AT PAGDAMAY : Reflection for the Solemnity of the Epiphany - Januray 4, 2015 - YEAR OF THE POOR

Happy Three Kings?  Alam n'yo bang MALI ang pagbating ito?  Una, hindi naman sila talaga HARI. Wala naman binanggit sa Ebanghelyo ni San Mateo na mga hari ang bumisita kay Jesus.  Ang sabi sa Ebanghelyo, sila ay mga PANTAS, mga taong matatalino at may kakaibang kaalaman sa siyensya. Ikalawa,  hindi sila TATLO.  Wala namang binggit na bilang ng mga pantas si San Mateo.  Ang sinabai ni San Mateo ay may tatlong regalong inihandog ang mga pantas ng matagpuan ang sanggol na Jesus sa sabsaban.  Ikatlo, ay parang hindi angkop ang salitang HAPPY.  Mukhang hindi na masasaya ang mukha iba sa atin!  Marahil  naubos na ang pera noong nakaraang Pasko at Bagong Taon! hehehe.  Ang tamang pagbati pa rin ay MERRY CHRISTMAS! Sapagkat ngayon ay bahagi pa rin naman ng panahon ng Pasko.  Sa katunayan, sa ibang bansa, ang tawag dito ay ikalawang Pasko at sa araw na ito sila nagbibigayan ng regalo.  Kaya ang mga ninong at ninang na tinaguan ang kanilang mga inaanak ay hindi pa rin ligtas ngayon. Ibig sabihin puwede pang habulin ang mga ninong at ninang na nagtago noong nakaraang Pasko!  Ang tamang pagtawag sa kapistahang ito ay EPIPANYA na ang ibig sabihin ay PAGPAPAKITA.  Ipinakita ng Panginoon sa pamamagitan ng pagbisita ng mga Pantas na Siya ang tunay na HARI ng sanlibutan, na Siya ay tunay na DIYOS, at Siya rin ay tunay na TAO na daranas din ng kamatayan. Kaya ang Anak ng Diyos ay tinawag nating "Emmanuel" na ang ibig sabihin ay "Ang Diyos ay sumasaatin."   Inako ng Diyos ang ating pagkatao at nanirahan Siya kapiling natin.  Naging katulad Siya natin, maliban sa pagiging makasalanan upang iparamdam sa atin ang pag-ibig at AWA ng Diyos.  Ipinakita Niya ang Kanyang PAGDAMAY sa ating sa pag-ako Niya ng ating mga kahirapan at sa kahuli-hulihan ay ang kamatayan ng ating katawang lupa.  Akmang-akmang ito sa tema ng pagdalaw ng Santo Papa dito sa atin sa darting na January 15-19, 2015.  MERCY AND COMPASSION ang tema ng kanyang pagdalaw.  Nais niyang ipadama sa atin, bilang pinuno ng Smibahan, ang AWA AT PAGDAMAY ng Diyos! At ito rin ang hamon niya sa ating lahat: na sana ay kaya rin nating ipakita at ipadama ang AWA ar PAGDAMAY ng Diyos sa ating kapwa, lalong-lalo na sa mga higit na nangangailangan.  Nagkataon na ngayon din ay Year of the Poor para sa Simbahan natin dito sa Pilipinas.  Pinapaalalahanan tayo na bigyan natin ng natatanging pansin at pagkalinga ang mga materially poor nating mga kababayan.  Sila dapat ang unang pinapakitaan natin ng awa at pagdamay.  Tandaan natin na hindi hadlang ang ating pagiging mahirap upang hindi tayo tumulong sa iba.  Mag-isip tayo ng mga konkretong gawain upang maipadama natin ang ating pagdamay sa kanilang abang kalagayan  Suriin din natin ang uri ng ating pamumuhay at tingnan natin kung ito ba ay isang malaking paglapastangan sa kalagayan ng mga kapatid nating mahihirap.  Tandaan natin na ang mga biyaya at pagpapala ng Panginoon ay hindi atin. Ipinagkatiwala lamang ito sa atin upang magamit din natin sa pagtulong sa ating mga kapatid na higit na nangangailangan. Sa pagpasok ng Bagong Taon, nawa ay hindi lang kasaganahan ng pamumuhay ang ating mithiin.  Hilingin natin sa Panginoon ang kapayapaan sa ating mga sarili.  Anhin mo pa ang kasaganahan kung araw-araw ka namang nabubuhay sa pagkabalisa at takot?  Ang pagpapakita ng AWA at PAGDAMAY ay makatutulong upang magkaroon tayo ng kapayapaan sa ating mga sarili. Ang pagtulong sa ating kapwa ay nakapagbibigay ng tunay na kaligayahan at kapayapaan sa mga gumagawa nito.  Ito ang EPIPANYA na kasalukuyang panahon. Ito ang Epipanya nating mga Kristiyano... IPAKITA NATIN ANG AWA AT PAGDAMAY NG DIYOS sa ating mga kapatid lalong-lao na sa mga mahihirap.