Sabado, Mayo 23, 2015

ANG DIYOS NA FOREVER! : Reflection for the Solemnity of Pentecost Year B - May 24, 2015 - YEAR OF THE POOR

Kapistahan ngayon ng Pagpanaog ng Espiritu Santo o Pentekostes.  May isang "Rabbi" (gurong Hudyo) ang minsang nagsabi: "Naiintindihan ko ang inyong pagtawag sa Diyos bilang "Ama", at kilala rin namin si Jesus na tinatawag ninyong "Diyos Anak", ngunit ang hindi ko talaga maintindihan ay ang "mahiwagang ibon" na tinatawag ninyong Espiritu Santo!"  Totoo nga naman, kahit sa kasalukuyang panahong ito ay marami pa rin, kahit sa ating mga Katoliko, ang kulang ang pang-unawa sa Espiritu Santo kahit lagi natin itong binabanggit sa ating mga panalangin.  Sino nga ba ang Espritu Santo?  Kung ang Diyos Ama ay ang lumikha ng lahat ng bagay at ang Diyos Anak naman ang tumubos sa ating mga kasalanan, ay ano naman ang papel na ginagampanan ng Diyos Espritu Santo sa kasaysayan ng ating kaligtasan?  Kung ako ang tatanungin, ang Espiritu Santo ang nagpapahayag at nagpapatunay na ang pagmamahal sa atin ng Diyos ay may "forever!"  Mayroon bang forever?  Mga taong "bitter" lang ang nagsasabing walang forever!  Para sa ating mga Kristiyano tayo ay nilikha ng Diyos dahil sa pag-ibig. Iniligtas Niya tayo sa ating pagkakasala dahil sa laki ng pagmamahal Niya sa atin.  At patuloy Niya tayong inaalagaan, ginagabayan at pinababanal sa pamamagitan ng pag-ibig na nagmumula sa Banal na Espiritu!  Hindi ba "forever" ang tawag sa ganung uri ng pagmamahal na magpakailanman at magpasawalanghanggan?   Ang Espiritu Santo ang gumagabay at pumapatnubay sa Simbahan mula pa ng ito ay isilang at magpasahanggang ngayon. Kung mahalaga ang kanyang papel na ginagampanan sa ating Simbahan ay lalong ng higit pa sa ating mga Kristiyano.   Ang Espiritu Santo ang nagpapabanal sa atin! Noong tayo ay bininyagan ay napuspos tayo ng Espiritu Santo. Sa Kumpil ay tinanggap naman natin ang kaganapan ng Kanyang mga biyaya hindi sapagkat kulang ito noong tayo ay binyagan kundi sapagkat hindi pa nakahanda ang ating pisikal na katawan noong sanggol pa lamang tayo. Ngayong tayo ay nakapag-iisip na ay nararapat lamang na ipakita natin ang pananahan ng Espiritu Santo sa ating buhay! Gisingin natin ang ating mga tulog na sarili!  Maging mulat tayong lahat na tayo ay ang mga buhay na "Templo ng Espiritu Santo!" Maging mga saksi tayo ng kanyang kapangyarihan sa ating buhay!  Ang "kapayapaan" ang tanda na tayo ay mga taong puspos ng Espiritu Santo. Kapayapaan ang ibinahagi ni Jesus sa kanyang mga alagad noong Siya ay muling mabuhay. Kapayapaan din ang patuloy niyang ibinabahagi sa ating pinananahanan na ng Banal na Espiritu.  Ang Espiritu Santo ay nag-uugnay, hindi naghihiwalay! Kapag may pag-kakaisa.. may pagmamahal.  Patuloy tayong minamahal ng Diyos sapagkat hinahangad Niya ang ating pagkakaisa.  Umasa tayong patuloy na tayong mamahalin at pag-iisahin sapagkat ang Kanyang pagmamahal ay may forever!

Walang komento: