Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Agosto 24, 2019
ANG SORPRESA SA KABILANG BUHAY: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year C - August 25, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Maraming surpresa ang naghihintay sa atin sa buhay sa kabila. Isa na ang sinabi ng ating Panginoon sa Ebanghelyo ngayon na "may mga nauunang mahuhuli at nahuhuling mauuna." Alam nating kapag tayo ay pumanaw ay may naghihintay sa ating gantimpala o kaparusahan depende kung paano tayo nabuhay dito sa lupa. Ang langit daw ay gantimpala para sa mga taong nabuhay ng mabuti. Ang impiyerno naman ay para sa mga masasama. Ang purgatoryo... para sa mga nasa gitna: mabuting-masama o masamang-mabuti! Kumbaga sa isang apartment na may tatlong palapag, ang langit ay top floor, ang purgatoryo ay middle floor at ang impiyerno ay ang basement. Isang araw ay may mga kaluluwang bagong lipat mula sa kabilang buhay na napunta sa purgatoryo. Laking pagkagulat nila nang makita ang kanilang kura-paroko doon. "Hala! Padre! Dito ka rin pala... kelan ka pa dito? Akala pa naman namin nasa top floor ka! Dapat ay nasa top floor ka! Idol ka kaya namin kapag pinag-usapan ang kabanalan! Eh bakit nandito ka kasama namin? Pasigaw na sabi ng isa niyang parokyano. "Shhhh... wag kayong maingay! Pakibabaan ninyo ang boses ninyo. Baka magising si bishop. Natutulog s'ya sa ibaba!" O, hindi ba't nakakasurpresa ang ganung senaryo? Sinong mag-aakalang ang mga nauuna ay mahuhuli at ang mga nahuhuli ay mauuna? Isa lang naman ang katotohanan sa ating buhay na hindi natin maikakaila, na ang buhay natin dito sa mundo ay may katapusan. Lahat tayo ay mamamatay! Dito ay wala tayong pagpipilian. Darating ang araw na magsusulit tayo ng ating buhay sa Diyos. Bagama't wala tayong pagpili sa kahahantungan ng ating buhay mayroon naman tayong pagpili kung saan natin nais pumunta pagdating natin sa ating buhay sa kabila. Ang sinasabi ng Banal na Kasulatan at maging ng atig pananampalataya ay mayroon lang naman tayong dalawang maaring puntahan sa kabilang buhay: langit o impiyerno. Ang huli ay pintuang madaling pasukin, walang kahirap-hirap, malawak at maraming pumipili dahil nakakatawag pansin! Ang una ay mahirap pasukin. Sa katunayan ay kakaunti ang dumadaan dito sapagkat makipot, mahirap at maraming sakripisyo ang dapat gawin. Ngunit ang sabi nga ng Panginoon, ay isa lang naman ang daan papasok sa langit... ang makipot na pintuan! Kaya nga kung ang hanap natin sa pagiging Kristiyano ay "good time" at "pa-easy-easy" lang sa ating pagiging Kristiyano ay nagkakamali tayo... Hindi puwedeng maligamgam tayo sa harapan ng Diyos. Sala sa init... sala sa lamig! Ang pagiging Kristiyano ay isa lang ang hinihingi... ang maging katulad ni Kristo! Ang makipot na pintuan ay dinaraanan natin araw-araw. Laging bukas... nag-aanyaya ngunit dahil nga sa makipot ay marami sa atin ang ayaw daanan. Mahirap magpatawad. Mahirap maging tapat sa pamilya. Mahirap umunawa. Mahirap magbigay. Mahirap magpakatao. Mas madali ang sumuway sa utos ng Diyos. Mas madali ang magnakaw. Mas madali ang mandaya. Mas madali ang magsinunaling. Mas madali ang mangaliwa kaysa maging tapat sa asawa. Mas madali ang gumawa ng kasalanan kaysa kabutihan. Mas masarap ang alok ng pintuang maluwag. Walang hirap. Walang pasakit. Ngunit alam din natin ang patutunguhan ng pintuang maluwag... walang hanggang kapahamakan! Maging matalinong Kristiyano tayo habang naglalakbay tayo dito sa mundo. Alam ng Diyos ang pagnanais nating makapasok sa pintuan ng langit at batid niya ang kahinaan ng ating pagpapasya sa pagpili ng mabuti at masama... ng tama at mali! May gantimpalang naghihintay sa atin kung magtitiwala tayo sa kabutihan ng Diyos na hindi Niya tayo pababayaan sa ating pagsisikap dahil mahal Niya tayo. May "langit" tayong mararating kung magsisikap tayong sumunod sa kanyang kalooban, magtitiyaga at mapagkumbaba nating susundin ang Kanyang mga utos. Tandaan mo... isa lang ang daang patungo kay Kristo... at ang hahantungan mo ay nakasalalay sa pintuang pipiliin mo.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento