Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hulyo 27, 2019
MAKULIT NA PANALANGIN: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year C - July 28, 2019 - Year of the Youth
Isa sa mga ibinabato sa ating mga Katoliko ng ibang sekta ay ang atin daw na "paulit-ulit na dasal." Anung masasabi mo? Masama ba ang paulit-ulit na paghingi sa Diyos? Masama ba ng kulitin natin Siya sa ating panalangin? May kuwento ng isang pulis na nakahuli ng smuggler habang ito ay nagpupuslit ng mga imported na damit. "Sir, baka puwede naman po nating pag-usapan ito. Magbibigay na lang po kami ng regalo sa inyo, ok na ba ang Php 1,000" alok ng smuggler. "Hindi ako tumatanggap ng lagay! tutol ng pulis. "Sige na po, gagawin ko nang Php 5,000, ok na ba sa inyo?" panunuyo ng smuggler. "Ano ba? Sinabi di ako nasusuhulan eh!" tanggi ng pulis. "Wag na kayong magalit, Php 10,000 ang ibibigay namin," huling alok ng smuggler. Biglang bumunot ng baril ang pulis, itinutok sa smuggler, at saka sinabi, "Talaga bang hindi mo ako titigilan? Malapt na akong bumigauy. Sige, makakaalis na kayo, iwan n'yo lang 'yung regalo ko d'yan sa ilalim ng mesa." Ito ang uri ng paulit-ulit na masama! Ang ayaw ni Jesus ay hindi ang paulit-ulit na dasal kundi ang pangangalakal sa dasal, ang maniwala na makukuha natin ang ating dinadasal dahil sa dami ng paulit-ulit na dasal na ating ginagawa! Tandaan natin na hindi natin "mabibili" ang Diyos sa dami ng ating dasal! Hindi siya katulad ng pulis sa ating kuwento na napapalambot ng panunuhol. Ngunit ang dasal na paulit-ulit ay maaring maging tanda ng walang sawang pananalig, ito ang uri ng pangungulit na gusto ng Diyos at ang tinutugon Niya. Sa unang pagbasa ay makikita nating paulit-ulit si Abraham ng paghingi ng "tawad" upang hindi maituloy ng Diyos ang kapahamakang naghihintay sa lungsod ng Sodom at Gomora. Ilang beses siyang tumawad ngunit marahil dala na rin ng kahihiyan ay tinapos niya rin ito. Ngunit marahil kung itinuloy pa ni Abraham ang pagtawad ay napagbigyan pa ito ng mga sugo ni Yahweh! Sa Ebanghelyo ay hindi lamang tayo tinuruan ni Jesus ng isang magandang panalangin. Binigyan nya rin tayo ng pamamaraan kung paano tayo dapat manalangin. Ibinigay niya ito sa pamamagitan ng talinhaga. Ang talinghagang ginamit ni Jesus ay tungkol sa dalawang magkaibigan. Wala naman sa oras ang paghingi ng kaibigan - hatinggabi at tulog na ang lahat! Nanggising pa siya at nambulabog sa pamilya ng kanyang kaibigan. Ngunit dahil sa kanyang pagpupumilit nakuha niya ang kanyang hinihingi. Tayo rin ay dapat magdasal ng may pagpupumilit dahil may tiwala tayo na sa bandang huli tayo rin ay kanyang pagbibigyan. Bakit? Sapagkat ang Diyos natin ay Amang mapagbigay. Hindi matitiis ng isang tatay ang anak niyang humihingi. Ang paulit-ulit na dasal, ang pangungulit sa Diyos ay isang tanda ng malaking tiwala sa kanya at ng kahalagahan ng ating hinihingi. Sa Taong ito ng Mga Kabataan ay ipanalangin natin na sana ay maisapuso natin ang pagtitiwala ng isang anak sa kanyang mga magulang. Taglayin nawa natin ang pagkatao ng isang bata, payak at may pagpapakumbaba sa tuwing tayo ay lumalapit sa Diyos para sa ating mga pangangailangan. Ituring natin siyang Ama at magtiwala tayong hindi niya tayo pababayaan sa ating mga pangangailangan. Matiwala tayo sa mga salitang binitawan ni Jesus: "Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto’y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok. " Maging makulit tayo sa paghingi sa Diyos. Hindi niya kina-iinisan ang panalangin ng isang taong nanungulit kung ito naman ay paraan ng pagpapahayag ng kanyang matibay na pagtitiwala!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento