Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Mayo 30, 2015
DIYOS NA 3 in 1 : Reflection for the Solemnity of the Blessed Trinity Year B - May 31, 2015 - Year of the Poor
May isang batang nagtanong sa akin: "Father, bakit isa lang ang Diyos at
hindi tatlo? Di ba Siya ay Ama, Anak, at Espritu Santo? Di ba 1+1+1=3? "
Ito ang sagot ko sa kanya: "Iho, ang Diyos ay hindi puwedeng gamitan ng
arithmetic! Kasi puede rin na 1x1x1=1!" Lubos ang kadakilaan ng Diyos
kung kaya't hindi Siya maaring bilangin ng ating mga daliri sa kamay.
Lubos ang Kanyang kadakilaan na hindi Siya maaring pagkasyahin sa ating
maliit na isipan. Siya ang Manlilikha... Siya ang walang simula at
walang katapusan... Siya ang hari ng sanlibutan! Ang problema marahil ay
pilit nating inuunawa kung sino ba talaga Siya. Ang napakatalinong
taong si Santo Tomas Aquino, na nagsulat ng maraming aklat tungkol sa
Diyos (halimbawa ang Summa Theologia), pagkatapos ng kanyang mahabang
pagsusulat at pagtuturo ay nagsabing ang lahat ng kanyang inilahad
tungkol sa Diyos ay maituturing na basura lamang kung dadalhin sa
Kanyang harapan. Ibig sabihin ni Santo Tomas ay hindi natin lubos na
mauunawan ang Diyos! Kahit ang taong pinakamatalino ay kapos sa kaalaman
kung ang "misteryo ng Diyos" ang pag-uusapan. Bagamat walang sino mang
tao ang lubos na makakaunawa sa Kanya ay pinili Niya pa ring magpahayag
sa atin. Ang pagpapahayag ng Diyos ay napakasimple na kahit na ang
walang pinag-aralang tao ay maaring makaunawa sa Kanya: "Gayon na lamang
ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang
bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak,
kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Ipinahayag ng Diyos na Siya
ay pag-ibig. Kaya nga't masasabi natin na ang Diyos ay mauunawaan
lamang ng taong marunong magmahal! Ang Banal na Santatlo ay
pagmamahalan! Nauunawaan mo ang Diyos kung marunong kang magpatawad.
Nauunawaan mo ang Diyos kung matulungin ka sa mga mahihirap. Nauunawaan
mo ang Diyos kung ang hanap mo ay ang kabutihan ng iyong kapwa! Marahil
hindi natin maiintindihan kung bakit ang 1+1+1 para sa atin ay 1. Huwag
tayong mag-isip... sa halip subukan nating magmahal at makikita natin na
ang kakulangang ng ating pag-iisip ay mapupuno ng isang payak at
malinis na puso. May isa akong kaibigan na ang motto sa buhay ay: "I am
number three!" Ipinaliwanag niya sa akin: "I am number three sapagkat
nais ko laging ipaalala sa aking sarili na ang Diyos dapat ang mumber
one sa buhay ko. Ang aking kapwa naman ang number two. Ang aking
sarili ay pangatlo lamang!" Totoo nga naman na dapat din nating mahalin ang ating mga sarili. Ngunit ang labis na pagmamahal sa sarili na nakakalimot na na may Diyos at kapwa na dapat ko ring mahalin ay mapanganib. Ngayong Taon ng Dukha ay sikapin natin unahin ang kapakanan ng iba bago ang ating mga sarili. Hindi ito madali sapagkat lalabanan natin ang ating pagkamakasarili at magsasakripisyo tayo para sa iba. Ngunit ito naman talaga ang kahulugan ng tunay na pag-ibig... nag-aalay ng buhay para sa kanyang kaibigan! Ang Diyos na "three in one" ay ang ating huwaran sa tunay na pagmamahal. Ang pag-ibig ng Diyos Ama na nagbigay sa atin ng Kanyang bugtong na Anak, ang pag-ibig na Anak na nag-alay ng kanyang buhay upang sundin ang kalooban ng Ama na tayo ay maligtas, at ang pag-ibig ng Espiritu Santo na patuloy na humiihimok sa ating magmahal upang maging isang Sambayanan tayong pinaghaharian ng Kanyang pagt-ibig. Kaya narrapat lang na ang aking Diyos na Santatlo ay aking papurihan at mahalin. Hindi man Siya maintindihan ng aking isipan... kaya naman Siyang damhin ng puso kong marunong magmahal!
Sabado, Mayo 23, 2015
ANG DIYOS NA FOREVER! : Reflection for the Solemnity of Pentecost Year B - May 24, 2015 - YEAR OF THE POOR
Kapistahan ngayon ng Pagpanaog ng Espiritu Santo o Pentekostes. May isang "Rabbi" (gurong Hudyo) ang minsang nagsabi: "Naiintindihan ko ang inyong pagtawag sa Diyos bilang "Ama", at kilala rin namin si Jesus na tinatawag ninyong "Diyos Anak", ngunit ang hindi ko talaga maintindihan ay ang "mahiwagang ibon" na tinatawag ninyong Espiritu Santo!" Totoo nga naman, kahit sa kasalukuyang panahong ito ay marami pa rin, kahit sa ating mga Katoliko, ang kulang ang pang-unawa sa Espiritu Santo kahit lagi natin itong binabanggit sa ating mga panalangin. Sino nga ba ang Espritu Santo? Kung ang Diyos Ama ay ang lumikha ng lahat ng bagay at ang Diyos Anak naman ang tumubos sa ating mga kasalanan, ay ano naman ang papel na ginagampanan ng Diyos Espritu Santo sa kasaysayan ng ating kaligtasan? Kung ako ang tatanungin, ang Espiritu Santo ang nagpapahayag at nagpapatunay na ang pagmamahal sa atin ng Diyos ay may "forever!" Mayroon bang forever? Mga taong "bitter" lang ang nagsasabing walang forever! Para sa ating mga Kristiyano tayo ay nilikha ng Diyos dahil sa pag-ibig. Iniligtas Niya tayo sa ating pagkakasala dahil sa laki ng pagmamahal Niya sa atin. At patuloy Niya tayong inaalagaan, ginagabayan at pinababanal sa pamamagitan ng pag-ibig na nagmumula sa Banal na Espiritu! Hindi ba "forever" ang tawag sa ganung uri ng pagmamahal na magpakailanman at magpasawalanghanggan? Ang Espiritu Santo ang gumagabay at pumapatnubay sa Simbahan mula pa
ng ito ay isilang at magpasahanggang ngayon. Kung mahalaga ang kanyang
papel na ginagampanan sa ating Simbahan ay lalong ng higit pa sa ating
mga Kristiyano. Ang Espiritu Santo ang nagpapabanal sa atin! Noong
tayo ay bininyagan ay napuspos tayo ng Espiritu Santo. Sa Kumpil ay
tinanggap naman natin ang kaganapan ng Kanyang mga biyaya hindi sapagkat
kulang ito noong tayo ay binyagan kundi sapagkat hindi pa nakahanda ang
ating pisikal na katawan noong sanggol pa lamang tayo. Ngayong tayo ay
nakapag-iisip na ay nararapat lamang na ipakita natin ang pananahan ng
Espiritu Santo sa ating buhay! Gisingin natin ang ating mga tulog na
sarili! Maging mulat tayong lahat na tayo ay ang mga buhay na "Templo
ng Espiritu Santo!" Maging mga saksi tayo ng kanyang kapangyarihan sa
ating buhay! Ang "kapayapaan" ang tanda na tayo ay mga taong puspos ng
Espiritu Santo. Kapayapaan ang ibinahagi ni Jesus sa kanyang mga alagad
noong Siya ay muling mabuhay. Kapayapaan din ang patuloy niyang
ibinabahagi sa ating pinananahanan na ng Banal na Espiritu. Ang Espiritu Santo ay
nag-uugnay, hindi naghihiwalay! Kapag may pag-kakaisa.. may pagmamahal. Patuloy tayong minamahal ng Diyos sapagkat hinahangad Niya ang ating pagkakaisa. Umasa tayong patuloy na tayong mamahalin at pag-iisahin sapagkat ang Kanyang pagmamahal ay may forever!
