Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Mayo 2, 2015
MAMUNGA PARA KAY KRISTO : Reflection for 5th Sunday of Easter Year B - May 3, 2015 - YEAR OF THE POOR
"Isang bayan para kay Pacman!" Ito ang maririnig mo ngayon sa bibig ng mga Pilipino. Muli ang bayang Pilipino ay pinagbuklod ng ating "Pambansang Kamao". Manalo man o matalo, nakamit na nito ang kanyang layuning pagbuklurin ang bansang Pilipino. Katulad din ng ating pagiging Kristiyano na pinagbubuklod ng ating pananampalataya kay Kristo. "Siya ang puno ng ubas at tayo ang mga sanga!" Ano ba ang ibig sabihin ng "pinagbuklod ni Kristo?" Maari bang mahiwalay ang isang Kristiyano sa Kanya? May tatlong magkakaibigan na nagpapayabangan sa kanilang
pananampalataya: isang Muslim, isang Hindu at isang Kristiyano. Nagpunta
sila sa isang mataas na gusali at nagpasiklaban sa kanilang sinasambang
"diyos." "Sige, tatalon tayo sa gusali at hihingi tayo ng tulong sa
ating diyos at ang makakaligtas ang siyang may pinakamakapangyarihang
diyos!" Unang tumalon ang muslim. Sa kalagitnaan ng kanyang pagbulusok
ay isinigaw niyang "Allah.. iligtas mo ako!" Lumagpak siya sa lupang
bali-bali ang buto. Sumunod naman ang Buddhist. Nakapikit siyang nagmeditate
at pagkatapos ay tumalon. Sa kaligitnaan ng kanyang pagbulusok ay
sumigaw siya ng "Buddha iligtas mo ako!" At nang malapit na siyang
lumagpak sa lupa ay parang himalang dinala siya ng hangin na animo'y
bulak at dahan-dahang bumaba sa lupa. At sa kahuli-hulihan ay tumayo ang
Kristiyano. Nagtanda ng krus at sabay talon. Sa kalagitnaan ng
pagbulusok ay sumigaw siya ng "Hesus, Anak ni David, iligtas mo ako!"
Aba... lalo pang bumilis ang kanyang pagbulusok! (9.8 m/sec2) Nang
malapit na syang lumagpak ay biglang sigaw ng: "Buddha... Buddha...
tuloooong!!!" Tayong mga Katoliko nga naman, madaling kumalas sa ating
pananampalataya kapag nahaharap sa kagipitan. Ano nga ba ang nagbibigay
ng kasiguruhan sa ating pananampalataya? Sa ating Ebanghelyo ngayon ay
gumamit ang Panginoong Jesus ng isang paglalarawan: ang sangang
nakakabit sa puno! Ang sanga ay mabubuhay lamang kung ito ay nakakabit
sa puno. Ang ating pananamapalatayang Kristiyano ay mananatili kung ito
ay nakaugnay kay Kristo! Noong tayo ay bininyagan ay tinanggap natin ang
pananampalatayang ito. Iniugnay tayo kay Jesus. Sa katunayan ay
tinaglay natin ang Kanyang pangalan... KRISTIYANO! Ngunit hindi lang
sapat na nakakabit sa puno. Dapat din ay namumunga ang sangang ito! Ang
ating pagiging Kristiyano ay hindi lamang "baptismal certificate." Ito
ay ang matapat na pagsasabuhay ng ating sinasampalatayanan sa
pamamagitan sa pagsunod sa utos at kalooban ng Diyos. Sa panahon ngayon
na nababalot ng materyalismo, komersiyalismo at hedonismo ay hinahamon
tayong mamunga bilang mga Kristiyano. Hindi madali sapagkat ang
pinaiiral ng mundo ay kasarapan at kaginhawaan ng pamumuhay. Ayaw ng
mundo na kahirapan. Ngunit kailangan ang pagtitiis kung nais nating
mamunga. Sabi ng Panginoon: "Pinuputulan at nililinis ang bawat sangang
namumunga." Tanggapin natin ang kahirapan ng buhay bilang pagpuputol at
paglilinis ng Diyos sa atin. Kapalit ng pagtitiis na ito ay ang
masaganang bunga naman para sa ating may pananampalataya. Manatili tayo
kay Jesus. Mamunga tayo ng sagana sa pamamagitan ng mabuting gawa. Ito
ang ang tanging paraan upang tayo ay maging mga "buhay na Kristiyano" na
may kaugnayan kay Kristo! Sa unang pagbasa ay ipinakita sa atin kung paanong ang "paglilinis" kay Pablo ay naging daan upang siya ay "mamunga" at magdala ng maraming tagasunod ni Jesus. Ang kanyang pagkakamali sa nakaraan ay hindi naging hadlang upang maging isa siyang masigasig na apostol ng Panginoon. Kaya nga't ang mamunga para kay Kristo ay pagtawag sa ating lahat na taglay ang pangalang KRISTIYANO.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento