Sabado, Hulyo 25, 2015

KRISTIYANONG PABEBE: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year B - Junly 26, 2015 - YEAR OF THE POOR

Hindi ka "in" ngayon kung hindi mo alam ang salitang "pabebe".  Kung hindi mo ito alam ay tingnan mo ang iyong sarili.  Kung ikay ay pa-cute, isa kang pabebe!  Kung ikaw ay maarte, pabebe ka rin.  Kung ikaw ay kulang sa pansin, naghahanap ng atensyon,  gustong laging inuunawa at nilalambing, isa ka ring certified pabebe.  Kung ayaw mong magpatalo, napagsasabihan, pinakikialaman... isa kang tunay na palabang pabebe!  Bakit ba mabilis kumalat ang ganitong pag-uugali?  Marahil ay reaksyon narin ito sa ating kasalukuyang mundong sinusukat ang halaga ng isang tao sa kung anong mayroon siya at ano ang kaya niyang ibigay.  Ibig sabihin, ang mas nabibigyan ng halaga ay ang mga taong may silbi o kuwenta!  Tanggap ka ng mga tao kung ikaw ay maganda, may kaya, sikat, maraming kilala... Ang mga walang maipagmamalaki ay may isang puwedeng gawin upang sila ay mapansin... ang mag PABEBE!  Hindi malayong sumagi rin sa isipan natin na tayo ay walang silbi... walang kuwenta... walang halaga! Sumagi na ba sa isip mo na wala kang kuwenta? Walang silbi?  Sabi ng text na natanggap ko "Kung sa palagay mo ay wala lang silbi ay wag' kang malungkot, may pakinabang ka pa rin. Puwede kang gawing "masamang halimbawa!" hehehe...  Ngunit wag kang malungkot kung sa palagay mo ay wala kang kuwenta.  Huwag kang masiraan ng loob kung sa palagay mo ay wala lang halaga.  Huwag kang magpabebe kung sa palagay mo ay walang pumapansin sa iyo.  Sapagkat kung titingnan natin, ang Diyos ay kumikilos at gumagawa ng kababalaghan sa pamamagitan mga walang silbi at walang kuwenta!  Limang tinapay at dalawang isda... pagkain ng mga mahihirap noong panahon ni Jesus. Walang silbi! Walang kuwenta!  Limang tinapay at dalawang isda na galing sa isang bata.  Ano ba ang bata noong panahon ni Jesus?  Walang karapatan, walang boses sa lipunan, walang silbi!  Walang kuwenta! Limang tinapay at dalawang isda para sa maihigit kumulang na limang libong madla.  Ang Panginoon nga naman... mapagbiro! Sinabihan niya ang mga alagad na paupuin ang mga tao. Sumunod naman sila... kahit marahil nagtataka at nagtatanong kung ano ang gagawin niya. At nangyari nga ang isang himala. Nakakain ang lahat at may labis pa!  Ito naman talaga ang "modus operandi" ng Diyos kapag nais Niyang ipadama sa tao ang Kanyang kapangyarihan. Gumagamit Siya ng maliliit... mahihina... walang kwenta! Upang ipakita na sa Kanya lamang nagmumula ang tunay na kapangyarihan! Kung minsan, nanonood ako ng balita sa telebisyon. Nakikita ko ang paghihirap ng napakaraming tao. Nitong nakaraang mga araw punong-puno ng "bad news" ang kaganapan sa ating paligid. May mga mga taong nabiktima ng karahasan at walang saysay na krimen. May mga taong nasalanta ng bagyo at ibang kalamidad. May mga tao rin akong nakitang namamatay sa gutom dala ng kahirapan. Lagi kong tinatanong ang aking sarili... "anung magagawa ko para sa kanila?" Ako'y isang karaniwang mamamayan lamang, maliit... mahina... walang kwenta!  Tandaan mo ang modus operandi ng Diyos. Isang katulad mo ang paborito Niyang gamitin! Kaya wag ka lang manood sa isang tabi... may magagawa ka! Simulan mo silang isama sa iyong panalangin. Pairalin mo ang pagkukusa sa pagtulong sa mga nangangailanga lalo't ngayon ay Taon ng mga Dukha.  Iwasan mo ang pagiging makasarili at sa halip ay pairalin mo ang pagiging mapagbigay... Tandaan mo tayong lahat ay parang "limang tinapay at dalawang isda"… walang silbi, walang kuwenta ngunit sa kamay ng Diyos ay may malaking magagawa! Makagagawa tayo ng himala!  Kaya nga huwag nating piliing maging "Kristiyanong Pabebe".  Mayroon taoyong magagawa kung atin lamang ilalagay sa tama ang ating kakayahan, kayamanan at angking kabutihan.  Magpapabebe ka pa rin ba? 

Pahabol...
Ngayon ay ang Linggo ng Misyong Pilipino na kung saan ay binibigyan natin ng natatanging atensiyon ang gawaing misyon ng ating mga kapwa Pilipinong misyonero. Sa kabila ng ating pagiging maralitang bansa ay apaw biyaya naman tayo sa ating pananampalatayang Kristiyano kayat nararapat lamang na ibahagi natin ito sa mga taong nangangailangan pa ng liwanag ni Kristo! Ngunit dahil sa pagkasadlak natin sa kahirapan kung minsan ay nadarama natin ang pagiging hikahos sa buhay at natatanong tuloy natin ang ating sarili kung mayroon ba tayong maibabahagi sa iba.Mayroon.  Una, ipagdasal ang ating mga misyonero. Pangalawa, gumawa ng maliit na kabutihan sa ating kapwang nangangailangan.  Pangatlo, tumulong sa pinansiyal na pangangailangan ng mga gawaing misyon ng Simbahan. 

Sabado, Hulyo 18, 2015

MALASAKIT NA PAGLILINGKOD (Reposted & Revised) : Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year B - July 19, 2015 - YEAR OF THE POOR

Ayon sa paniniwala nating mga Kristiyano ay may tatlong "lugar" tayong pinupuntahan kapag tayo ay nasa kabilang buhay na. Langit ang gantimpala para sa mga taong nagsumikap na maging mabuti at di nagpabaya sa kanilang tungkulin bilang Kristiyano. Purgatoryo naman ang katapat ng mga taong may pagkukulang pang dapat pagbayaran dahil sa kanilang kahinaan at maraming pagkakamaling nagawa noong sila'y nabubuhay pa bagama't nasa puso pa rin nila ang pagmamahal sa Diyos. At impiyerno naman ang naghihintay sa mga taong nagpabaya sa kanilang buhay at piniling mamuhay sa kasamaan at hayagang itinatatwa ang Diyos sa kanilang pamumuhay. Sinasabing sa kabilang buhay daw ay maraming sorpresang naghihintay! May kuwento na minsan daw ay nakita ng isang kaluluwa ang kanyang sarili sa purgatoryo. Laking pagkagulat niya ng makita niya ang kanyang "parish priest" na naroroon din. Tinawag niya ang pansin nito halos pasigaw na binati "Hello Father! Dito ka rin pala napunta! Akala ko pa naman ay naroon ka na sa itaas! Kung sabagay, marami kang pagkukulang sa amin at hindi namin naramdaman ang malasakit mo bilang mabuting pastol! Gaano ka na katagal dito Padre?" "Shhhhhhh... wag kang masyadong maingay! Babaan mo ang volume ng boses mo" pabulong na sabi ng pari. "Baka magising yung mga obispong natutulog sa ibaba!" hehehe... (kuwento lang po ito at hindi naman patungkol sa ating mga obispo!)  Talagang ang kabilang buhay ay "full of surprises!" Walang makapagsasabi kung sino naroon sa itaas, sa ibaba o sa gitna! Hindi sapagkat namumuno ka ay automatic ang kalalagyan mo sa itaas. Malinaw ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias: "Parurusahan ng Panginoon ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito’y mangalat at mamatay." (Jer 23:1) Bilang isang mabuting pastol ay alam ng Panginoon ang malasakit na dapat na taglay ng isang namumuno sa kanyang nasasakupan. Ang malasakit na ito ang ipinakita ni Jesus sa kanyang mga alagad at sa mga taong kanyang nakakasalamuha araw-araw. Nang makita ni Jesus ang kapaguran ng mga alagad ay hinikayat Niya silang pumunta sa isang ilang na pook at magpahinga ng kaunti. Nang makita ni Jesus ang napakaraming taong naghihintay sa kanila sa pampang ay nahabag Siya sa kanila. "...nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol!" (Mk. 6:34} At sila ay tinuruan Niya sa kabila ng kanyang kapaguran at kawalan ng pahinga. Ito ang katangian ni Jesus na dapat ay taglayin din natin bilang kanyang mga alagad. Hindi lang naman ito para sa mga pari na kanyang hinirang para maging mabuting pastol. Sinabi natin noong nakaraan na kahit na ang mga layko ay tinatawag ng Diyos sa paglilingkod. Ang pagpapakita ng malasakit sa iba, lalong-lalo na sa mga nangangailan ay para sa lahat ng Kristiyano. Ipinapakita natin ito kapag nagbibigay tayo ng panahon at oras para sa kanila. Mga magulang, may oras ba kayong inilaan para sa inyong mga anak? Ang pagtratrabaho n'yo ba ay pagpapakita ng malasakit sa kanila o baka naman nagiging dahilan pa nga ito ng paglayo ng loob nila sa inyo? Ngunit hindi lamang ang magulang ang dapat magpakita ng malasakit, dapat ang mga anak din ay nagpapakita nito sa kanilang magulang. Mga kabataan, ilang oras ba ang ibinibigay mo sa iyong pamilya? Baka naman mas marami pang oras ang inilaan mo sa barkada o sa mga kaibigan mo kaysa sa kanila? Baka naman sinasayang mo ang perang ibinibigay ng magulang mo na bunga ng kanilang pawis at pagod at nagpapabaya ka sa pag-aaral? At sa mga katulad naman naming naatasang mamuno sa mas maraming "kawan" ay malaki ang inaasahan ng Panginoon. Ang katapatan sa aming bokasyon bilang mga pari at masipag na pagtupad ng aming tungkulin ang maari naman naming ibigay sa Panginoon bilang pagtulad sa Kanyang mapagpastol na pagmamahal. Ang Panginoon ay nag-aanyaya sa atin tungo sa isang mapagmalasakit na pagmamahal at paglilingkod. At ngayong Taon ng mga Dukha ay may natatangi tayong dapat ipakita at ipadama sa ating mga kapatid na lubos na nangangailangan at mga isinantabi ng lipunan.  Ipinakita ni Jesus ang halimbawa sa atin at inaasahan naman Niya ang ating pagsunod. Kung maisasakatuparan lamang sana natin ito ng tapat ay wala na tayong sorpresang makikita pa sa langit! Lahat tayo ay nasa itaas at masayang kapiling ang Diyos.

Sabado, Hulyo 11, 2015

ISINUGO SA MUNDO : Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year B - July 12, 2015 - YEAR OF THE POOR

May kasabihan tayong "ang utos ng hari hindi mababali!"  Totoo din daw ito sa Simbahan:  "Ang utos ng PARI HINDI MABABALI!"  Ngunit ito ay makaluma ng pananaw. Ito ang paniniwala ng "Makalumang Simbahan".  Ngayon, iba na ang kalakaran. Husgahan ninyo ang kuwentong ito: 
"Tatlong magkakaibigang pari ang masayang nag-uusap at pinagkukwentuhan nila ang kanilang mga tatanga-tangang sakristan. Sabi ng isa: "Naku, kung patangahan lang ng sakristan eh wala ng tatalo sa sakristan ko! Gusto n'yo ng sample?" Tinawag niya ang sakristan at sinabi "Manong, ito ang isandaang piso, Ibili mo ako ng kotse ha? Gusto ko yung sports car na kulay pula!" Agad-agad namang sumunod ito. Nagtawanan sila at di naman nagpatalo ang isa. Tinawag din ang kanyang sakristan at inutusan. "Iho, ito ang sampung piso. Pumunta ka nga sa Hongkong at ibili mo ako ng masarap na Hongkong fried noodles!" Agad-agad ding tumalima ito. Tawanan na naman ang tatlo ngunit biglang yabang na sinabi ng pangatlong pari: "Ano ba yang mga sakristan niyo? Hindi nag-iisip? Tingnan n'yo itong sakristan ko at sabay tawag sa kanya. "Iho, pumunta ka nga sa labas at tingnan mo kung naroroon ako!" Tumalikod ang sakristan at natigilan. Sa wakas mayroon isang nag-iisip and sa loob-loob nila. "Padre", sabi niya, "may ipapasabi ba kayo sa inyong sarili?" Malakas na tawanan ang sumunod. Ang hindi alam ng tatlong pari ay nagkitakita pala sa labas ang tatlo nilang sakristan. Sabi ng isa: "Ang tanga-tanga talaga ng pari namin. Biruin mo, binigyan ako ng isandaan piso para bumuli ng kotseng sports car? Eh ni manibela di kasya ito!" "Ay mas tanga, ang pari namin, binigyan ako ng isandaan piso para pumunta sa Hongkong eh Divisoria lang eh kulang ito sa pagbalik!" "Ay wala yan sa pari namin, pinapahanap ba naman ang sarili niya sa labas eh magkausap kami!" hehehe. Datirati, sa LUMANG SIMBAHAN,  ang mga pari ang "hari" at ang utos nila ay ang dapat masusunod, makatwiran man ito o hindi. Ang laiko, mga karaniwang Kristiyano, ay parang hindi nag-iisip na sunod-sunuran lamang . Kasi nga naman, kapag binanggit ang katagang "alagad ng Diyos", agad-agad ang nasaisip ng tao ay ang mga paring nangangaral sa pulpito ng simbahan. Parang sila lang ang may tungkulin at karapatang ipahayag ang Mabuting Balita ni Kristo. Ngunit taliwas ito sa kalooban at plano ng Diyos. Sa MAKABAGONG SIMBAHAN, ang pagpapahayag ng Mabuting Balita ng kaligtasan ay misyon na hindi lamang iniatang sa mga pari. Sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag, ang lahat ng Kristiyano ay nagkararoon ng misyong maging tagapagdala ng Ebanghelyo. Paano ito isinasagawa ng isang laiko? Bukod sa gawaing pangangaral, na kakaunti lamang ang napagkalooban ng ganitong kakayahan, ang bawat isa ay tinatawag na mangaral sa pamamagitan ng pagiging tapat na saksi ng kanilang buhay Kristiyano. Sa papaanong paraan? Ito ang turo ng Simbahan: "... ang kanilang MABUTING GAWA, ay may kapangyarihang makaakit ng tao upang maniwala at mapalapit sa Diyos." (Vatican II Decree on the Laity, 6) Kaya nga't ano man ang katayuan mo sa buhay, bata ka man o matanda, may kaya man o wala, nakatalaga man sa Diyos o hindi, ang paggawa ng mabuti ay dapat isapuso ng bawat isa. Matuto tayong magpasaya ng ating kapwa. Nagiging makabuluhan ang ating buhay kung nakapagbibigay tayo ng kaligayahan sa iba. Para tayong mga kandila na may katuturan lamang kung nasisindihan at nakapagbibigay ng liwanag! Nakapagbigay ka na ba ng liwanag ng kasiyahan sa iyong pamilya? Baka naman sanhi ka pa ng di pagkakasundo o kaguluhan sa kanila? Nakapagbibigay ka ba ng liwanag ng kapayapaan sa iyong trabaho o paaralan? Baka naman sa iyo nagmumula ang inggitan at alitan? Ito ang ibig sabihin ng pagiging alagad ni Kristo: ang maging kamay ng pag-ibig ng Diyos para ibang tao.  Tayong lahat, bilang isang Simbahan, ay itinalaga at isinugo ni Kristo na maging alagad Niya sa buong mundo. 

Sabado, Hulyo 4, 2015

PROPETANG SIMBAHAN: Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year B - July 5, 2015 - YEAR OF THE POOR

Ayaw na ayaw nating makarinig ng "badnews."  Sino nga ba naman ang may gusto nito?  Kaya nga sa misa ang pinahahayag ay ang "Mabuting Balita" o "Ebanghelyo" ng Panginoon.  Sa ating buhay mas katanggap-tanggap ang mabuting balita kaysa masamang balita.  "Isang mister ang nagsabi sa misis niya, na kapag-uuwi siya ng bahay ay huwag na siyang sasabihan ng "badnews" o anumang problema.  Isang araw, pagpasok ni mister ng bahay, sinabi niya kaagd sa kanyang misis, "Ohh, 'yung pinag-usapan natin, walang sasabihing bad news sa akin. Pagod na ako sa maghapong trabaho." "Alam ko. Walang badnews" sagot ng misis. "Di ba apat yung anak natin? Tatlo sa kanila ay walang pilay!" pagbabalita ni misis."  Ang mga propeta sa Bibliya ay tagapagdala ng mensahe ng Diyos sa mga tao.  Marami sa kanila ay hindi tinanggap ng kanilang mga kababayan sapagkat ang kanilang dala-dalang mensahe ay lagi nilang itinuturing na "badnews" para sa kanila.  Ito ang pagtawag na tinaggap ni Propeta Ezekiel sa unang pagbasa.  "Tao, susuguin kita sa Israel, sa bansang suwail. Pagkat mula sa kanilang ninuno naghihimagsik na sila sa akin hanggang ngayon.  Matigas ang kanilang ulo at walang pitagan!"  Ngunit gayon pa man ay patuloy pa rin ang mga propeta sa pagtupad ng kanilang misyon. Ito rin ang paniniwala ni Jesus bago pa siya mangaral sa kanyang mga kababayan: "Ang propeta'y iginagalang ng lahat, liban lamang sa kanyang mga kababayan, mga kamag-anak at kasambahay."  At narinig nga natin na hindi siya kinilala ng kanyang mga kababayan.  Magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga propeta sa kanilang tungkulin na ipahayag ang kalooban ng Diyos.  Ang Simbahan ay may taglay na tungkuling magpahayag ng katotohanan sapagkat taglay nito ang pagiging isang propeta.  Sa katunayan ang bawat isa sa atin ay tinanggap ang misyon ng pagiging propeta noong tayo ay bininyagan.  Pagkatapos nating mabuhusan ng tubig sa ating ulo tayo ay pinahiran ng langis o "krisma".  Nangangahulugan ito ng pagtanggap natin ng misyon na maging pari, hari at propeta katulad ni Jesus.  Ibig sabihin, tayong lahat ay dapat na maging tagapagpahayag ng katotohanan ayon sa turo ni Jesus.  Hindi lang ito gawain ng mga obispo, pari , mga relihiyoso o relihiyosa.  Isang magandang napapanahon na halimbawa ay ang paglabas ng balita na sa Amerika y pinayagan na ang "same sex marriage".  Ano ba ang pananaw ng isang Kristiyano dito?  May mga ilan-ilan na kilala ko na nakita kong nagpalit ng kanilang profile picture sa Facebook bilang pakikiisa at pagsang-ayon dito.  Ngunit hindi sang-ayon dito ang Simbahan sapagkat hindi ito ang turo ni Jesus.  Sa simula pa lamang ang kasal ay para lamang sa isang lalaki at isang babae ayon sa plano ng Diyos. Sa katunayan ay isang karumal-dumal na kasalanan ang pagtatalik ng lalaki sa kapwa lalaki at babae sa kapwa babae. Ito ang isa mga kadahilan kung bakit pinarusahan ni Yahweh ang Sodom at Gomorah!  Ngunit may ilan pa rin ngayong nagsusulong na gawin itong legal kahit na batid nilang ito ay immoral.  Bilang isang "Propetang Simbahan" ay dapat na tahasan natin itong tinututulan at hindi sinasang-ayunan.  Hindi ibig sabihin na "outcast" ang tingin natin sa mga kapatid nating "homosexual".  Ang Simbahan ay malugod na tumtanggap sa lahat anuman ang iyong kasarian.  Kahit nga ang isang kriminal ay "welcome" sa atin.  Ngunit ang mga imoral at masamang ginagawa ay hindi kailanman sinasang-ayunan ng Simbahan.  Mahal ng Diyos ang mga makasalanan ngunit hindi ang kasalanan!  At ang Simbahang itinatag ni Kristo ay magpapatuloy na magmamahal sa kanila. Ang hindi pagsang-ayon ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng pagmamahal ngunit sa halip ito ay nagpapaalala ng pagtatama ng kanilang kamalian at pagbabalik-loob sa Diyos.  Huwag sanang masaktan ang mga taong iba ang kanilang paniniwala sapagkat bahagi ito ng pagiging propeta nating lahat bilang isang Simbahan.  Hindi tayo badnews para sa iba.  Ang Kristiyano ay dapat laging "GOODNEWS!"  Tandaan mo na ikaw, tulad ni Kristo, ay isang PROPETA.