Sabado, Mayo 16, 2015
LANGIT NA HANTUNGAN: Reflection for the Solemnity of the Ascension - Year B - May 17, 2015 - YEAR OF THE POOR
Totoo bang may langit? Saan ba ito matatagpuan? Bata pa lang ako ay ito na ang katanungang gumugulo sa isip ko. Ngayong ako'y malaki na at may sapat ng pag-iisip hindi pa rin nagbago ang tanong na ito. Sa tuwing masasaksihan natin ang mga trahedya sa ating paligid tulad ng mga namatay sa sunog sa pagawaan ng tsinelas sa Valenzuela, mga biktima ng lindol sa Nepal, mga Kristiyanong pinatay sa Syria, ay pilit na kumakatok ang katanungan ng katotohanan ng langit. At ang mas malalim na tanong ay may mga tao bang gustong makarating dito? Isang pari ang inis na inis kapag nagmimisa sapagkat laging may matanda
sa kanyang harapan na tinutulugan ang kanyang sermon. Minsan ay naisip
niyang bawian ang matanda at turuan iton ng leksiyon. Habang siya ay
nagsesermon at naghihilik naman ang matanda ay pabulong niyang sinabi
sa mga tao: "Yung nais umakyat sa langit... tumayo ng tahimik." At
tahimik namang nagtayuan ang mga tao maliban kay lola na himbing na
himbing sa pagkakatulog. Pinaupo niyang muli ang mga tao at napakalakas
na sumigaw: "Ang gustong pumunta nang impiyerno... TAYO!!!"
Nagulantang ang matandang natutulog at biglang tumayo at laking hiya niya ng mapansing lahat
ay nakaupo. Ang pari naman ay tuwang-tuwa dahil sa wakas ay nakabawi na
siya. Ngunit nagsalita ang matanda at ang sabi: "Padre, pasensiya na po
kayo at hindi ko ata na naintindihan ang huli ninyong sinabi, pero
nagtataka ako kung bakit dalawa tayong nakatayo, sabay tingin sa pari!
hehehe... Sino nga ba sa atina ang gustong mapunta sa impiyerno? Marahil
ay walang taong matino ang pag-iisip na tatayo. Ang gusto natin ay
umakyat sa langit dahil ito naman talaga ang ating hantungan! Ang sabi
sa lumang katesismo ay "Nabubuhay ang tao upang mahalin ang Diyos dito sa
lupa at makapiling Siya sa langit!" LANGIT ANG ATING HANTUNGAN AT ITO
ANG ATING INAASAHAN! Kaya nga tayo nagpapakahirap na magpakabuti. Bakit
ka pa magdarasal? Bakit ka pa magsisimba? Bakit ka pa susunod sa mga
utos ng Diyos? Bakit ka pa magpapakahirap na gumawa ng mabuti sa kapwa?
Bakit ka pa magpapakabuti bilang isang kristiyano kung wala ka nanmang
inaasahang langit? Langit ang ating gantimpalang inaasahan at ito ang
ipinangako sa atin ni Jesus. Pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa
Siya ay umakyat sa langit upang ipaghanda tayo ng matitirhan. Kung siya
ang ulo at tayo ang katawan ay nararapat lamang na makapiling natin Siya
sa kalangitan. Ang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat
magbigay sa ating lahat ng pag-asa! 'Wag tayong magsawa sa paggawa ng
mabuti. 'Wag nating kainggitan ang mga taong gumagawa ng masama at
nagpapakasasa sa buhay na ito. Ang kaligayahang dulot ng mundong ito ay
panandalian lamang. Ang kaligayahang naghihintay sa kalangitan ay
magpakailanman. Kaya nga sa susunod na may magsabing: "Ang gustong
pumunta sa langit... tumayo!" 'Wag kang magdalawang isip na tumayo
sapagkat langit ang ating hantungan!
Sabado, Mayo 9, 2015
MAY FOREVER! : Reflection for 6th Sunday of Easter Year B - May 10, 2015 - YEAR OF THE POOR
Naniniwala ka bang "walang forever?" Kung isa ka sa mga miyembro ng W.F.T. (Wala Talagang Forever) ay isa ka sa mga taong "bitter"... kasimpait ng ampalaya ang iyong buhay! Ipinagpalit lang ng boyfriend sa iba wala na agad forever... bitter ka lang te! Sa halip na maging bitter dapat siguro mas maging "better" ang ating pagtingin sa buhay... may forever! Lalo na sa ating mga Kristiyano ay dapat maniwala tayong MAY FOREVER! May forever sapagkat ang ating Diyos ay PAG-IBIG tulad ng sabi ni San Juan sa kanyang unang sulat at ang Kanyang pagmamahal sa atin ay... FOREVER! Ito rin ang binigyang diin ni Jesus nang sinabi niyang "Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayon din naman, iniibig ko kayo, manatili kayo sa aking pag-ibig!" Manatili magpakailanman, magpasawalanghanggan... FOREVER! Ano ang katangian ng pag-ibig na ito? Ang unang katangian ng pag-ibig ay ang
kakayahang magsakripisyo alang-alang sa kapakanan ng iba. "Walang
pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang
buhay para sa kanyang mga kaibigan." May isang lugar sa Chicago na ang
tawag ay Oliver Milton's Park. Ito ay ipinangalan sa isang sundalo na
dinapaan ang isang granada upang mailigtas ang kanyang mga kasama sa
tiyak na kamatayan. Ang tunay na nagmamahal ay inuuna ang kapakanan ng
iba bago ang sarili. Nangangahulugan ito ng pagbibigay ng sariling oras,
kakayahan, karunungan, at kahit kayamanan sa mga taong nangangailangan.
Wala sa diksiyonaryo ng taong nagmamahal ang katagang: "Wala akong
pakialam!" Ang ikalawang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang
magmahal sa lahat na walang itinatangi. May kuwento ng isang sundalong
sumulat sa kanyang mga magulang na uuwi na siya at may dadalhin siyang
isang kaibigang sundalo na makikitira sa kanilang bahay. Ipinaliwanag
niya na ang sundalo ay walang dalawang paa sapagkat nasabugan ito ng
landmine sa kasagsagan ng giyera. Ayaw pumayag ng mga magulang at
sinabing wag na lang sapagkat magiging pabigat lamang ang taong ito sa
kanila. Iyon na ang huling pag-uusap nila. Paglipas ng ilang taon
nagkita muli sila sa isang morgue nang mabalitaan nilang namatay ang
kanilang anak sa isang aksidente at gayun na lamang ang pagkagulat nila
ng makitang ang kanilang anak ay walang dalawang paa. Ang pagmamahal na
walang itinatangi ay nangangahulugan ng pagtanggap sa ating kapwa ng
walang kundisyon. Katulad ito ng ipinakita ni Jesus ng nag-alay siya ng
kanyang buhay para sa atin lalo na sa ating mga makasalanan. Hindi Niya
tiningnan ang ating depekto o pagkukulang, maging ang kapangitan bilang
tao dala ng ating patuloy na pagkakasala. Ang kaligtasang ibinigay sa
atin ni Jesus sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang buhay ay para sa
lahat ng tao: ano man ang relihiyon, lahi, kultura, kasarian, pag-uugali
niyang taglay. Dapat ang ating pagmamahal ay gayun din. Kalimitan,
kinasusuklaman natin ang ating kaaway at malambing lamang tayo sa ating
mga kaibigan. Ngunit hindi ito ang gawi ng Panginoon. Ang Panginoon ay
nagpakita ng habag at pagmamahal sa mga taong hindi kaibig-ibig, sa mga
taong makasalanan. Sana tayo rin ay kayang maghanap sa mga taong hindi
nabibigyang pansin, sa mga kapus-palad, sa mga naliligaw ng landas, sa
mga kapos sa pagmamahal. Ito pa rin ang mensaheng nais
niyang iparating sa atin: "Mag-ibigan kayo tulad ng pag-ibig na
ipinakita ko sa inyo!" isang pag-ibig na hindi makasarili, isang
pag-ibig na nakatuon sa lahat, isang pag-ibig na handang mag-alay ng
kanyang sarili para sa kanyang kaibigan. Ito ang pag-ibig na ipinamalas
ng Diyos sa atin at nais niyang ipakita at iparamdam natin sa iba... isang pag-ibig na nagsasabing may FOREVER!
Sabado, Mayo 2, 2015
MAMUNGA PARA KAY KRISTO : Reflection for 5th Sunday of Easter Year B - May 3, 2015 - YEAR OF THE POOR
"Isang bayan para kay Pacman!" Ito ang maririnig mo ngayon sa bibig ng mga Pilipino. Muli ang bayang Pilipino ay pinagbuklod ng ating "Pambansang Kamao". Manalo man o matalo, nakamit na nito ang kanyang layuning pagbuklurin ang bansang Pilipino. Katulad din ng ating pagiging Kristiyano na pinagbubuklod ng ating pananampalataya kay Kristo. "Siya ang puno ng ubas at tayo ang mga sanga!" Ano ba ang ibig sabihin ng "pinagbuklod ni Kristo?" Maari bang mahiwalay ang isang Kristiyano sa Kanya? May tatlong magkakaibigan na nagpapayabangan sa kanilang
pananampalataya: isang Muslim, isang Hindu at isang Kristiyano. Nagpunta
sila sa isang mataas na gusali at nagpasiklaban sa kanilang sinasambang
"diyos." "Sige, tatalon tayo sa gusali at hihingi tayo ng tulong sa
ating diyos at ang makakaligtas ang siyang may pinakamakapangyarihang
diyos!" Unang tumalon ang muslim. Sa kalagitnaan ng kanyang pagbulusok
ay isinigaw niyang "Allah.. iligtas mo ako!" Lumagpak siya sa lupang
bali-bali ang buto. Sumunod naman ang Buddhist. Nakapikit siyang nagmeditate
at pagkatapos ay tumalon. Sa kaligitnaan ng kanyang pagbulusok ay
sumigaw siya ng "Buddha iligtas mo ako!" At nang malapit na siyang
lumagpak sa lupa ay parang himalang dinala siya ng hangin na animo'y
bulak at dahan-dahang bumaba sa lupa. At sa kahuli-hulihan ay tumayo ang
Kristiyano. Nagtanda ng krus at sabay talon. Sa kalagitnaan ng
pagbulusok ay sumigaw siya ng "Hesus, Anak ni David, iligtas mo ako!"
Aba... lalo pang bumilis ang kanyang pagbulusok! (9.8 m/sec2) Nang
malapit na syang lumagpak ay biglang sigaw ng: "Buddha... Buddha...
tuloooong!!!" Tayong mga Katoliko nga naman, madaling kumalas sa ating
pananampalataya kapag nahaharap sa kagipitan. Ano nga ba ang nagbibigay
ng kasiguruhan sa ating pananampalataya? Sa ating Ebanghelyo ngayon ay
gumamit ang Panginoong Jesus ng isang paglalarawan: ang sangang
nakakabit sa puno! Ang sanga ay mabubuhay lamang kung ito ay nakakabit
sa puno. Ang ating pananamapalatayang Kristiyano ay mananatili kung ito
ay nakaugnay kay Kristo! Noong tayo ay bininyagan ay tinanggap natin ang
pananampalatayang ito. Iniugnay tayo kay Jesus. Sa katunayan ay
tinaglay natin ang Kanyang pangalan... KRISTIYANO! Ngunit hindi lang
sapat na nakakabit sa puno. Dapat din ay namumunga ang sangang ito! Ang
ating pagiging Kristiyano ay hindi lamang "baptismal certificate." Ito
ay ang matapat na pagsasabuhay ng ating sinasampalatayanan sa
pamamagitan sa pagsunod sa utos at kalooban ng Diyos. Sa panahon ngayon
na nababalot ng materyalismo, komersiyalismo at hedonismo ay hinahamon
tayong mamunga bilang mga Kristiyano. Hindi madali sapagkat ang
pinaiiral ng mundo ay kasarapan at kaginhawaan ng pamumuhay. Ayaw ng
mundo na kahirapan. Ngunit kailangan ang pagtitiis kung nais nating
mamunga. Sabi ng Panginoon: "Pinuputulan at nililinis ang bawat sangang
namumunga." Tanggapin natin ang kahirapan ng buhay bilang pagpuputol at
paglilinis ng Diyos sa atin. Kapalit ng pagtitiis na ito ay ang
masaganang bunga naman para sa ating may pananampalataya. Manatili tayo
kay Jesus. Mamunga tayo ng sagana sa pamamagitan ng mabuting gawa. Ito
ang ang tanging paraan upang tayo ay maging mga "buhay na Kristiyano" na
may kaugnayan kay Kristo! Sa unang pagbasa ay ipinakita sa atin kung paanong ang "paglilinis" kay Pablo ay naging daan upang siya ay "mamunga" at magdala ng maraming tagasunod ni Jesus. Ang kanyang pagkakamali sa nakaraan ay hindi naging hadlang upang maging isa siyang masigasig na apostol ng Panginoon. Kaya nga't ang mamunga para kay Kristo ay pagtawag sa ating lahat na taglay ang pangalang KRISTIYANO.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)