Sabado, Hulyo 27, 2019

MAKULIT NA PANALANGIN: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year C - July 28, 2019 - Year of the Youth

Isa sa mga ibinabato sa ating mga Katoliko ng ibang sekta ay ang atin daw na "paulit-ulit na dasal."  Anung masasabi mo? Masama ba ang paulit-ulit na paghingi sa Diyos?  Masama ba ng kulitin natin Siya sa ating panalangin?  May kuwento ng  isang pulis na nakahuli ng smuggler habang ito ay nagpupuslit ng mga imported na damit.  "Sir, baka puwede naman po nating pag-usapan ito.  Magbibigay na lang po kami ng regalo sa inyo, ok na ba ang Php 1,000" alok ng smuggler.  "Hindi ako tumatanggap ng lagay! tutol ng pulis.  "Sige na po, gagawin ko nang Php 5,000, ok na ba sa inyo?"  panunuyo ng smuggler.  "Ano ba? Sinabi di ako nasusuhulan eh!" tanggi ng pulis.  "Wag na kayong magalit, Php 10,000 ang ibibigay namin," huling alok ng smuggler.  Biglang bumunot ng baril ang pulis, itinutok sa smuggler, at saka sinabi, "Talaga bang hindi mo ako titigilan? Malapt na akong bumigauy.  Sige, makakaalis na kayo, iwan n'yo lang 'yung regalo ko d'yan sa ilalim ng mesa."  Ito ang uri ng paulit-ulit na masama! Ang ayaw ni Jesus ay hindi ang paulit-ulit na dasal kundi ang pangangalakal sa dasal, ang maniwala na makukuha natin ang ating dinadasal dahil sa dami ng paulit-ulit na dasal na ating ginagawa!  Tandaan natin na hindi natin "mabibili" ang Diyos sa dami ng ating dasal! Hindi siya katulad ng pulis sa ating kuwento na napapalambot ng panunuhol.  Ngunit ang dasal na paulit-ulit ay maaring maging tanda ng walang sawang pananalig, ito ang uri ng pangungulit na gusto ng Diyos at ang tinutugon Niya.  Sa unang pagbasa ay makikita nating paulit-ulit si Abraham ng paghingi ng "tawad" upang hindi maituloy ng Diyos ang kapahamakang naghihintay sa lungsod ng Sodom at Gomora.  Ilang beses siyang tumawad ngunit marahil dala na rin ng kahihiyan ay tinapos niya rin ito.  Ngunit marahil kung itinuloy pa ni Abraham ang pagtawad ay napagbigyan pa ito ng mga sugo ni Yahweh!  Sa Ebanghelyo ay hindi lamang tayo tinuruan ni Jesus ng isang magandang panalangin.  Binigyan nya rin tayo ng pamamaraan kung paano tayo dapat manalangin.  Ibinigay niya ito sa pamamagitan ng talinhaga.  Ang talinghagang ginamit ni Jesus ay tungkol sa dalawang magkaibigan.  Wala naman sa oras ang paghingi ng kaibigan - hatinggabi at tulog na ang lahat! Nanggising pa siya at nambulabog sa pamilya ng kanyang kaibigan. Ngunit dahil sa kanyang pagpupumilit nakuha niya ang kanyang hinihingi.  Tayo rin ay dapat magdasal ng may pagpupumilit dahil may tiwala tayo na sa bandang huli tayo rin ay kanyang pagbibigyan.  Bakit? Sapagkat ang Diyos natin ay Amang mapagbigay.  Hindi matitiis ng isang tatay ang anak niyang humihingi.  Ang paulit-ulit na dasal, ang pangungulit sa Diyos ay isang tanda ng malaking tiwala sa kanya at ng kahalagahan ng ating hinihingi.  Sa Taong ito ng Mga Kabataan ay ipanalangin natin na sana ay maisapuso natin ang pagtitiwala ng isang anak sa kanyang mga magulang.  Taglayin nawa natin ang pagkatao ng isang bata, payak at may pagpapakumbaba sa tuwing tayo ay lumalapit sa Diyos para sa ating mga pangangailangan.  Ituring natin siyang Ama at magtiwala tayong hindi niya tayo pababayaan sa ating mga pangangailangan.  Matiwala tayo sa mga salitang binitawan ni Jesus: "Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto’y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok. "  Maging makulit tayo sa paghingi sa Diyos.  Hindi niya kina-iinisan ang panalangin ng isang taong nanungulit kung ito naman ay paraan ng pagpapahayag ng kanyang matibay na pagtitiwala! 

Sabado, Hulyo 20, 2019

WALKING and LISTENING WITH JESUS: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year C - July 21, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Tayong mga Pilipino ay may isang natatangi at maipagmamalaking katangian.  Tayo raw ay mga taong naturally hospitable o likas na mainit tumanggap ng mga panauhin.  Sa katunayan, sa sobrang pagka-hospitable natin sa China ay ayaw na nilang iwanan ang mga isla sa West Philippine Sea at ngayon ay tila silang mga kabuteng nagsulputan sa iba't ibang panig ng bansa!  Pati nga ata mga isda na nasa ating teritoryo ay maaring galing sa Tsina kaya dapat tayong maging "hospitable" sa mga ilegal na nangingisda sa ating exclusive economic zone!  Pero sa totoo lang, hindi mo naman sigurong kinakailangang maging graduate ng UP para sabihing mas malapit ang Scarborugh Shoal sa Pilipinas kaysa China.  Common sense lang ang kailangan ika nga!   Kaya nga't dinadaan na lang tuloy ng ilan nating mga kababayan ang kanilang pagkadismaya sa mga hugot lines: "Ang love life mo parang 9 dash line.. imbento!" "Mabuti pa ang West Phlippine Sea ipinaglaban..." "Para kang Scarborough... lulubog, lilitaw!"  Maaring dinadaan lang ng marami sa atin sa biro ang mga nangyayari sa ating bansa ngunit siguro ay kinakailangan nating  pag-aralan at pag-isipang mabuti ang kahihinatnan ng ating bayan kapag hindi tayo kikilos at pababayaan lang natin ito.  Hanggang dyan na lang muna at baka maidemanda pa ako ng sedition! hehehe...  Gayun pa man, dito man sa ating bayan o sa ibang bansa ay likas pa rin ang ating pagiging "hospitable".  Personal ko itong naranasan noong ako ay nakasama sa World Youth Day na ginanap sa Canada noong taong 2002.  Sa pagdating pa lamang namin doon at nalaman ng mga Pilipinong naninirahan sa Vancouver na may mga delegates na galing sa Pilipinas ay bumaha ng pagkain sa aming tinutuluyang parokya at parang may pistang naganap.  Noong ako naman ay naitalagang Assistant Parish Priest ng parokya ng Mayapa sa Laguna ay naranasan ko ang di mapapantayang hospitality ng mga taong taga-barrio. Kapag may pista sa isang barrio ay dapat mo ng ihanda ang iyong sarili sa buong araw na kainan. May sampung bahay akong binasbasan noon at lahat ay nagpakain.  Nakakainis sapagkat bawal ang tumanggi sapagkat sasama ang kanilang loob at ang mas nakakagalit ay pare-pareho ang luto ng kanilang ulam!  Gayunpaman ay nakakatuwa ang kanilang "hospitality".   Hindi lang naman sa ating mga Pilipino ang ganitong katangian.  Ang mga Hudio ay mas higit pa nga kaysa sa atin.  Sa unang pagbasa ay narinig natin ang pagtanggap ni Abraham sa tatlong anghel na nag-anyong tao at bumisita sa kanya.  Ipinaghanda sila ni Abraham ng makakain at lugar na mapagpapahingahan at nagantimpalaan naman ang kabutihang ito sapagkat ibinigay ng Diyos sa kanya si Isaac bilang kanyang anak sa kabila ng katandaan nilang mag-asawa. Sa Ebanghelyo ay nakita rin natin ang mainit na pagtanggap kay Jesus ng magkapatid na Marta at Maria.  May pagkakabiba lang nga sa kanilang ginawang pagtanggap.  Si Marta, na mas nakatatandang kapatid, ay abalang-abala sa mga gawaing bahay samantalang si Maria ay piniling makinig sa tabi ni Jesus.  Sa kahuli-hulihan ay naging mas kalugod-lugod si Maria sa paningin ni Jesus sapagkat pinili niya ang higit na "mas mahalaga!"  Tayo rin ay tinatawagang tanggapin si Jesus sa ating buhay.  Sa pagtanggap na ito ay dapat marunong tayong makinig sapagkat ito ang pagtanggap na kinalulugdan ng Panginoon.  Ang karaniwang sakit nating mga Kristiyano ay KSP: Kulang Sa Pakikinig.  Kalimitan sa ating pagdarasal ay tayo lang ang nagsasalita.  Bakit di natin ang bigyan ng puwang ang tinig ng Diyos sa ating buhay?  Ang Diyos din ay nagsasalita sa ating kapwa kaya dapat ay marunong din tayong makinig sa kanila. Kailan ka huling nakinig sa payo ng iyong mga magulang?  Mga magulang, nabigyan n'yo na rin ng pagkakataong magsalita at pakinggan ang inyong anak?  Kailan ka nakinig sa pangangailangan ng iyong kapwa o mga taong salat sa pagkalinga at pagmamahal?  Ang tunay na pakikinig ay pagtanggap kay Jesus at ang pagtanggap sa Kanya ay nagbibigay ng kaligayahang walang hanggan. Ngayong Taon ng Mga Kabataan ay tinatawagan tayong pakinggan ang kanilang mga hinanaing at pangarap, unawain ang kanilang pagkukulang at kahinaan at pahalagahan ang kanilang pagkatao.  Matatapos ngayong araw na ito ang apat na araw na ginagawang pagtitipon sa Manila na tinatawag na PCNE VI o Philippine Conference for New Evangelization na may temang "Filipino Youth Walking With Jesus."  Ipanalangin natin na sana ay makita natin lalong-lalo na ng ating mga kabataan na ang Panginoong Jesus ay nakikilakbay sa atin at hindi tayo pinababayaan sa ating buhay.  Ipanalangin natin na nawa ay mas maraming kabataan ang "makinig" sa tinig ni Jesus na tumatawag sa kanilang sa kabanalan... ang maging mabuting mamamayan at tapat na Kristiyano!  Ipanalangin natin na marinig nila ang tinig ni Jesus na nagsasabing sila ay mahalaga sa Diyos sapagkat sila ay mga kabataang gifted, beloved and empowered!   

Sabado, Hulyo 13, 2019

SINO ANG KAPWA KO? : Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year C - July 14, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Noong nakaraang Huwebes ay dumalo ako sa isang seminar sa Makati.  Sapagkat ito ay dalawang araw na gawain, naisip kong dumalaw sa aking lugar na kinalakihan, sa Tondo ng Maynila upang doon magpalipas ng gabi at upang makita ko na rin ang malaking pagbabagong nangyari sa Divisoria.  Totoo nga naman ang narinig at nakita ko sa mga balita na lumuwag at luminis na ang Divisoria.  Nakakadaan na ang mga sasakyan sa kahabaan ng Recto sapagkat wala na ang mga nakaharang na mga tindahan sa gitna ng kalsada.  Sana ito ay magpatuloy at hindi ningas kugon lamang!  Dati rati kasi kapag sinabing Divisoria ang ibig sabihin agad ay lugar na marumi at magulo.  Katulad din ng stigma kapag narinig mo ang salitang Tondo.  Kapag sinabi kong "Tondo"  agad-agad ang sasabihin ng iba, 'yan ay lugar na mabaho, marumi, magulo, lugar ni "Asyong Salongga"... Naku, mag-ingat ka dahil maraming KRIMINAL d'yan!  Meganun?  Sapagkat Tondo ba, kriminal agad? Sapagkat Tondo ba mamamatay tao agad?  Di ba puwedeng "holdaper" o "snatcher" muna? hehehe... Kung minsan madali tayong ma-bias sa isang tao dahil sa kanyang anyo, estado sa buhay o lugar na pinanggalingan.  Pakinggan n'yo ang kwentong ito:  Isang pulubi ang nagdarasal sa likod ng Simbahan: "Panginoon, tulungan mo naman po ako. May sakit ang aking anak. Wala kaming kakainin mamya. Kung maari bigyan mo naman ako kahit na limandaang piso." Lingid sa kanyang kaalaman ay may isang pulis na nakarinig sa kanyang panalangin. Nahabag ito at dumukot sa kanyang wallet. Binilang niya ang laman at umabot lamang ito ng apat na daang piso. Gayun pa man, iniabot niya ito sa pulubi. Tuwang-tuwa ang pulubi at binilang ito. Muli siyang lumuhod at nagdasal: "Panginoon, maraming salamat po! Pero sana sa susunod, wag mo nang padaanin sa pulis... nagkulang tuloy ng isang daan!" Kalimitan ay hirap tayong makita ang kabutihan ng iba sapagkat nakakahon na ang kanilang pagkatao sa ating isipan. Kapag nakakita ng pulis, kotong cop yan! Kapag nakakita ng politician, trapo yan! Kapag nakakita ng artista, maraming asawa yan! Ganito rin ang pagtingin ng mga Hudyo sa mga Samaritano nang panahon ni Jesus. Kapag Samaritano... kaaway yan! Nang tinanong si Jesus ng dalubhasa sa batas kung "Sino ang kanyang kapwa?"  ay sinagot niya ito sa pamamagitan ng pagsasalaysay sa Talinhaga ng Mabuting Samaritano at sa huli ay isa ring tanong ang kanyang binitawan: "Sino ang nagpakita ng pakikipagkapwa sa taong hinarang ng tulisan?" Hindi masagot ng eskriba si Jesus ng diresto sapagkat kaaway nila ang mga Samaritano. Kung minsan ay ganito rin ang ating pag-uugali. Hirap tayong magpakita ng pagmamahal sa ating mga kaaway.  Hirap tayong magpatawad sa ating mga kasamaang-loob. Hindi natin matanggap na sila rin ay ang ating "kapwa". Malinaw ang mensaheng nais paratingin ni Jesus sa atin: Ang ating kapwa ay ang mga taong nangangailangan, nangangailangan ng tulong, ng awa, ng pag-aaruga at higit sa lahat...ng pagpapatawad.  Ang utos ng Panginoon na mahalin natin ang Diyos ng higit sa lahat at ang ating kapwa gaya ng pagmamahal sa ating sarili ay hindi lamang utos na nakalimbag sa Bibliya o sa ating Katesismo. Ito ay kautusang nakalimbag hindi sa papel kundi sa ating mga puso.  Ibig sabihin, ito ay kautusang napakalapit sa atin sapagkat ito ay nasa ating kalooban, kabahagi ng ating pagiging tao at ng pagiging anak ng Diyos natin. Kaya't wala tayong maidadahilan upang hindi natin maisakakatuparan ang mga utos na ito.  Huwag nating husgahan ang ating kapwa sapagkat ang sabi nga ni St. Mother Theresa ng Calcutta: "If you judge other people, you have no time to love them."  Marahil ay dapat lang nating mas palawing ang ating pang-unawa at pag-intindi sa kanilang kakulangan at kamalian.  Tandaan natin na ang ating kapwa ay ang taong nangangailangan ng ating AWA, UNAWA, at MABUTING GAWA!  Ito ang dahilan kung bakit ang ating Inang Simbahan ay may pagkiling sa mga taong mahihirap, mga taong biktima ng karahasan, ng kawalang katarungan, ng pang-aapi, dahil sila ang mga taong "mas nangangailangan".  Huwag sana tayong magdalawang isip na tulungan sila.  Ang sabi ng turo ng Simbahan ay: "Walang taong masyadong mahirap para tumulong sa iba at wala ring taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba."  Para sa ating mga Kristiyano ay may mas malalim na kadahilanan kung bakit tayo dapat tumulong sa ating kapwang nangangailan.  Ang sagot ni St. Mother Theresa sa nagtanong sa kanya kung paano niya ito nagagawa ay: "Sapagkat nakikita ko ang mukha ni Kristo sa kanila!"  Ito pala ang susi upang matanggap natin ang hindi katanggap-tanggap at mahalin ang hindi kaibig-ibig... ang makita natin ang mukha ng Panginoong Jesus sa ating kapwa.  Isyu pa rin ngayon ang paglabag sa mga karapatang pantao lalo na sa pagpatay sa mga pinaghihinalaang drug addicts o drug pushers.  Sa katunayan ay nagbigay na nga ng resolusyon ang United Nations upang tingnan kung may katotohanan ito.  May katotohanan ba ang mga paratang na may paglabag ang pagsasagawa nito sa karapatang pantao?  Isa lang naman ang malinaw na ating nakikita at naririnig sa mga balita, na may mga namamatay o napapatay na kung minsan ay may kasamang pang "collateral damage".  Ang mga drug users at mga drug pushers ay mga kapwa din natin na dapat ituring.  Marami na sa kanila ang namatay.  Marami na rin sa kanila ang sumuko.  Baka nga ang iba diyan ay mga kamag-anak natin, kaibigan o kakilala natin. Handa ba natin silang tanggapin bilang ating "kapwa?"  O baka naman sa kanilang pag-amin ay lalo lang nilang maramdaman na sila ay hiwalay at hindi na katanggap-tanggap sa ating lipunan?  Hindi solusyon na sila ay patayin o lipulin sa mundong ibabaw.  Tugunan natin ng kabutihan ang kasamaan. Palitan natin ng kapayapaan ang karahasan.  Pairalin natin ang kultura ng buhay at hindi ng kamatayan!  Tahakin natin ang landas ng pag-ibig bilang isang "Mabuting Samaritano."

Sabado, Hulyo 6, 2019

ANG HIWAGA NG KAMBAT: Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year C - July 7, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Ano ba ang ibig sabihin ng NEW EVANGELIZATION?  Para kanino ba ito at ano ang kinalaman ko dito bilang isang ordinaryong Kristiyano?  May kuwento ng tungkol sa HIWAGA NG KAMBAT... ang mga KATOLIKONG  PANIKI. Tatlong pari ang nag-uusap tungkol sa isang malaking problema sa kanilang mga parokya: na ang kisame ng kanilang mga simbahan ay pinananahanan ng mga paniki.  Ang sabi ng isa: "Ah, ang ginawa ko ay bumuli ako ng air-gun at pinagbabaril ko ang mga paniki para mabulabog sila.  Nag-alisan naman, kaya lang bumalik uli at nagsama pa ng kanilang mga tropa!"  Ang sabi namang pari, "Ako naman, bumili ng pang chemical spray.  ginamit ko ito at simula ay effective naman.  Marami ang namatay ngunit may mga naiwan. Ang masaklap ay na-immune ang mga ito at maging ang kanilang mga naging anak at apo ay di na tinatablan ng chemical."  Pagyayabang na sabi ng pangatlong pari: "Ako simple lang. Di ako ganong gumastos! Kumuha lang ako ng tubig.  Binasbasan ko ito.  Bininyagan ko ang mga paniki at pagkatapos ay nagliparan palabas ang mga paniki at hindi na muling bumalik sa simbahan!"  Marami sa ating mga Katoliko ay walang pinagkaiba sa mga paniking bininyagan!  Pagkatapos mabinyagan ay palipad-lipad na lamang sa labas ng simbahan at ayaw ng pumasok!  Nakalulungkot ngunit ito ang katotohanan: maraming Katoliko ang kristiyano lamang sa "baptismal certificate", nabinyagan ngunit hanggang doon na lamang, sila ay ang mga "Sacramentalized but not evangelized."  KAMBAT ang tawag sa ganitong uri ng mga Kristiyano.  Akala nila na dahil pumasok sila ng Simbahan ay nagiging Kristiyano na sila.  Akala nila na dahil nagsisimba sila ay mga tapat na silang tagasunod ni Kristo.  Nakaligtaan nila na ang pagiging Kristiyano ay may kasamang "pagsusugo" katalad ng ginawa ni Jesus sa kanyang mga alagad.  Ang pagsusugo sa pitumpu't dalawang alagad ay upang maipalaganap nila ang paghahari ng Diyos.  "Humayo kayo, sinusugo ko kayong parang parang mga kordero..." ang sabi ni Jesus.  Sapagkat "marami ang aanihin at kakaunti ang mga mag-aani!"  Tinanggap nating lahat utos na ito noong tayo ay nabinyagan.  Tinawag din tayo ni Jesus na itayo ang Kanyang paghahari dito sa mundo sa kasalukuyang panahon.  Ang tawag dito ni St. Pope John Paul II ay "NEW EVANGELIZATION."  Huwag tayong magkakamaling isipin na ito ay para lamang sa iilang pinili ni Jesus.  Hindi lamang ito gawaing iniatas sa mga obispo, pari o mga relihiyoso.  Sa ating Ebanghelyo ay narinig natin ang pagsusugo ni Jesus sa pitumpu't dalawang alagad upang tulungan Siya sa pagpapalagananp ng Mabuting Balita.  Tayong lahat din, sa bisa ng ating Binyag ay isinusugo rin ni Jesus.  Hindi natin kinakailangang lumayo sapagkat sa ating mga tahanan ay maari na nating siumulan ang gawaing ito.  Isinusugo tayo ni Jesus na ilapit sa Kanya ang ating mga magulang, anak, kapartid, kapitbahay at ang ating mga kaibigan. Ibahagi natin si Jesus sa paraang kakaiba.  Ipakilala natin si Jesus sa paraang naangkop sa makabagong takbo ng panahon.  Mula sa paggamit ng cellphone hanggang sa internet, social networking sites at iba pang hi-tech na pamamaraan ay maaari nating ipalaganap ang Mabuting Balita ni Kristo.  Tingnan mo ang nilalaman ng mga pakikipagtalakayan ninyo lalo na sa social media kapag kayo'y nagchachat.  Pasok ba si Kristo sa mga pinag-uusapan ninyo?  May lakas ng loob ka bang magbanggit ng mga espirituwal na bagay sa mga kasama mo sa bahay o sa iyong mga kaibaigan? O baka naman ikinahihiya mo ang iyong pagiging Kristiyano?   Mangako tayo na magdadala tayo ng kaibigan kay Kristo lalo na ang mga "kristiyanong-paniki" na patuloy pa rin sa paglipad-lipad sa labas ng simbahan.  Ang pagsusubuhay ng ating pananampalataya ay  ang epektibong paraan upang masunod natin ang utos ng Panginoon.  Ito ang ibig sabihin ng pagiging MGA SAKSI ng Panginoong Jesus sa ating kasalukuyang panahon. Paano ko ba pinatutunayang ng pagiging saksi ni Kristo?  Nakikita ba ito ng malinaw sa aking pagkatao?  Ang akin bang  pag-isip, pagsasalita at pagkilos ay kinakikitaan ng katulad ng kay Jesus?  At anung mga hakbang ang maari kong gawin upang maipahayag ang Mabuting Balita ni Jesus?  Tumahimik tayo sandali at magnilay.