Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Agosto 30, 2019
KAYABANGAN AT PAGPAPAKUMBABA: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year C - September 1, 2019 - SEASON OF CREATION and YEAR OF THE YOUTH
Ano ba ang napapala ng pagiging mayabang? Kung minsan may mga taong sadyang isinilang upang manghamak ng iba. Masaya ang kanilang pakiramdam kapag nakalamang sila sa ibang tao. Sa kanilang pag-iisip ay sila lang ang marunong, sila lang ang magaling, sila lang dapat ang tama kaya't gayun na lamang ang kanilang panlalait sa iba. Kasi nga ayaw na ayaw nilang malalamangan sila sa lahat ng bagay. Ngunit alam nating may kinalalagyan ang mga taong mayayabang! Tulad na lang ng kuwentong ito. Isang turistang Chinese ang umarkila ng taxi at nagpalibot sa Metro Manila. Dinala siya ng driver sa gawing Shaw Boulevard at idinaan sa Shangrila. "This building is big! How long did you build this buidling?" "More or less one year!" Sabi ng driver. "One year? Too slow! In China, six months... very, very fast!" Payabang na sagot ng intsik." Dumaan naman sila sa Mega Mall at sabat uli ng intsik: "Ah... this building is very big and very wide! How long did you take to build it?" "four months!" sabi ng tsuper para hindi siya mapahiya sa kanyang pasahero. "four months??? hah! very slow! In China, only three months... very, very fast!" Payabang na sabi ng Chinese. Medyo napikon na ang driver kaya idiniretso niya sa Pasay... sa Mall of Asia. "Wow! This building is very, very big and very very wide! How long did you build it?" Payabang na sagot ng driver: "Only two months!" upang huminto na ang kayabangan ng intsik beho nyang sakay. Ngunit sa muling pagkakataon ay simingit ang intsik: "two months??? Very slow... in China only one month... very, very fast!" Napahiya na naman ang taxi driver na Pinoy. Natapos din ang paglilibot at ng bayaran na ay sinabi ng driver. "Ok Mr. Intsik beho tulio laway, pay me ten thousand pesos!" Sagot ang hapon: "Ten thousand? Are sure? Very expensive!" Sagot ang driver: "Look sir... my taxi meter... made in China... very, very fast!" hehehe... nakaganti rin! Nakakaasar ang mga taong mayayabang! Ang sarap nilang yakapin... yakapin ng mahigpit hanggang sila ay mamatay! hehehe. Marahil, isang katangian na dapat nating matutunan bilang mga Kristiyano ay ang "kababaang-loob." Malinaw ang tagubilin ni Sirac: “Anak ko, maging mapagpakumbaba ka sa pagtupad ng tungkulin, at mamahalin ka ng mga malapit sa Diyos. Habang ikaw’y dumadakila, lalo ka namang magpakumbaba; sa gayo’y kalulugdan ka ng Panginoon. " Sa ebanghelyo ay malinaw na sinabi ng Panginoon na ang "nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas." Nagbigay siya ng malinaw na halimbawa tungkol sa pagpapakumbaba. "Kapag inayayahan ka ninuman sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang tanging upuan. Baka may inayayahang lalong tanyag sa iyo!" "Kapag naghanda ka ng isang piging anyayahan mo ang taong hindi makakaganti sa 'yo at sa gayo'y gagantihan ka ng Diyos sa muling pagkabuhay ng mga banal." Ang kababaang-loob ang nagsasabi sa ating ang lahat ng ating kakayahan at kayamanan ay galing sa pagpapala ng Diyos kaya wala tayong maipagmamalaki. Hindi ito ganang atin kaya hindi dapat natin ipagkait sa ating kapwa. Ang ito ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos kaya dapat nating gamitin para sa iba at para sa ating sarili lamang. Ang kadakilaan sa mata ng mundo ay hindi kailanman tugma sa pagtingin ng isang Kristiyano. Hindi kung anung meron tayo ang siyang nagpapadakila sa atin. Ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa kababang-loob... sa paglilingkod. Tanging ang mga taong mapagkumbaba ang maaring maging mapagbigay! Ang mapagkumbabang pagbibigay ay ang katangian ng isang tunay na KATIWALA ng Diyos. Ang buwan ng Setyembre, sa ibang lugar ay ang itinalaga ring Panahon ng Paglikha o Season of Creation. Ito ay isang natatanging panahon na ibinigay ng Simbahan upang pagnilayan natin ang kadakilaan at kabutihan ng Diyos sa pagbibigay Niya sa atin ng biyaya ng kalikasan! Gayundin, ito ay pagninilay din natin bilang mga tapat na katiwala ng Diyos sapagkat ang buong sannilikha ay ipinagkitiwala sa atin ng Diyos upang pamunuan natin ng buong katapatan at kapakumbabaan. Sa mga kaganapang nangyayari sa ating mundo, tulad na lamang ng pagkasunog ng Amazon Forest, labis na pagmimina sa mga kabundukan, pagsira sa mga likas na yamang dagat, pagdudumi sa mga estero, kanal, ilog at mga daluyang tubig, at mga marami pang pagsalahula sa ating kapaligiran ay masasabi natin sumobra na ang kayabangan ng tao! Hindi na siya ang tapat na katiwala! Ang tingin niya sa kanyang sarili ay ganid na nagmamay-ari ng lahat ng ito. Mahirap maibalik ang pagiging mabuting katiwala ng Diyos kung pinangungunahan tayo ng pagmamataas at pagkamakasarili. Tanggalin muna ang kayabangan at pairalin ang kapakumbabaan! Limutin ang ating sarili upang makita natin ang ating pagiging aba sa harapan ng iba. Pangalagaan natin ang ating "Common Home", ang mundong ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Ito'y nangangailangan ng sama-samang pagkilos. Pagkilos na may pananagutan at pagpapakumbaba. Tandaan natin na ipinagkatiwala ng Diyos ang mundo sa ating mga kamay upang pamunuan ito ng may katapatan at kapakumbabaan.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento