Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hulyo 6, 2019
ANG HIWAGA NG KAMBAT: Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year C - July 7, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ano ba ang ibig sabihin ng NEW EVANGELIZATION? Para kanino ba ito at ano ang kinalaman ko dito bilang isang ordinaryong Kristiyano? May kuwento ng tungkol sa HIWAGA NG KAMBAT... ang mga KATOLIKONG PANIKI. Tatlong pari ang nag-uusap tungkol sa isang malaking problema sa kanilang mga parokya: na ang kisame ng kanilang mga simbahan ay pinananahanan ng mga paniki. Ang sabi ng isa: "Ah, ang ginawa ko ay bumuli ako ng air-gun at pinagbabaril ko ang mga paniki para mabulabog sila. Nag-alisan naman, kaya lang bumalik uli at nagsama pa ng kanilang mga tropa!" Ang sabi namang pari, "Ako naman, bumili ng pang chemical spray. ginamit ko ito at simula ay effective naman. Marami ang namatay ngunit may mga naiwan. Ang masaklap ay na-immune ang mga ito at maging ang kanilang mga naging anak at apo ay di na tinatablan ng chemical." Pagyayabang na sabi ng pangatlong pari: "Ako simple lang. Di ako ganong gumastos! Kumuha lang ako ng tubig. Binasbasan ko ito. Bininyagan ko ang mga paniki at pagkatapos ay nagliparan palabas ang mga paniki at hindi na muling bumalik sa simbahan!" Marami sa ating mga Katoliko ay walang pinagkaiba sa mga paniking bininyagan! Pagkatapos mabinyagan ay palipad-lipad na lamang sa labas ng simbahan at ayaw ng pumasok! Nakalulungkot ngunit ito ang katotohanan: maraming Katoliko ang kristiyano lamang sa "baptismal certificate", nabinyagan ngunit hanggang doon na lamang, sila ay ang mga "Sacramentalized but not evangelized." KAMBAT ang tawag sa ganitong uri ng mga Kristiyano. Akala nila na dahil pumasok sila ng Simbahan ay nagiging Kristiyano na sila. Akala nila na dahil nagsisimba sila ay mga tapat na silang tagasunod ni Kristo. Nakaligtaan nila na ang pagiging Kristiyano ay may kasamang "pagsusugo" katalad ng ginawa ni Jesus sa kanyang mga alagad. Ang pagsusugo sa pitumpu't dalawang alagad ay upang maipalaganap nila ang paghahari ng Diyos. "Humayo kayo, sinusugo ko kayong parang parang mga kordero..." ang sabi ni Jesus. Sapagkat "marami ang aanihin at kakaunti ang mga mag-aani!" Tinanggap nating lahat utos na ito noong tayo ay nabinyagan. Tinawag din tayo ni Jesus na itayo ang Kanyang paghahari dito sa mundo sa kasalukuyang panahon. Ang tawag dito ni St. Pope John Paul II ay "NEW EVANGELIZATION." Huwag tayong magkakamaling isipin na ito ay para lamang sa iilang pinili ni Jesus. Hindi lamang ito gawaing iniatas sa mga obispo, pari o mga relihiyoso. Sa ating Ebanghelyo ay narinig natin ang pagsusugo ni Jesus sa pitumpu't dalawang alagad upang tulungan Siya sa pagpapalagananp ng Mabuting Balita. Tayong lahat din, sa bisa ng ating Binyag ay isinusugo rin ni Jesus. Hindi natin kinakailangang lumayo sapagkat sa ating mga tahanan ay maari na nating siumulan ang gawaing ito. Isinusugo tayo ni Jesus na ilapit sa Kanya ang ating mga magulang, anak, kapartid, kapitbahay at ang ating mga kaibigan. Ibahagi natin si Jesus sa paraang kakaiba. Ipakilala natin si Jesus sa paraang naangkop sa makabagong takbo ng panahon. Mula sa paggamit ng cellphone hanggang sa internet, social networking sites at iba pang hi-tech na pamamaraan ay maaari nating ipalaganap ang Mabuting Balita ni Kristo. Tingnan mo ang nilalaman ng mga pakikipagtalakayan ninyo lalo na sa social media kapag kayo'y nagchachat. Pasok ba si Kristo sa mga pinag-uusapan ninyo? May lakas ng loob ka bang magbanggit ng mga espirituwal na bagay sa mga kasama mo sa bahay o sa iyong mga kaibaigan? O baka naman ikinahihiya mo ang iyong pagiging Kristiyano? Mangako tayo na magdadala tayo ng kaibigan kay Kristo lalo na ang mga "kristiyanong-paniki" na patuloy pa rin sa paglipad-lipad sa labas ng simbahan. Ang pagsusubuhay ng ating pananampalataya ay ang epektibong paraan upang masunod natin ang utos ng Panginoon. Ito ang ibig sabihin ng pagiging MGA SAKSI ng Panginoong Jesus sa ating kasalukuyang panahon. Paano ko ba pinatutunayang ng pagiging saksi ni Kristo? Nakikita ba ito ng malinaw sa aking pagkatao? Ang akin bang pag-isip, pagsasalita at pagkilos ay kinakikitaan ng katulad ng kay Jesus? At anung mga hakbang ang maari kong gawin upang maipahayag ang Mabuting Balita ni Jesus? Tumahimik tayo sandali at magnilay.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento