Naniniwala ka bang "walang forever?" Kung isa ka sa mga miyembro ng W.F.T. (Wala Talagang Forever) ay isa ka sa mga taong "bitter"... kasimpait ng ampalaya ang iyong buhay! Ipinagpalit lang ng boyfriend sa iba wala na agad forever... bitter ka lang te! Sa halip na maging bitter dapat siguro mas maging "better" ang ating pagtingin sa buhay... may forever! Lalo na sa ating mga Kristiyano ay dapat maniwala tayong MAY FOREVER! May forever sapagkat ang ating Diyos ay PAG-IBIG tulad ng sabi ni San Juan sa kanyang unang sulat at ang Kanyang pagmamahal sa atin ay... FOREVER! Ito rin ang binigyang diin ni Jesus nang sinabi niyang "Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayon din naman, iniibig ko kayo, manatili kayo sa aking pag-ibig!" Manatili magpakailanman, magpasawalanghanggan... FOREVER! Ano ang katangian ng pag-ibig na ito? Ang unang katangian ng pag-ibig ay ang
kakayahang magsakripisyo alang-alang sa kapakanan ng iba. "Walang
pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang
buhay para sa kanyang mga kaibigan." May isang lugar sa Chicago na ang
tawag ay Oliver Milton's Park. Ito ay ipinangalan sa isang sundalo na
dinapaan ang isang granada upang mailigtas ang kanyang mga kasama sa
tiyak na kamatayan. Ang tunay na nagmamahal ay inuuna ang kapakanan ng
iba bago ang sarili. Nangangahulugan ito ng pagbibigay ng sariling oras,
kakayahan, karunungan, at kahit kayamanan sa mga taong nangangailangan.
Wala sa diksiyonaryo ng taong nagmamahal ang katagang: "Wala akong
pakialam!" Ang ikalawang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang
magmahal sa lahat na walang itinatangi. May kuwento ng isang sundalong
sumulat sa kanyang mga magulang na uuwi na siya at may dadalhin siyang
isang kaibigang sundalo na makikitira sa kanilang bahay. Ipinaliwanag
niya na ang sundalo ay walang dalawang paa sapagkat nasabugan ito ng
landmine sa kasagsagan ng giyera. Ayaw pumayag ng mga magulang at
sinabing wag na lang sapagkat magiging pabigat lamang ang taong ito sa
kanila. Iyon na ang huling pag-uusap nila. Paglipas ng ilang taon
nagkita muli sila sa isang morgue nang mabalitaan nilang namatay ang
kanilang anak sa isang aksidente at gayun na lamang ang pagkagulat nila
ng makitang ang kanilang anak ay walang dalawang paa. Ang pagmamahal na
walang itinatangi ay nangangahulugan ng pagtanggap sa ating kapwa ng
walang kundisyon. Katulad ito ng ipinakita ni Jesus ng nag-alay siya ng
kanyang buhay para sa atin lalo na sa ating mga makasalanan. Hindi Niya
tiningnan ang ating depekto o pagkukulang, maging ang kapangitan bilang
tao dala ng ating patuloy na pagkakasala. Ang kaligtasang ibinigay sa
atin ni Jesus sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang buhay ay para sa
lahat ng tao: ano man ang relihiyon, lahi, kultura, kasarian, pag-uugali
niyang taglay. Dapat ang ating pagmamahal ay gayun din. Kalimitan,
kinasusuklaman natin ang ating kaaway at malambing lamang tayo sa ating
mga kaibigan. Ngunit hindi ito ang gawi ng Panginoon. Ang Panginoon ay
nagpakita ng habag at pagmamahal sa mga taong hindi kaibig-ibig, sa mga
taong makasalanan. Sana tayo rin ay kayang maghanap sa mga taong hindi
nabibigyang pansin, sa mga kapus-palad, sa mga naliligaw ng landas, sa
mga kapos sa pagmamahal. Ito pa rin ang mensaheng nais
niyang iparating sa atin: "Mag-ibigan kayo tulad ng pag-ibig na
ipinakita ko sa inyo!" isang pag-ibig na hindi makasarili, isang
pag-ibig na nakatuon sa lahat, isang pag-ibig na handang mag-alay ng
kanyang sarili para sa kanyang kaibigan. Ito ang pag-ibig na ipinamalas
ng Diyos sa atin at nais niyang ipakita at iparamdam natin sa iba... isang pag-ibig na nagsasabing may FOREVER!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento