Tayong mga Pilipino ay may isang natatangi at maipagmamalaking katangian. Tayo raw ay mga taong naturally hospitable o likas na mainit tumanggap ng mga panauhin. Sa katunayan, sa sobrang pagka-hospitable natin sa China ay ayaw na nilang iwanan ang mga isla sa West Philippine Sea at ngayon ay tila silang mga kabuteng nagsulputan sa iba't ibang panig ng bansa! Pati nga ata mga isda na nasa ating teritoryo ay maaring galing sa Tsina kaya dapat tayong maging "hospitable" sa mga ilegal na nangingisda sa ating exclusive economic zone! Pero sa totoo lang, hindi mo naman sigurong kinakailangang maging graduate ng UP para sabihing mas malapit ang Scarborugh Shoal sa Pilipinas kaysa China. Common sense lang ang kailangan ika nga! Kaya nga't dinadaan na lang tuloy ng ilan nating mga kababayan ang kanilang pagkadismaya sa mga hugot lines: "Ang love life mo parang 9 dash line.. imbento!" "Mabuti pa ang West Phlippine Sea ipinaglaban..." "Para kang Scarborough... lulubog, lilitaw!" Maaring dinadaan lang ng marami sa atin sa biro ang mga nangyayari sa ating bansa ngunit siguro ay kinakailangan nating pag-aralan at pag-isipang mabuti ang kahihinatnan ng ating bayan kapag hindi tayo kikilos at pababayaan lang natin ito. Hanggang dyan na lang muna at baka maidemanda pa ako ng sedition! hehehe... Gayun pa man, dito man sa ating bayan o sa ibang bansa ay likas pa rin ang ating pagiging "hospitable". Personal ko itong naranasan noong ako ay nakasama sa World Youth Day na ginanap sa Canada noong taong 2002. Sa pagdating pa lamang namin doon at nalaman ng mga Pilipinong naninirahan sa Vancouver na may mga delegates na galing sa Pilipinas ay bumaha ng pagkain sa aming tinutuluyang parokya at parang may pistang naganap. Noong ako naman ay naitalagang Assistant Parish Priest ng parokya ng Mayapa sa Laguna ay naranasan ko ang di mapapantayang hospitality ng mga taong taga-barrio. Kapag may pista sa isang barrio ay dapat mo ng ihanda ang iyong sarili sa buong araw na kainan. May sampung bahay akong binasbasan noon at lahat ay nagpakain. Nakakainis sapagkat bawal ang tumanggi sapagkat sasama ang kanilang loob at ang mas nakakagalit ay pare-pareho ang luto ng kanilang ulam! Gayunpaman ay nakakatuwa ang kanilang "hospitality". Hindi lang naman sa ating mga Pilipino ang ganitong katangian. Ang mga Hudio ay mas higit pa nga kaysa sa atin. Sa unang pagbasa ay narinig natin ang pagtanggap ni Abraham sa tatlong anghel na nag-anyong tao at bumisita sa kanya. Ipinaghanda sila ni Abraham ng makakain at lugar na mapagpapahingahan at nagantimpalaan naman ang kabutihang ito sapagkat ibinigay ng Diyos sa kanya si Isaac bilang kanyang anak sa kabila ng katandaan nilang mag-asawa. Sa Ebanghelyo ay nakita rin natin ang mainit na pagtanggap kay Jesus ng magkapatid na Marta at Maria. May pagkakabiba lang nga sa kanilang ginawang pagtanggap. Si Marta, na mas nakatatandang kapatid, ay abalang-abala sa mga gawaing bahay samantalang si Maria ay piniling makinig sa tabi ni Jesus. Sa kahuli-hulihan ay naging mas kalugod-lugod si Maria sa paningin ni Jesus sapagkat pinili niya ang higit na "mas mahalaga!" Tayo rin ay tinatawagang tanggapin si Jesus sa ating buhay. Sa pagtanggap na ito ay dapat marunong tayong makinig sapagkat ito ang pagtanggap na kinalulugdan ng Panginoon. Ang karaniwang sakit nating mga Kristiyano ay KSP: Kulang Sa Pakikinig. Kalimitan sa ating pagdarasal ay tayo lang ang nagsasalita. Bakit di natin ang bigyan ng puwang ang tinig ng Diyos sa ating buhay? Ang Diyos din ay nagsasalita sa ating kapwa kaya dapat ay marunong din tayong makinig sa kanila. Kailan ka huling nakinig sa payo ng iyong mga magulang? Mga magulang, nabigyan n'yo na rin ng pagkakataong magsalita at pakinggan ang inyong anak? Kailan ka nakinig sa pangangailangan ng iyong kapwa o mga taong salat sa pagkalinga at pagmamahal? Ang tunay na pakikinig ay pagtanggap kay Jesus at ang pagtanggap sa Kanya ay nagbibigay ng kaligayahang walang hanggan. Ngayong Taon ng Mga Kabataan ay tinatawagan tayong pakinggan ang kanilang mga hinanaing at pangarap, unawain ang kanilang pagkukulang at kahinaan at pahalagahan ang kanilang pagkatao. Matatapos ngayong araw na ito ang apat na araw na ginagawang pagtitipon sa Manila na tinatawag na PCNE VI o Philippine Conference for New Evangelization na may temang "Filipino Youth Walking With Jesus." Ipanalangin natin na sana ay makita natin lalong-lalo na ng ating mga kabataan na ang Panginoong Jesus ay nakikilakbay sa atin at hindi tayo pinababayaan sa ating buhay. Ipanalangin natin na nawa ay mas maraming kabataan ang "makinig" sa tinig ni Jesus na tumatawag sa kanilang sa kabanalan... ang maging mabuting mamamayan at tapat na Kristiyano! Ipanalangin natin na marinig nila ang tinig ni Jesus na nagsasabing sila ay mahalaga sa Diyos sapagkat sila ay mga kabataang gifted, beloved and empowered!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento