Sabado, Hulyo 13, 2019

SINO ANG KAPWA KO? : Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year C - July 14, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Noong nakaraang Huwebes ay dumalo ako sa isang seminar sa Makati.  Sapagkat ito ay dalawang araw na gawain, naisip kong dumalaw sa aking lugar na kinalakihan, sa Tondo ng Maynila upang doon magpalipas ng gabi at upang makita ko na rin ang malaking pagbabagong nangyari sa Divisoria.  Totoo nga naman ang narinig at nakita ko sa mga balita na lumuwag at luminis na ang Divisoria.  Nakakadaan na ang mga sasakyan sa kahabaan ng Recto sapagkat wala na ang mga nakaharang na mga tindahan sa gitna ng kalsada.  Sana ito ay magpatuloy at hindi ningas kugon lamang!  Dati rati kasi kapag sinabing Divisoria ang ibig sabihin agad ay lugar na marumi at magulo.  Katulad din ng stigma kapag narinig mo ang salitang Tondo.  Kapag sinabi kong "Tondo"  agad-agad ang sasabihin ng iba, 'yan ay lugar na mabaho, marumi, magulo, lugar ni "Asyong Salongga"... Naku, mag-ingat ka dahil maraming KRIMINAL d'yan!  Meganun?  Sapagkat Tondo ba, kriminal agad? Sapagkat Tondo ba mamamatay tao agad?  Di ba puwedeng "holdaper" o "snatcher" muna? hehehe... Kung minsan madali tayong ma-bias sa isang tao dahil sa kanyang anyo, estado sa buhay o lugar na pinanggalingan.  Pakinggan n'yo ang kwentong ito:  Isang pulubi ang nagdarasal sa likod ng Simbahan: "Panginoon, tulungan mo naman po ako. May sakit ang aking anak. Wala kaming kakainin mamya. Kung maari bigyan mo naman ako kahit na limandaang piso." Lingid sa kanyang kaalaman ay may isang pulis na nakarinig sa kanyang panalangin. Nahabag ito at dumukot sa kanyang wallet. Binilang niya ang laman at umabot lamang ito ng apat na daang piso. Gayun pa man, iniabot niya ito sa pulubi. Tuwang-tuwa ang pulubi at binilang ito. Muli siyang lumuhod at nagdasal: "Panginoon, maraming salamat po! Pero sana sa susunod, wag mo nang padaanin sa pulis... nagkulang tuloy ng isang daan!" Kalimitan ay hirap tayong makita ang kabutihan ng iba sapagkat nakakahon na ang kanilang pagkatao sa ating isipan. Kapag nakakita ng pulis, kotong cop yan! Kapag nakakita ng politician, trapo yan! Kapag nakakita ng artista, maraming asawa yan! Ganito rin ang pagtingin ng mga Hudyo sa mga Samaritano nang panahon ni Jesus. Kapag Samaritano... kaaway yan! Nang tinanong si Jesus ng dalubhasa sa batas kung "Sino ang kanyang kapwa?"  ay sinagot niya ito sa pamamagitan ng pagsasalaysay sa Talinhaga ng Mabuting Samaritano at sa huli ay isa ring tanong ang kanyang binitawan: "Sino ang nagpakita ng pakikipagkapwa sa taong hinarang ng tulisan?" Hindi masagot ng eskriba si Jesus ng diresto sapagkat kaaway nila ang mga Samaritano. Kung minsan ay ganito rin ang ating pag-uugali. Hirap tayong magpakita ng pagmamahal sa ating mga kaaway.  Hirap tayong magpatawad sa ating mga kasamaang-loob. Hindi natin matanggap na sila rin ay ang ating "kapwa". Malinaw ang mensaheng nais paratingin ni Jesus sa atin: Ang ating kapwa ay ang mga taong nangangailangan, nangangailangan ng tulong, ng awa, ng pag-aaruga at higit sa lahat...ng pagpapatawad.  Ang utos ng Panginoon na mahalin natin ang Diyos ng higit sa lahat at ang ating kapwa gaya ng pagmamahal sa ating sarili ay hindi lamang utos na nakalimbag sa Bibliya o sa ating Katesismo. Ito ay kautusang nakalimbag hindi sa papel kundi sa ating mga puso.  Ibig sabihin, ito ay kautusang napakalapit sa atin sapagkat ito ay nasa ating kalooban, kabahagi ng ating pagiging tao at ng pagiging anak ng Diyos natin. Kaya't wala tayong maidadahilan upang hindi natin maisakakatuparan ang mga utos na ito.  Huwag nating husgahan ang ating kapwa sapagkat ang sabi nga ni St. Mother Theresa ng Calcutta: "If you judge other people, you have no time to love them."  Marahil ay dapat lang nating mas palawing ang ating pang-unawa at pag-intindi sa kanilang kakulangan at kamalian.  Tandaan natin na ang ating kapwa ay ang taong nangangailangan ng ating AWA, UNAWA, at MABUTING GAWA!  Ito ang dahilan kung bakit ang ating Inang Simbahan ay may pagkiling sa mga taong mahihirap, mga taong biktima ng karahasan, ng kawalang katarungan, ng pang-aapi, dahil sila ang mga taong "mas nangangailangan".  Huwag sana tayong magdalawang isip na tulungan sila.  Ang sabi ng turo ng Simbahan ay: "Walang taong masyadong mahirap para tumulong sa iba at wala ring taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba."  Para sa ating mga Kristiyano ay may mas malalim na kadahilanan kung bakit tayo dapat tumulong sa ating kapwang nangangailan.  Ang sagot ni St. Mother Theresa sa nagtanong sa kanya kung paano niya ito nagagawa ay: "Sapagkat nakikita ko ang mukha ni Kristo sa kanila!"  Ito pala ang susi upang matanggap natin ang hindi katanggap-tanggap at mahalin ang hindi kaibig-ibig... ang makita natin ang mukha ng Panginoong Jesus sa ating kapwa.  Isyu pa rin ngayon ang paglabag sa mga karapatang pantao lalo na sa pagpatay sa mga pinaghihinalaang drug addicts o drug pushers.  Sa katunayan ay nagbigay na nga ng resolusyon ang United Nations upang tingnan kung may katotohanan ito.  May katotohanan ba ang mga paratang na may paglabag ang pagsasagawa nito sa karapatang pantao?  Isa lang naman ang malinaw na ating nakikita at naririnig sa mga balita, na may mga namamatay o napapatay na kung minsan ay may kasamang pang "collateral damage".  Ang mga drug users at mga drug pushers ay mga kapwa din natin na dapat ituring.  Marami na sa kanila ang namatay.  Marami na rin sa kanila ang sumuko.  Baka nga ang iba diyan ay mga kamag-anak natin, kaibigan o kakilala natin. Handa ba natin silang tanggapin bilang ating "kapwa?"  O baka naman sa kanilang pag-amin ay lalo lang nilang maramdaman na sila ay hiwalay at hindi na katanggap-tanggap sa ating lipunan?  Hindi solusyon na sila ay patayin o lipulin sa mundong ibabaw.  Tugunan natin ng kabutihan ang kasamaan. Palitan natin ng kapayapaan ang karahasan.  Pairalin natin ang kultura ng buhay at hindi ng kamatayan!  Tahakin natin ang landas ng pag-ibig bilang isang "Mabuting Samaritano."

Walang komento: