Pamilyar na sa atin ang salitang PANANAMPALATAYA ngunit ano ba ang pakahulugan nito? Sa ating ikalawang pagbasa, sa Mga Sulat sa Hebreo, sinasabi sa ating
"Tayo'y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mg bagay na di natin nakikita." May kuwento ng isang barrio na tinamaan ng El Nino. Ang ikinabubuhay ng mga tao ay pagsasaka kaya't malaking dagok sa kanila ang tagtuyot sapagkat nanatiling tigang ang kanilang mga lupain. Kaya't sa misa ng kanilang ng parokya ay hiniling ng kanilang kura-paroko ang kanilang panalangin upang umulan at ng sa gayon ay matubigan ang kanilang mga lupain at muli silang makapagtanim. "Nananalig ba kayo na sa isang linggo ay bubuhos ang isang malakas na ulan?" Sumagot naman ang lahat: "Opo Padre! Nananalig kami!" Lumipas ang isang linggo at muling nagtipon ang mga tao sa loob ng simbahan. Nalungkot ang pari sa kanyang nakita sapagkat sa mahigit isang daang nagsisimba, iisa lamang sa kanila ang nadala ng payong! Hindi natin namamalayan na araw-araw ay ginagamit natin ang pananampalataya sa ating buhay. Sa mga nagtratrabaho sa atin ay masaya nating hinihintay ang kinsenas o ang katapusan ng buwan? Bakit? Sapagkat umaasa tayong makatatanggap ng sahod. Hindi pa dumarating ngunit alam nating tatanggap tayo nito. Pananampalataya. Kapag sumasakay tayo ng jeep, paano tayong nakasisiguro na makakarating tayo ng ligtas sa ating patutunguhan? Nagtitiwala tayo sa driver di ba? E paano kung addict pala ang driver at hindi sumurender sa "Oplan Tukhang?" Patay tayo dyan! Pero nagtitiwala pa rin tayo. Kung kaya nating magpakita ng pananampalataya sa mga tao, ang tanong ay bakit hirap tayong magpahayag nito sa ating Diyos? Mayroon kasing hinihingi ito sa atin. Higit pa sa simpleng pagsasabing "Sumasampalataya ako!" Ang pananampalatayang ating tinanggap sa Binyag ay nangangailangan ng
pagpapatunay o pagibibigay saksi kung tunay nga tayong mga tagasunod ni Kristo.
Ang pananampalataya pagkatapos angkinin ay dapat isinasabuhay. Ang tawag natin dito ay
PANANAMPALATAYANG GANAP. Kailan natin masasabing GANAP ang ating pananampalataya? Alam natin ang kahulugan nito: paniniwala at pagtitiwala. Pero kalimitan ay nakakaligtaan natin ang ikatlong katangian ng ganap na pananampalataya at ito ay ang...
pagsunod! Kaya nga't madalas ay nakakakita tayo ng mga "doble-karang Kristiyano", magaling sa salita ngunit kulang naman sa gawa, saulado ang kapitulo at bersikulo ng Bibliya ngunit hindi naman isinasabuhay ito.
Ang isang ganap na pananampalataya ay may kaakibat na gawa na nagpapahayag ng ating pagsunod kay Kristo. Ano ba ang nais ng Diyos sa atin? Simple lang,
ang isabuhay mo ang pinaniniwalaan mo! Maging tulad tayo ng aliping
laging handang naghihintay sa pagdating ng Panginoon. Hindi patulog-tulog, tamad, walang ginagawa, nagsasamantala sa kapwa. Ipakita natin ang
isang pananampalatayang buhay! Pananampalatayang hindi lamang laman ng mga isinaulong panalangin o kaalaman sa katesismo, ngunit isang pananampalatayang nakikita
sa ating pagsaksi bilang mga tagasunod ni Kristo. Sa mga nangyayari ngayon sa ating lipunan ay hinihingi ang ating malakas na pananampalataya. Hindi lingid sa ating kaaalaman na patuloy pa rin ang maraming napapatay sa kampanya laban sa droga. Hindi ko tinutukoy ang lehitimong pagtupad ng tungkulin ng ating mga alagad ng batas bagama't nakakabahala kapag maririnig mo lagi ang kadahilanang "nanlaban" kaya napatay! Ang isa pang dapat na pagtuunan ng pansin ay ang mga tinatawag nating
"summary execution" o
"extra-judicial killing" na nangyayari sa maraming lugar na kung minsan ay hindi malaban ang motibo kung bakit sila pinatay. Masaya ba tayo kapag may napapatay ang mga "riding in tandem" na vigilante o mga
hired professional killers? Magdarasal ka. Magsisimba ka. Tapos sasabihin mo...
"mabuti nga sa kanila! Dapat maubos na ang mga rapists na yan! Dapat maubos ang mga addict sa lipunan!" Hindi ipinagttanggol ng Simbahan ang mga krimial o pinapaboran niya ang masasamang gawain ng mga tao. Ang ipinaglalaban ng Simbahan ay ang
paggalang sa karapatan ng tao. Hindi mo kinakailangang maging Kristiyano upang maintindihan na mali ang walang hambas na pagpatay ng mga taong wala namang mandato para gawin ito! Suportahan natin ang kampanya ng gobyerno laban sa illegal na droga o kriminalidad ngunit
huwag tayong mapipi kapag may mga taong nagsasamantala at inilalagay ang batas sa kanilang kamay! Ito ang ating pagsaksi at pagpapakita ng ganap na pananampalataya. Huwang lang nating ipangaral ang pag-ibig, pagpapatawad, pagtulong sa mahihirap, pagpapairal ng kaayusan, katarungan at kapayapaan, bagkus ay
isagawa natin ito at patunayan sa pamamgitan ng paggalang sa karapatan ng bawat isa. Tandaan natin na
sa ating pinagkalooban nito ay mas higit ang inaasahan sa atin ng Panginoon. "Much
will be required of the person
entrusted with much, and still
more will be demanded of the
person entrusted with more.” Ang pananampalatayang tinanggap natin noong tayo ay bininyagan ay inaasahan ng Panginoon na ating palalalimin habang tayo ay naglalakabay sa buhay. Ito ang pagiging isang matalinong alagad ng ng Panginoon,
“Who, then, is the faithful and
prudent steward whom the
master will put in charge of his
servants to distribute the food
allowance at the proper time?
Blessed is that servant whom
his master on arrival finds doing so. Truly, I say to you, the
master will put the servant in
charge of all his property." Maging mga tapat tayong alagad ng Panginoon na laging handang magsulit ng mga ipinagkatiwala niya sa atin, anumang oras na maratnan niya tayo sa kanyang "biglaang pagdating." Ito ang pagpapakita ng isang GANAP NA PANANAMPALATAYA.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento