Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 25, 2016
MATA SA MATA, NGIPIN SA NGIPIN : Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year C - June 26, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
"Huwag kang papatay!" Ito ang sinasabi ng ika-limang na utos. Hindi kinakailangang maging Kristiyano upang malaman nating MALI ang pumatay. Ang ating budhi mismo, anuman ang relihiyong kinabibilangan mo, ay parating bumubulong sa ating igalang ang buhay ng ating kapwa. Nitong nakaraang mga araw, nagpalabas ng pangamba ang Simbahan sa mga sunod-sunod na pagpatay sa mga tinatawag nating "anay ng lipunan." Totoo, galit tayo sa mga kriminal, sa mga rapist, sa mga nagtutulak at gumagamit ng droga. Gusto natin nang isang ligtas at tahimik na lipunan para sa ating mga anak at susunod na henerasyon. Ngunit dapat bang pumatay para makamit ito? Ito na lamang ba ang nalalabing solusyon para mabago ang sinasabi nating magulong mundo? Tama bang gumamit ng dahas upang makamit ang kaayusan at kapayapaan? Si Don Bosco ay may isang natatanging panaginip noong siya ay siyam na taong gulang. Nakita niya ang kanyang sarili sa gitna ng maraming kabataang nagmumura, nag-aaway at magugulo. Pinilit niyang pangaralan sila ngunit lalo lang gumulo ang sitwasyon. Sa huli ginamit niya ang laki ng kanyang pangangatawan at ginamitan ng dahas ang mga batang iyon. Isang taong nagnininingning sa kaputian ang lumabas at nagsalita sa kanya: "Hindi sa pamamagitan ng dahas, kundi sa pagiging mabuti ay mababago mo angmga kabataang 'yan!" Sa Ebanghelyo ngayon, narinig natin ang alagad na sina Santiago at Juan na ipinamanhik kay Jesus na puksain na ang mga Samaritano dahil sa hindi pagtanggap sa kanila dahil "patungo sila ng Jerusalem", ibig sabihin dahil sa sila ay mga Hudyo. (Ang mga Hudyo ay mortal na kalaban ng mga Samaritano.) Pinagsabihan sila ni Jesus. Hindi siya sang-ayon na pairalin ang dahas upang sila ay makaganti. May kasabihang, "Mata sa mata. Ngipin sa ngipin!" Ibig sabihin ibalik mo ang kasamaang ginawa sa iyo ng isang tao bilang paghihiganti. Ngunit may magandang sinabi si Mahatma Gandhi tungkol dito. "An eye for an eye will make the world blind!" At kung ako naman magdurugtong, ang "ngipin sa ngipin" ay magluluwal sa isang mundo ng mga taong bungal at bungi! Hindi sagot ang pagpatay upang matigil ang kasamaan sa mundo. At lalo ring hindi sagot ang pagpatay upang gumanti sa ngalan ng katarungan! Marahil mahirap itong tanggapin ng mga naging biktima ng karahasan. Ang "death penalty" kung titingnan natin ay hindi naman talaga isinusulong upang mahinto ang krimen kundi upang makaganti. MALI ang ganitong pag-iisip. Wala itong patutunguhan sapagkat magpapatuloy lamang ang ganitong masamang pamamaraan, ang pagpatay at paikot-ikot lamang itong magdudulot ng karahasan. Ang tawag natin dito ay "cycle of violence". Kaya nga sa mga sibilisadong bansa ay tinatanggal na ang "death penalty". Dito naman sa atin ay pilit itong ibinabalik. Binabalik hindi upang ihinto ang krimen. Binabalik upang makapaghiganti. Nakakalungkot na kinakailangan nating kumitil ng buhay upang maging mapayapa ang ating kalooban. Ano ang alternatibong maaring gawin ng isang Kristiyano sa harap ng ganitong krisis? Ano ang Kristiyanong sagot sa "kultura ng kamatayan" na pilit na ipinapasok sa ating mundo? Ang sagot natin: KABUTIHAN. Ito ang sinabi ni Jesus kay Don Bosco sa kanyang panaginip: "Hindi sa pamamgitan ng dahas kundi ng kabutihan, mababago mo ang batang ito..." Ito rin ang sinasabi sa atin ng Panginoon. Suklian mo ng kabutihan ang kasamaang ibinibigay sa iyo ng mundo. Kung nais nating magkaroon ng tunay na pagbabago ay magtatag tayo ng sibilisasyon ng buhay at pag-ibig. Hindi nito isinasantabi ang pagbibigay at pagpapairal ng katarungan. Ang nakagawa ng mali ay dapat managot sa batas! Ngunit hindi kinakailangang pairalin ang kultura ng paghihiganti upang makamit ito. Ngayong "Taon ng Awa" ay pagnilayan natin ang mga pahayag ni Pope Francis sa isinagawang 6th World Congress Against Death Penalty sa France noong June 21, 2016: “It (death penalty) does not render justice to victims, but instead fosters vengeance. The commandment ‘Thou shalt not kill’ has absolute value and applies both to the innocent and to the guilty,” (Pope Francis)
Sabado, Hunyo 18, 2016
SINO ANG AKING DIYOS? : Reflection for the 12th Sunday in Ordinary Time Year C - June 19, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Sa aming pilgrimage tour sa Italy, hindi lang mga naglalakihang simbahan ang aming pinuntahan. Nakita rin namin ang mga templong orihinal na ginawa para sa pagsamba ng mga pagano na kinalaunan ay ginawa ring simbahan ng mga Katoliko. Isa na rito ang tinatawag nilang "Pantheon" na ngayon ay pag-aari na ng estado at hindi ng Simbahang Katoliko. Ginawa ito marahil noong 27 BC to 14 AD at natapos noong 126 AD. Ngunit nang maging Kristiyano ang Roma ito ay itinalaga kay Santa Maria at mga Martir noong May 13, 609 AD. Ang salitang Pantheon ay Latin na hango sa Griego na nangangahulugang: "temple of every God". Hindi makakaila na laganap pa ang pagsamba sa mga diyos-diyosan ng mga panahong iyon. Ang pagsamba sa mga diyos-diyosan ay tinatawag natin "idolatry." Marahil ay kakaunti na lamang ang sumasamba sa mga diyos-diyosan. Marami sa atin ay sumasamba at kumikilala sa tunay na Diyos! Ngunit aminin natin, marami sa atin ay mali ang pagsamba at pagkilala sa ating Diyos. Marami sa atin, ang Diyos ay parang "fire extinguisher" na nilalapitan lamang kapag may sunog. Para sa iba ang Diyos ay parang "security guard" na laging nagbabantay at nagmamanman sa ating ikinikilos. At para sa iba naman ang Diyos ay parang "accountant" na naglilista ng mga "debit" at "credit" ng ating buhay. At para rin sa iba ang Diyos ay parang "flower vase" pandekosrasyon lamang sa ating buhay kristiyano; magandang mapuna na tayo ay palasimba, paladasal at "taong-simbahan" sa mata ng mga tao ngunit wala naman talagang halaga ang Diyos sa ating buhay! Marahil marami pa tayong paglalarawang maaring gamitin tungkol sa Diyos ngunit kung ating titingnan ay dalawa lang naman talaga ang maaring pagtingin natin sa Diyos: na Siya ay Diyos ng kaginhawaan o kaya naman ay Siya ang Diyos ng kahirapan. Walang masama sa pag-aasam na guminhawa ang ating buhay ngunit hindi lang naman ito ang katotohanan. Sa katunayan ay mas marami ang mga kahirapang ating nararanasan kumpara sa kaginhawaan sa ating buhay. Huwag tayong magtaka sapagkat ito ang kundisyong inilatag ni Jesus sa atin kung nais nating sumunod sa Kanya: “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Sino ba si Jesus para sa iyo? Katulad ng pagtatanong ni Jesus sa kanyang mga alagad, ito rin ang katanungang ipinupukol Niya sa atin. Madaling sabihing si Jesus ay Diyos para sa atin katulad ng sagot ni Pedro. Ngunit ang tanong uli ay: "Anong uring Diyos si Jesus para sa iyo?" Mahalaga ang kasagutan sa tanong na ito sapagkat ito ang magdidikta kung anung uring kristiyano tayo sa pang-araw-araw nating buhay. Marami sa atin, ang Diyos ay parang "fire extinguisher" na nilalapitan lamang kapag may sunog. Para sa iba ang Diyos ay parang "security guard" na laging nagbabantay at nagmamanman sa ating ikinikilos. At para sa iba naman ang Diyos ay parang "accountant" na naglilista ng mga "debit" at "credit" ng ating buhay. At para rin sa iba ang Diyos ay parang "flower vase" pandekosrasyon lamang sa ating buhay kristiyano; magandang mapuna na tayo ay palasimba, paladasal at "taong-simbahan" sa mata ng mga tao ngunit wala naman talagang halaga ang Diyos sa ating buhay! Marahil marami pa tayong paglalarawang maaring gamitin tungkol sa Diyos ngunit kung ating titingnan ay dalawa lang naman talaga ang maaring pagtingin natin sa Diyos: na Siya ay Diyos ng kaginhawaan o kaya naman ay Siya ang Diyos ng kahirapan. Walang masama sa pag-aasam na guminhawa ang ating buhay ngunit hindi lang naman ito ang katotohanan. Sa katunayan ay mas marami ang mga kahirapang ating nararanasan kumpara sa kaginhawaan sa ating buhay. Huwag tayong magtaka sapagkat ito ang kundisyong inilatag ni Jesus sa atin kung nais nating sumunod sa Kanya: “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin." Ang daan ni Jesus ay ang daan ng krus na dapat din nating tahakin bilang kanyang mga tagasunod. May kuwento ng isang lalaki na naginip na naglalakad sa langit na may pasang krus. Nakita niyang marami rin syang kasabay na nagbubuhat ng kanilang mga krus. Napansin n'yang habang tumatagal ay bumibigat ang kanyang krus kaya't hiniling niya sa Diyos kung maaring putulan ang kanyang krus. Pumayag naman ang Diyos ay binigyan siya ng lagare upang bawasan ang haba ng kanyang krus. Kaya ang sumunod na paglalakad ay naging madali sa kanya. Hanggang sa umabot sila sa dulo ng isang bangin. "Panginoon, paano ko matatawid ang bangin na yan?" Sumagot ang Diyos,"gamitin mo ang dala-dala mong krus. Ilatag mo sapagkat eksakto yang ginawa para makaabot ka sa kabila ng bangin." Nalungkot ang lalaki sapagkat, pinutol niya ang kanyang krus. Kailanman ay hindi na siya makakatawid sa bangin. Marami sa atin ang mahilig "putulin" ang ating mga krus. Mahilig tayo sa "shorcuts". Ayaw nating maghirap. Ngunit hindi natin maaring iwasan ito. Araw-araw tayo ay may binubuhat tayong mga krus sa ating buhay. Ang mga problema sa ating pamilya, sa ating trabaho, sa ating pag-aaral ay ang mga krus na dapat nating pasanin araw-araw ng may pagmamahal. Hindi magbibigay ang Diyos ng krus na hindi natin kayang pasanin. Siya na nagbigay ng ating mga pasanin ay Siya ring magbibigay sa atin ng lakas upang ito ay balikatin sapagkat "sa ating kahinaan... ang Diyos ang ating kalakasan!" Ang tanong ni Jesus sa kanyang mga alagad ay tanong niya rin sa ating lahat na dapat nating sagutin: "Sino ako para sa inyo?" Sino nga ba si Jesus para sa atin? Ang kasagutan sa tanong na iyan ay magsasabi kung anung uri tayo na kanyang mga tagasunod.
Sabado, Hunyo 11, 2016
KAPATAWARAN AT KALAYAAN: Reflection for 11th Sunday in Ordinary Time Year C - June 12, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Ngayon ang araw ng ating kasarinlan na tinatawag din nating "Araw ng Kalayaan". Isa marahil sa mithiin ng isang tao ay ang maging malaya! May kuwento ng isang paring nagdiwang ng misa para sa isang mag-asawang nagdiriwang ng kanilang "Golden Wedding Anniversary". Napansin ng pari na habang dinaraos ang misa ay walang sandaling hindi naluluha ang matandang lalaki kaya't pagkatapos ng misa ay kinausap niya ito at binati. "Lolo, napansin ko na halos buong misa ay naluluha kayo. Siguro 'yan ay luha ng kagalakan dahil umabot ng limampung taon ang inyong pagsasama!" Sumagot ang matanda, "Naku Padre, hindi luha ng kagalakan yun kundi luha ng panghihinayang. Kasi habang nagmimisa ay naalala ko yung araw bago ko siya pakasalan. Tinakot ako ng tatay ng asawa ko at ang sabi ba naman: 'Pakasalan mo ang anak ko! Kung hindi ay ipakukulong kit ng limampung taon!' Padre, sana pala sinuway ko s'ya at MALAYA na ako ngayon!" Lahat tayo ay nagnanais na maging malaya. Ayaw natin ng pagkakaalipin. Kahit sa ating buhay espirituwal, nais nating mapalaya sa mga masasamang hilig, sa masasamang gawain, sa masamang pamumuhay. Kaya nga kahit sa ating pagpapahayag ng pananampalataya ay isinasama natin ang katotohanang ito: "Sumasampalataya ako... sa kapatawaran ng mga kasalanan!" Ano ba ang ibig sabihin nito? Kailan ba ito nangyayari? Nagkakaroon ng kapatawaran ng kasalanan kung nagtatagpo ang dalawang ito: ang pagtubos ni Jesus at ang pagsisisi natin. Nangyari na ang pagtubos ni Jesus nang ialay niya ang kanyang buhay sa krus. Ngunit ang pag-aalay na ito ay mawawalang saysay kung tayong mga taong pinag-alayan nito ay hindi magsisisi sa ating mga kasalanan. Ang pagsisisi ay ang pagbabalik ng ating pagmamahal sa Diyos na tinalikdan natin o binalewala natin noong tayo ay nagkasala. Sa Ebanghelyo ay nakita natin ang laki ng pagmamahal ng babaeng makasalanan at kung papaano niya ito ipinadama kay Jesus. Sa kabila ng pangungutya ng mga tao ay lumapit pa rin siya kay Jesus. Binuhusan nya ng mamahaling pabango ang paa ni Jesus, walang tigil na hinalikan ito habang pinahpahiran ng kanyang buhok. Kahit nililibak na siya at marahil ay nialayuan ng iba, patuloy pa rin ang kanyang pag-ibig at pagpapakita ng pagsisisi. Kaya nga't nasabi ni Jesus na "Pinatawad na ang iyong mga kasalanan." Ngayong "Taon ng Awa" nawa ay maipahayag din natin sa Panginoon ang laki ng ating pagmamahal sa kanya sa pamamagitan ng pagsisisi sa ating mga kasalanan. Kung minsan may mga pilosopong kritiyano na nagsasabing, wala naman akong dapat ikumpisal sapagkat hindi naman ako nakagagawa ng malalaking kasalanan. Marahil totoo ngang hindi tayo nakagagawa ng malalaking kasalanan ngunit dapat din tayong maging maingat sapagkat kahit ang mga maliiit na kasalanan, kung ito ay ating hinahayaan at hindi pinagsisisihan, ay maaring magdala sa atin sa pagkaalipin sa masasamang pag-uugali at dahil dito ay ikapapahamak din ng ating kaluluwa. Ang Sakramento ng Kumpisal ay nagsisilbi pa rin sa atin bilang tanda na may maawain at mapagpatawad na Diyos na laging handang tumanggap sa ating pagbabalik-loob. Magpakumbaba tayo tulad ng babaeng makasalanan at "tangisan" natin ang ating mga kasalanan ng buong pagmamahal. Ang kapatawarang nagmumula kay Jesus ang tanging makapagpapalaya sa atin sa pagkakaalipin sa kasalanan. Napakasarap marinig kay Jesus ang mga pananalitang... “Ipinatawad na
ang iyong mga kasalanan... Iniligtas ka ng iyong pananalig;
yumaon ka na’t ipanatag mo ang
iyong kalooban.”
Sabado, Hunyo 4, 2016
ANG MABUHAY NA BUHAY! : Reflection for 10th Sunday in Ordinary Time Year C - June 5, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY & YEAR OF THE EUCHARIST AND FAMILY
Nagkaroon ako ng pagkakataon upang makapagpilgrimage tour sa bansang Italia nitong nakaraang dalawang linggo lamang. Marami kaming napuntahang lugar tulad ng mga naglalakihan at naggagandahang simbahan na pinag-ugatan ng ating pananampalataya. Ngunit isa sa mga lugar na pinuntahan namin na hindi ko makakalimutan ay ang "catacombs". Ito ay mga libingan at lugar na pinagtitipunan ng mga unang Kristiyano noong panahon ng pag-uusig. Dito sila nagdaraos ng sama-samang panalangin ng patago upang hindi sila mahuli ng mga Romano. Tunay ngang "Underground Church" silang maituturing sapagkat literal silang nagtitipon sa ilalim ng lupa! Dahil dito ay napangalagaan. lumakas at lumago ang ating pananampalataya. Sa aking pagninilay, habang idinaraos namin ang Santa Misa sa isa sa mga kuweba ng catacombs, ay napagtanto ko na higit pa sa libingan ang mga catacombs. Ito ay ang mga "saksi sa pananampalataya ng mga unang Kristiyano sa Diyos na buhay!" Ito ang nagbigay sa kanila ng pag-asa na manatiling matatag at umasa sa pagliligtas ng Diyos sa kabila ng kahirapan at kamatayan na kasalukuyan nilang nararanasan. Ang mga catacombs ay saksi na ang ating Diyos ay "Diyos ng mga buhay at hindi ng mga patay!" Ito ang pinahihiwatig ng ating mga pagbasa ngayon. Ang unang pagbasa ay tungkol sa ginawang pagbuhay ni Propeta Elias sa anak ng isang babaeng balo. Ang Ebanghelyo naman ay ang pagbuhay ni Jesus sa anak na binata ng isang babaeng taga Nain. Nais ng Diyos na tayo ay "mabuhay na buhay!" Lalo na sa ating panahon ngayon na unti-unting binabalot ang mundo ng "kultura ng kamatayan" ay ninanais ng Diyos na mapagtagumpayan natin ang kamatayang dulot ng pagkawala ng tinatawag natin sa ingles na "sense of sin". Sapagkat aminin natin na kung minsan o marahil kalimitan ay nagkakakalyo na ang ating budhi sa mga gawaing masama at hindi na natin nakikita na ito pala ay kasalanan at nilalabag na natin ang kalooban ng Diyos. Para sa iba ay karaniwan na lamang ang pagmumura, pagsisinungaling, pagnanakaw... pagpatay! Kaya nga ang hamon sa atin ay gisingin natin ang ating natutulog na budhi at muli nating makita na hindi nagiging tama ang isang bagay na mali sapagkat ginagawa ito ng nakararami. Ang pagtuturo sa ating konsiyensiya upang manatiling matuwid ay dapat marahil nating pinaiiral. Ang pagsunod sa samung utos ng Diyos ay nananatili pa ring praktikal na sukatan kung tunay ngang nabubuhay tayo sa kalooban ng Panginoon. Ito ang magbibigay sa atin ng kaganapan ng buhay at ito rin ang nais ng Diyos na makamit natin. Ang "mabuhay na buhay" ay pagtawag ng Diyos sa ating lahat. Sapagkat kung tayo ay nabubuhay na matuwid ang Diyos ay patuloy nating pinapupurihan. "The glory of God is man fully alive!" (San Ireneo)
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)