Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Agosto 3, 2019
KASAKIMAN AT TUNAY NA KAYAMANAN: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year C - August 4, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Marami ang nagulantang noong nakaraang July 27, 2019 nang magsimulang isarado ng mga kapulisan ang mahigit 923 lotto outlets sa buong bansa kasama na rin ang STL (Small Town Lottery), Keno, Peryahan ng Bayan ayon na rin sa kautusan ng Pangulong Duterte dahil daw sa alegasyon ng katiwalian ng ilang namumuno dito. Ngunit pagkatapos lamang ng tatlong araw, July 30, 2019, ay muling binuksan ang lotto outlets, ngunit hindi kasama ang STL at ang ilang gaming schemes, dahil na rin sa legal na implikasyon nito at kasama na rin ang maraming kritikong tinanggap ng pamahalaan mula sa iba't ibang sektor at maging sa mga mamamayang naapektuhan ng desisyon na ito. Isa ka ba sa mga umangal dito? Halos itinuring ng "pambansang sugal" ang pagtaya sa lotto. Para sa iba, ito ay libangan lang daw at para pa rin sa ilan ay paghahanap ng magandang kapalaran. Tumataya ka ba sa lotto? Ano kaya ang iyong magiging re-aksyon kapag sinabihan kang nanalo ka sa lotto ng 50 million pesos sa jackpot draw ng Lotto? Marahil matutulala ka. Marahil mapapatalon ka sa tuwa. Marahil mahihimatay ka. Marahil aatakihin ka sa puso! Ito ang naging problema ng isang pamilya ng malaman nilang nanalo ang kanilang lolo ng 50 million pesos sa lotto. Paano nila sasabihin sa kanya ang magandang balita sa kanilang lolo na hindi niya ikakamamatay sapagkat siya ay matanda na at may sakit sa puso. Naisip nilang magpatulong sa kanilang kura-paroko sapagkat siya ay matalik na kaibigan ng kanilang lolo. Sinabi nila ang mahirap na sitwasyon at pumayag namana ang butihing pari. Kaya't isang gabi ay bumisita ang pari sa kanilang bahay. Nag-usap ang dalawang magkaibigan at ng makakuha ang pari ng tamang tiyempo ay tinanong niya ang matanda: "Lolo, kung sakali bang mananalo kayo ng 50 million sa lotto, ano ang gagawin ninyo?" Walang pasubaling sumagot ang matanda: "Aba, padre dahil magkaibigan tayo ay ibibigay ko sa simbahan ang kalahati!" At biglang bumulagta ang pari, nangisay... inatake sa puso! Ikaw nga naman ang magkaroon ng ganung kapalaran! Ngunit may mga taong hindi pabigla-bigla. Magaling silang mag-isip. Madiskarte sila. Mautak. Yun lang nga sila rin ay sakim. Makasarili. Ito ang babala sa atin ni Jesus: "Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan." Hindi sinasabi ni Jesus na masama ang kayamanan. Ang hindi niya rin sinasabing mali ang magpayaman. Ang nais niyang ipaintindi sa atin ay ang dapat nating pinahahalagahan sa ating buhay. Hindi ang mga bagay na materyal ang makapagbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan. Sa unang pagbasa sinabi ng mangangaral: "Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay!" Hindi niya sinasabing huwag na tayong maghangad ng mga bagay upang umunlad ang ating buhay! Kailangan nating magtrabaho para mabuhay. Kailangan nating mag-ipon ng kayamanan para sa ating seguridad. Ngunit ang ipinapaalala sa atin ay mag-ingat sa labis na paghahangad nito. Mag-ingat sa kasakiman! Sa ating Ebanghelyo ngayon ay pinapaalalahanan tayo sa sasapitin ng taong nagtitipon ng kayamanan para lamang sa sarili ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos! Muli ay ibinabalik tayo ni Jesus na suriin ang ating sarili at tingnan kung ano ba ang pinahahalagahan natin sa ating buhay. Marahil ay ipinanganak tayong may kaya. Marahil nagsikap tayo upang umunlad ang buhay natin. Pasalamatan natin ang Diyos! Ngunit hindi sana natatapos doon. Tingnan din natin kung papaano natin magagamit ang mga ito sa tamang paraan upang mapaunlad ang ating kabuhayan at makatulong din sa mga taong nangangailangan. Tayo ay tagapag-alaga lamang ng mga bagay na bigay sa atin ng Diyos. Sa sandali ng ating kamatayan ay magsusulit tayo sa mga bagay na ipinagkatiwala niya sa atin. Nakakatakot na matawag niya rin tayong "Hangal!" sapagkat naging sakim tayo! Sikapin nating itama ang ating pagpapahalaga sa buhay! Tingnan natin ang ating mga puso kung ano ba ang nilalaman nito sapagkat ito ang makapagsasabi kung anung uring tao tayo. Ibalik natin ang ating loob sa Diyos kung saka-sakaling nilamon na ng kasakiman ang ating mga puso. Maging mapagbigay tayo na walang hinihintay na kapalit. Magkaroon tayo ng puso sa mga taong lubos na nangangailangan. Buksan natin ang ating mga puso sa tunay na pagbabahaginan. Ito lamang ang paraan upang malabanan natin ang kasakiman sa mundo. Ito lamang ang makapagbibigay sa atin ng tunay na kayamanan at kaligayahan. Kung meron ka nito ay hindi mo na kinakailangang tumaya sa lotto. Hindi ka na maaapektuhan kahit ipasara pa itong muli.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento