Biyernes, Agosto 30, 2019

KAYABANGAN AT PAGPAPAKUMBABA: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year C - September 1, 2019 - SEASON OF CREATION and YEAR OF THE YOUTH

Ano ba ang napapala ng pagiging mayabang? Kung minsan may mga taong sadyang isinilang upang manghamak ng iba.  Masaya ang kanilang pakiramdam kapag nakalamang sila sa ibang tao.  Sa kanilang pag-iisip ay sila lang ang marunong, sila lang ang magaling, sila lang dapat ang tama kaya't gayun na lamang ang kanilang panlalait sa iba.  Kasi nga ayaw na ayaw nilang malalamangan sila sa lahat ng bagay. Ngunit alam nating may kinalalagyan ang mga taong mayayabang!  Tulad na lang ng kuwentong ito.  Isang turistang Chinese ang umarkila ng taxi at nagpalibot sa Metro Manila. Dinala siya ng driver sa gawing Shaw Boulevard at idinaan sa Shangrila. "This building is big! How long did you build this buidling?" "More or less one year!" Sabi ng driver. "One year? Too slow! In China, six months... very, very fast!" Payabang na sagot ng intsik." Dumaan naman sila sa Mega Mall at sabat uli ng intsik: "Ah... this building is very big and very wide! How long did you take to build it?" "four months!" sabi ng tsuper para hindi siya mapahiya sa kanyang pasahero. "four months??? hah! very slow! In China, only three months... very, very fast!" Payabang na sabi ng Chinese. Medyo napikon na ang driver kaya idiniretso niya sa Pasay... sa Mall of Asia. "Wow! This building is very, very big and very very wide! How long did you build it?" Payabang na sagot ng driver: "Only two months!" upang huminto na ang kayabangan ng intsik beho nyang sakay.  Ngunit sa muling pagkakataon ay simingit ang intsik: "two months??? Very slow... in China only one month... very, very fast!" Napahiya na naman ang taxi driver na Pinoy. Natapos din ang paglilibot at ng bayaran na ay sinabi ng driver. "Ok Mr. Intsik beho tulio laway, pay me ten thousand pesos!" Sagot ang hapon: "Ten thousand? Are sure? Very expensive!" Sagot ang driver: "Look sir... my taxi meter... made in China... very, very fast!" hehehe... nakaganti rin!  Nakakaasar ang mga taong mayayabang! Ang sarap nilang yakapin... yakapin ng mahigpit hanggang sila ay mamatay! hehehe. Marahil, isang katangian na dapat nating matutunan bilang mga Kristiyano ay ang "kababaang-loob." Malinaw ang tagubilin ni Sirac: “Anak ko, maging mapagpakumbaba ka sa pagtupad ng tungkulin, at mamahalin ka ng mga malapit sa Diyos. Habang ikaw’y dumadakila, lalo ka namang magpakumbaba; sa gayo’y kalulugdan ka ng Panginoon. "  Sa ebanghelyo ay malinaw na sinabi ng Panginoon na ang "nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas."  Nagbigay siya ng malinaw na halimbawa tungkol sa pagpapakumbaba.  "Kapag inayayahan ka ninuman sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang tanging upuan.  Baka may inayayahang lalong tanyag sa iyo!" "Kapag naghanda ka ng isang piging anyayahan mo ang taong hindi makakaganti sa 'yo at sa gayo'y gagantihan ka ng Diyos sa muling pagkabuhay ng mga banal." Ang kababaang-loob ang nagsasabi sa ating ang lahat ng ating kakayahan at kayamanan ay galing sa pagpapala ng Diyos kaya wala tayong maipagmamalaki. Hindi ito ganang atin kaya hindi dapat natin ipagkait sa ating kapwa. Ang ito ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos kaya dapat nating gamitin para sa iba at para sa ating sarili lamang.  Ang kadakilaan sa mata ng mundo ay hindi kailanman tugma sa pagtingin ng isang Kristiyano.  Hindi kung anung meron tayo ang siyang nagpapadakila sa atin. Ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa kababang-loob... sa paglilingkod.  Tanging ang mga taong mapagkumbaba ang maaring maging mapagbigay!  Ang mapagkumbabang pagbibigay ay ang katangian ng isang tunay na KATIWALA ng Diyos.  Ang buwan ng Setyembre, sa ibang lugar ay ang itinalaga ring Panahon ng Paglikha o Season of Creation.  Ito ay isang natatanging panahon na ibinigay ng Simbahan upang pagnilayan natin ang kadakilaan at kabutihan ng Diyos sa pagbibigay Niya sa atin ng biyaya ng kalikasan! Gayundin, ito ay pagninilay din natin bilang mga tapat na katiwala ng Diyos sapagkat ang buong sannilikha ay ipinagkitiwala sa atin ng Diyos upang pamunuan natin ng buong katapatan at kapakumbabaan.  Sa mga kaganapang nangyayari sa ating mundo, tulad na lamang ng pagkasunog ng Amazon Forest, labis na pagmimina sa mga kabundukan,  pagsira sa mga likas na yamang dagat, pagdudumi sa mga estero, kanal, ilog at mga daluyang tubig, at mga marami pang pagsalahula sa ating kapaligiran ay masasabi natin sumobra na ang kayabangan ng tao!  Hindi na siya ang tapat na katiwala!  Ang tingin niya sa kanyang sarili ay ganid na nagmamay-ari ng lahat ng ito.  Mahirap maibalik ang pagiging mabuting katiwala ng Diyos kung pinangungunahan tayo ng pagmamataas at pagkamakasarili. Tanggalin muna ang kayabangan at pairalin ang kapakumbabaan!  Limutin ang ating sarili upang makita natin ang ating pagiging aba sa harapan ng iba.  Pangalagaan natin ang ating "Common Home", ang mundong ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.  Ito'y nangangailangan ng sama-samang pagkilos.  Pagkilos na may pananagutan at pagpapakumbaba.  Tandaan natin na ipinagkatiwala ng Diyos ang mundo sa ating mga kamay upang pamunuan ito ng may katapatan at kapakumbabaan.

Sabado, Agosto 24, 2019

ANG SORPRESA SA KABILANG BUHAY: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year C - August 25, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Maraming surpresa ang naghihintay sa atin sa buhay sa kabila.  Isa na ang sinabi ng ating Panginoon sa Ebanghelyo ngayon na "may mga nauunang mahuhuli at nahuhuling mauuna." Alam nating kapag tayo ay pumanaw ay may naghihintay sa ating gantimpala o kaparusahan depende kung paano tayo nabuhay dito sa lupa.  Ang langit daw ay gantimpala para sa mga taong nabuhay ng mabuti. Ang impiyerno naman ay para sa mga masasama. Ang purgatoryo... para sa mga nasa gitna: mabuting-masama o masamang-mabuti! Kumbaga sa isang apartment na may tatlong palapag, ang langit ay top floor, ang purgatoryo ay middle floor at ang impiyerno ay ang basement.  Isang araw ay may mga kaluluwang bagong lipat mula sa kabilang buhay na napunta sa purgatoryo. Laking pagkagulat nila nang makita ang kanilang kura-paroko doon. "Hala! Padre! Dito ka rin pala... kelan ka pa dito? Akala pa naman namin nasa top floor ka!  Dapat ay nasa top floor ka! Idol ka kaya namin kapag pinag-usapan ang kabanalan!  Eh bakit nandito ka kasama namin? Pasigaw na sabi ng isa niyang parokyano. "Shhhh... wag kayong maingay! Pakibabaan ninyo ang boses ninyo.  Baka magising si bishop. Natutulog s'ya sa ibaba!"  O, hindi ba't nakakasurpresa ang ganung senaryo?  Sinong mag-aakalang ang mga nauuna ay mahuhuli at ang mga nahuhuli ay mauuna?  Isa lang naman ang katotohanan sa ating buhay na hindi natin maikakaila, na ang buhay natin dito sa mundo ay may katapusan.  Lahat tayo ay mamamatay!  Dito ay wala tayong pagpipilian.  Darating ang araw na magsusulit tayo ng ating buhay sa Diyos. Bagama't wala tayong pagpili sa kahahantungan ng ating buhay  mayroon naman tayong pagpili kung saan natin nais pumunta pagdating natin sa ating buhay sa kabila.  Ang sinasabi ng Banal na Kasulatan at maging ng atig pananampalataya ay mayroon lang naman tayong dalawang maaring puntahan sa kabilang buhay: langit o impiyerno.  Ang huli ay pintuang madaling pasukin, walang kahirap-hirap, malawak at maraming pumipili dahil nakakatawag pansin!  Ang una ay mahirap pasukin. Sa katunayan ay kakaunti ang dumadaan dito sapagkat makipot, mahirap at maraming sakripisyo ang dapat gawin.  Ngunit ang sabi nga ng Panginoon, ay isa lang naman ang daan papasok sa langit... ang makipot na pintuan! Kaya nga kung ang hanap natin sa pagiging Kristiyano ay "good time" at "pa-easy-easy" lang sa ating pagiging Kristiyano ay nagkakamali tayo... Hindi puwedeng maligamgam tayo sa harapan ng Diyos. Sala sa init... sala sa lamig!  Ang pagiging Kristiyano ay isa lang ang hinihingi... ang maging katulad ni Kristo!  Ang makipot na pintuan ay dinaraanan natin araw-araw.  Laging bukas... nag-aanyaya ngunit dahil nga sa makipot ay marami sa atin ang ayaw daanan.  Mahirap magpatawad. Mahirap maging tapat sa pamilya. Mahirap umunawa. Mahirap magbigay. Mahirap magpakatao. Mas madali ang sumuway sa utos ng Diyos.  Mas madali ang magnakaw.  Mas madali ang mandaya.  Mas madali ang magsinunaling.  Mas madali ang mangaliwa kaysa maging tapat sa asawa.  Mas madali ang gumawa ng kasalanan kaysa kabutihan. Mas masarap ang alok ng pintuang maluwag. Walang hirap. Walang pasakit. Ngunit alam din natin ang patutunguhan ng pintuang maluwag... walang hanggang kapahamakan!  Maging matalinong Kristiyano tayo habang naglalakbay tayo dito sa mundo.  Alam ng Diyos ang pagnanais nating makapasok sa pintuan ng langit at batid niya ang kahinaan ng ating pagpapasya sa pagpili ng mabuti at masama... ng tama at mali!  May gantimpalang naghihintay sa atin kung magtitiwala tayo sa kabutihan ng Diyos na hindi Niya tayo pababayaan sa ating pagsisikap dahil mahal Niya tayo. May "langit" tayong mararating kung magsisikap tayong sumunod sa kanyang kalooban, magtitiyaga at mapagkumbaba nating susundin ang Kanyang mga utos. Tandaan mo... isa lang ang daang patungo kay Kristo... at ang hahantungan mo ay nakasalalay sa pintuang pipiliin mo.  

Sabado, Agosto 17, 2019

SIGN OF CONTRADICTION (Updated) : Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year C - August 18, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Ano ba para sa iyo ang sinisimbulo ng krus? Lagi natin itong ginagamit sa pagdarasal, lagi natin itong nakikita sa mga bahay dalanginan at maging sa ating mga tahanan.  Alam ba natin ang isinasagisag nito?  May kuwento ng isang batang umakyat sa mataas na punong-kahoy.  Nag-alala ang mga nakakita baka mahulog ito kaya't hinanap nila ang magulang ng bata.  Pilit naman siyang pinabababa ng mga ito ngunit kahit anong pakiusap ay ayaw sumunod ng bata.  Tumawag sila ng barangay tanod ngunit ayaw pa rin nitong bumaba. Nagkataong dumaan ang isang pari at hiningi nila ang kanyang tulong na pakiusapan ang batang bumababa sa puno.  Sumunod naman ang pari. Lumapit s'ya sa puno. Tiningala ang bata. Itinaas niya ang kanyang kamay at binasbasan ito ng tanda ng krus.  Agad agad ay bumaba ang bata. Nagulat ang lahat maging ang pari.  Nang tinanong nila ang bata kung bakit siya bumaba ay sinabi nito: "E pano ba naman sabi ng pari sa akin (winasiwas ang kamay na animong nagbabasbas) Ikaw baba, o putol puno! Baba o putol puno!"  Parang kontradiksyon hindi ba?  Hindi naman natin ginagamit na panakot ang tanda ng krus bagkus pampasuwerte pa nga ito para sa ilan.  Ang tawag natin d'yan ay SIGN OF CONTRADICTION.  Tunay naman sapagkat noong unang panahon, ang krus ay kaparusahan para sa mga kriminal, sa mga magnanakaw, at siguro kung buhay na si Pangulong Duterte noon, ay para rin sa mga drug addict. Ngunit nang si Jesus ay mamatay sa krus ay naiba ang ibig sabihin nito.  Ang krus ay naging simbolo ng kaligtasan at kalayaan sa kasalanan!  Ang ating mga pagbasa sa linggong ito nagpapakita sa atin ng maraming sign of contradiction o tanda ng pagkakasalungat.  Sa Unang Pagbasa ang mga propeta ay laging itinuturing na sign of contradiction sapagkat ang kanilang pangangaral ay laging nagdadala sa kanila sa kapahamakan.  Ang hatid nila ay mensahe mula kay Yahweh ngunit hindi ito katanggap-tanggap sa mga Israelita.  Si Jesus din ay isang malaking sign of contradiction.  Ano ang sinabi niya sa pagbasa ng Ebanghelyo ngayon?  "Akala ba ninyo'y pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa?  Sinasabi ko sa inyo: hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi."  Hindi ba't isa itong malaking kontradiksyon?  Si Jesus ay ang Prinsipe ng Kapayapaan.  Sa katunayan ay ito ang unang handog niya noong siya'y muling nabuhay. Bakit ngayon ay pagkakabaha-bahagi ang kanyang sinasabing iniiwan?  Ito ang sasapitin ng mga taong tunay na sumusunod kay Kristo.  Siya ay magiging sign of contradiction.  Hindi bat ito ang Simbahang Katolika ngayon?  Isang malaking sign of contradiction!  Kaya huwag tayong magugulat kung marami ngayon ang hindi sumasang-ayon at sumasalungat pa nga sa turo ni Kristo at aral ng Simbahan.  Bakit nga ba maraming sumasalungat sa mga turo ng Simbahan gayung ipinapangaral lamang nito ang turo ni Kristo?  Isang magandang halimbawa ay ang mainit na isyung lumabas nitong mga nakaraang araw lamang.  Ang kuwento ng transgender na hindi pinagamit ng isang janitress sa palikuran ng mga babae sa kadahilanang hindi siya babae.  Alam natin sensitibong isyu ang tungkol sa ating mga kapatid na transgender at ang Simbahan ay malinaw naman ang posisyon sa pagtanggap sa kanila anuman ang kanilang kasarian.  Ngunit dito papasok ang limitasyon ng bawat isa at ang pagrispeto sa karapatan ng lahat. Aminin natin na ang mga palikuran natin sa ngayon ay "biologically gender based."  Wala kang makikitang urinals sa palikuran ng mga kababaihan.  Minsan na akong naligaw doon at napahiya ako!  Sa ngayon, dahil wala pang palikuran na nakalaan para sa mga transgender ay mas mabuti sigurong igalang na lang muna natin ang karapatan ng lahat!  Ang sabi nga ng isang post ko sa FB: "Huwag ipilit ang hindi tama. Ang palikuran pambabae ay dapat para sa mga tunay na babae lamang. Hindi ito diskrimansyon. Ito ay pagpapakita ng paggalang sa dignidad ng mga tunay na babae.  Igalang din nati ang mga tuna na babae!" Ngunit may mga sasalungat pa rin dito sa ngalan ng pantay-pantay na karapatan.  Kaya ngapost uli ako ng isa pa sa FB ko na galing na mismo sa Banal na Kasulatan:  "God is love, and love rejoices in the truth." (1 Cor. 13:6) What is TRUTH? "That male and female He created them!" (Gen 5:2) God does not descriminate! God is love. But God wants us to respect the truth for this is the best expression of love!  Isang halimbawang isyu lamang ito na kapag pinag-usapan natin ay siguradong magkakaroon ng pagkakahati-hati sa ating mga opinyon.  Iba pang halimbawa ay ang paggamit ng mga artificial means of contraception tulad ng implants, IUDs, condom.  Hindi ba't hanggang ngayon ay binabatikos ang Simbahan tungkol dito?  Isama natin ang paninidigan ng Simbahan laban sa same sex marriage, sa divorce, sa death penalty, sa extra-judicial killings, hindi ba't nagmimistulang kontrabida ang Simbahan natin dito?  Pero magbabago ba ang paninindigan ng Simbahan? Hindi! Kailanman, ang Simbahan ay mananatiing sign of contradiction kahit pa sabihin nating ang buong mundo na ang kanyang kalaban dito.  Hindi magpapadala sa agos ng mundo ang Simbahan sapagkat nakaangkla ito sa turo ni Kristo!  Ipagdasal natin ang maraming Kristiyanong nanatiling tahimik sa mga pangkasalukuyang isyu ng ating lipunan. Lalo nating ipagdasal ang taong patuloy na bumabatikos sa aral ni Kristo. Na sana ay tupukin sila ng "apoy ni Kristo",  ang apoy ng kanyang pagmamahal upang mapalitan ang anumang galit o pagkamuhi o pag-aalinlangan sa kanilang puso.  Ito ang sabi ni Jesus: "Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa - at sana'y napagningas ko ito!"  Sapagkat sa huli, ang Simbahan ay mananatiling SIGN OF CONTRADICTION! 

Miyerkules, Agosto 14, 2019

ANG MAGAANG TUMATAAS! : Reflection for the Solemnity of the Assumption Year C - August 15, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Langit, Katawan at Kaluluwa.  Marahil ay palaisipan pa rin sa atin kung papaano ito nangyari.  Mayroon ba itong batayan sa Banal na Kasulatan?  Dapat ba natin itong paniwalaan bilang mga Katolikong Kristiyano?
"Paano nga ba nagawang maiakyat sa langit si Maria, katawan at kaluluwa? Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... super gaang tulad ng isang lobo, kaya nagawa siyang iakyat sa langit ng Diyos!"  Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas!  Ang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Kalangitan ay isang magandang paalala sa ating ng katotohanang ito. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII: "Si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birhen?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang kasalanan." Ito ang dogma ng "Immaculate Conception".  Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad sa kalooban ng Diyos at di nabahiran ng kasalanan ang kanyang buhay.  Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Hindi ba't pag may nagawa kang kasalanan ay parang ang bigat-bigat ng pakiramdam mo? Hindi mapanatag ang loob mo. Wala kang kapayapaan sa iyong sarili (Maliban na lamang kung manhid ka na sa paggawa ng masama!). Ang kasalanan ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang labing limang taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanya sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan.  Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay.  Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Magtiyaga lamang tayo sapagkat balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Ang pag-aakyat kay Maria sa kalangitan ay dapat maging paalala sa atin na ang buhay natin sa lupa ay may kahahantungan. Ang langit ang ating patutunguhan at ang Diyos ang ating hantungan. Maging tapat lamang tayo katulad ni Maria sa pagtupad ng kalooban ng Diyos. At ano ang Kanyang kalooban, na tayong lahat ay maging mga tapat Niyang mga anak. Tandaan natin... "ang magaang madaling tumaas!"

Sabado, Agosto 10, 2019

GANAP NA PANANAMPALATAYA (Revised & Reposted): Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year C - August 11, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Pamilyar na sa atin ang salitang PANANAMPALATAYA ngunit ano ba ang pakahulugan nito?  Sa ating ikalawang pagbasa, sa Mga Sulat sa Hebreo, sinasabi sa ating "Tayo'y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mg bagay na di natin nakikita."  May kuwento ng isang barrio na tinamaan ng El Nino.  Ang ikinabubuhay ng mga tao ay pagsasaka kaya't malaking dagok sa kanila ang tagtuyot sapagkat nanatiling tigang ang kanilang mga lupain.  Kaya't sa misa ng kanilang ng parokya ay hiniling ng kanilang kura-paroko ang kanilang panalangin upang umulan at ng sa gayon ay matubigan ang kanilang mga lupain at muli silang makapagtanim.  "Nananalig ba kayo na sa isang linggo ay bubuhos ang isang malakas na ulan?"  Sumagot naman ang lahat: "Opo Padre! Nananalig kami!"  Lumipas ang isang linggo at muling nagtipon ang mga tao sa loob ng simbahan.  Nalungkot ang pari sa kanyang nakita sapagkat sa mahigit isang daang nagsisimba, iisa lamang sa kanila ang nadala ng payong!  Hindi natin namamalayan na araw-araw ay ginagamit natin ang pananampalataya sa ating buhay.  Sa mga nagtratrabaho sa atin ay masaya nating hinihintay ang kinsenas o ang katapusan ng buwan? Bakit? Sapagkat umaasa tayong makatatanggap ng sahod. Hindi pa dumarating ngunit alam nating tatanggap tayo nito.  Pananampalataya.  Kapag sumasakay tayo ng jeep, paano tayong nakasisiguro na makakarating tayo ng ligtas sa ating patutunguhan?  Nagtitiwala tayo sa driver di ba? E paano kung addict pala ang driver at hindi sumurender sa "Oplan Tukhang?"  Patay tayo dyan! Pero nagtitiwala pa rin tayo.  Kung kaya nating magpakita ng pananampalataya sa mga tao, ang tanong ay bakit hirap tayong magpahayag nito sa ating Diyos?  Mayroon kasing hinihingi ito sa atin.  Higit pa sa simpleng pagsasabing "Sumasampalataya ako!"  Ang pananampalatayang ating tinanggap sa Binyag ay nangangailangan ng pagpapatunay o pagibibigay saksi kung tunay nga tayong mga tagasunod ni Kristo.  Ang pananampalataya pagkatapos angkinin ay dapat isinasabuhay.  Ang tawag natin dito ay PANANAMPALATAYANG GANAP.  Kailan natin masasabing GANAP ang ating pananampalataya? Alam natin ang kahulugan nito: paniniwala at pagtitiwala. Pero kalimitan ay nakakaligtaan natin ang ikatlong katangian ng ganap na pananampalataya at ito ay ang... pagsunod! Kaya nga't madalas ay nakakakita tayo ng mga "doble-karang Kristiyano", magaling sa salita ngunit kulang naman sa gawa, saulado ang kapitulo at bersikulo ng Bibliya ngunit hindi naman isinasabuhay ito. Ang isang ganap na pananampalataya ay may kaakibat na gawa na nagpapahayag ng ating pagsunod kay Kristo. Ano ba ang nais ng Diyos sa atin? Simple lang, ang isabuhay mo ang pinaniniwalaan mo! Maging tulad tayo ng aliping laging handang naghihintay sa pagdating ng Panginoon. Hindi patulog-tulog, tamad, walang ginagawa, nagsasamantala sa kapwa. Ipakita natin ang isang pananampalatayang buhay! Pananampalatayang hindi lamang laman ng mga isinaulong panalangin o kaalaman sa katesismo, ngunit isang pananampalatayang nakikita sa ating pagsaksi bilang mga tagasunod ni Kristo.  Sa mga nangyayari ngayon sa ating lipunan ay hinihingi ang ating malakas na pananampalataya.  Hindi lingid sa ating kaaalaman na patuloy pa rin ang maraming napapatay sa kampanya laban sa droga.  Hindi ko tinutukoy ang lehitimong pagtupad ng tungkulin ng ating mga alagad ng batas bagama't nakakabahala kapag maririnig mo lagi ang kadahilanang "nanlaban" kaya napatay!  Ang isa pang dapat na pagtuunan ng pansin ay ang mga tinatawag nating "summary execution" o "extra-judicial killing" na nangyayari sa maraming lugar na kung minsan ay hindi malaban ang motibo kung bakit sila pinatay. Masaya ba tayo kapag may napapatay ang mga "riding in tandem" na vigilante o mga hired professional killers?  Magdarasal ka. Magsisimba ka. Tapos sasabihin mo... "mabuti nga sa kanila! Dapat maubos na ang mga rapists na yan! Dapat maubos ang mga addict sa lipunan!"  Hindi ipinagttanggol ng Simbahan ang mga krimial o pinapaboran niya ang masasamang gawain ng mga tao.  Ang ipinaglalaban ng Simbahan ay ang paggalang sa karapatan ng tao.  Hindi mo kinakailangang maging Kristiyano upang maintindihan na mali ang walang hambas na pagpatay ng mga taong wala namang mandato para gawin ito!  Suportahan natin ang kampanya ng gobyerno laban sa illegal na droga o kriminalidad ngunit huwag tayong mapipi kapag may mga taong nagsasamantala at inilalagay ang batas sa kanilang kamay!  Ito ang ating pagsaksi at pagpapakita ng ganap na pananampalataya. Huwang lang nating ipangaral ang pag-ibig, pagpapatawad, pagtulong sa mahihirap, pagpapairal ng kaayusan, katarungan at kapayapaan, bagkus ay isagawa natin ito at patunayan sa pamamgitan ng paggalang sa karapatan ng bawat isa.  Tandaan natin na sa ating pinagkalooban nito ay mas higit ang inaasahan sa atin ng Panginoon.  "Much will be required of the person entrusted with much, and still more will be demanded of the person entrusted with more.”  Ang pananampalatayang tinanggap natin noong tayo ay bininyagan ay inaasahan ng Panginoon na ating palalalimin habang tayo ay naglalakabay sa buhay.  Ito ang pagiging isang matalinong alagad ng ng Panginoon, “Who, then, is the faithful and prudent steward whom the master will put in charge of his servants to distribute the food allowance at the proper time? Blessed is that servant whom his master on arrival finds doing so. Truly, I say to you, the master will put the servant in charge of all his property."  Maging mga tapat tayong alagad ng Panginoon na laging handang magsulit ng mga ipinagkatiwala niya sa atin, anumang oras na maratnan niya tayo sa kanyang "biglaang pagdating."  Ito ang pagpapakita ng isang GANAP NA PANANAMPALATAYA.


Sabado, Agosto 3, 2019

KASAKIMAN AT TUNAY NA KAYAMANAN: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year C - August 4, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Marami ang nagulantang noong nakaraang July 27, 2019 nang magsimulang isarado ng mga kapulisan ang mahigit 923 lotto outlets sa buong bansa kasama na rin ang STL (Small Town Lottery), Keno, Peryahan ng Bayan ayon na rin sa kautusan ng Pangulong Duterte dahil daw sa alegasyon ng katiwalian ng ilang namumuno dito.  Ngunit pagkatapos lamang ng tatlong araw, July 30, 2019, ay muling binuksan ang lotto outlets, ngunit hindi kasama ang STL at ang ilang gaming schemes, dahil na rin sa legal na implikasyon nito at kasama na rin ang maraming kritikong tinanggap ng pamahalaan mula sa iba't ibang sektor at maging sa mga mamamayang naapektuhan ng desisyon na ito. Isa ka ba sa mga umangal dito?  Halos itinuring ng "pambansang sugal" ang pagtaya sa lotto.  Para sa iba, ito ay libangan lang daw at para pa rin sa ilan ay paghahanap ng magandang kapalaran.  Tumataya ka ba sa lotto?  Ano kaya ang iyong magiging re-aksyon kapag sinabihan kang nanalo ka sa lotto ng 50 million pesos sa jackpot draw ng Lotto?  Marahil matutulala ka.  Marahil mapapatalon ka sa tuwa. Marahil mahihimatay ka.  Marahil aatakihin ka sa puso!  Ito ang naging problema ng isang pamilya ng malaman nilang nanalo ang kanilang lolo ng 50 million pesos sa lotto.  Paano nila sasabihin sa kanya ang magandang balita sa kanilang lolo na hindi niya ikakamamatay sapagkat siya ay matanda na at may sakit sa puso.  Naisip nilang magpatulong sa kanilang kura-paroko sapagkat siya ay matalik na kaibigan ng kanilang lolo. Sinabi nila ang mahirap na sitwasyon at pumayag namana ang butihing pari.  Kaya't isang gabi ay bumisita ang pari sa kanilang bahay.  Nag-usap ang dalawang magkaibigan at ng makakuha ang pari ng tamang tiyempo ay tinanong niya ang matanda: "Lolo, kung sakali bang mananalo kayo ng 50 million sa lotto, ano ang gagawin ninyo?"  Walang pasubaling sumagot ang matanda: "Aba, padre dahil magkaibigan tayo ay ibibigay ko sa simbahan ang kalahati!" At biglang bumulagta ang pari, nangisay... inatake sa puso!  Ikaw nga naman ang magkaroon ng ganung kapalaran!  Ngunit may mga taong hindi pabigla-bigla.  Magaling silang mag-isip.  Madiskarte sila.  Mautak.  Yun lang nga sila rin ay sakim. Makasarili.  Ito ang babala sa atin ni Jesus: "Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan."  Hindi sinasabi ni Jesus na masama ang kayamanan.  Ang hindi niya rin sinasabing mali ang magpayaman.  Ang nais niyang ipaintindi sa atin ay ang dapat nating pinahahalagahan sa ating buhay.  Hindi ang mga bagay na materyal ang makapagbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan.  Sa unang pagbasa sinabi ng mangangaral: "Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay!" Hindi niya sinasabing huwag na tayong maghangad ng mga bagay upang umunlad ang ating buhay! Kailangan nating magtrabaho para mabuhay. Kailangan nating mag-ipon ng kayamanan para sa ating seguridad. Ngunit ang ipinapaalala sa atin ay mag-ingat sa labis na paghahangad nito. Mag-ingat sa kasakiman! Sa ating Ebanghelyo ngayon ay pinapaalalahanan tayo sa sasapitin ng taong nagtitipon ng kayamanan para lamang sa sarili ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos! Muli ay ibinabalik tayo ni Jesus na suriin ang ating sarili at tingnan kung ano ba ang pinahahalagahan natin sa ating buhay. Marahil ay ipinanganak tayong may kaya. Marahil nagsikap tayo upang umunlad ang buhay natin.  Pasalamatan natin ang Diyos! Ngunit hindi sana natatapos doon. Tingnan din natin kung papaano natin magagamit ang mga ito sa tamang paraan upang mapaunlad ang ating kabuhayan at makatulong din sa mga taong nangangailangan. Tayo ay tagapag-alaga lamang ng mga bagay na bigay sa atin ng Diyos. Sa sandali ng ating kamatayan ay magsusulit tayo sa mga bagay na ipinagkatiwala niya sa atin. Nakakatakot na matawag niya rin tayong "Hangal!" sapagkat naging sakim tayo!  Sikapin nating itama ang ating pagpapahalaga sa buhay!  Tingnan natin ang ating mga puso kung ano ba ang nilalaman nito sapagkat ito ang makapagsasabi kung anung uring tao tayo.  Ibalik natin ang ating loob sa Diyos kung saka-sakaling nilamon na ng kasakiman ang ating mga puso.  Maging mapagbigay tayo na walang hinihintay na kapalit. Magkaroon tayo ng puso sa mga taong lubos na nangangailangan.  Buksan natin ang ating mga puso sa tunay na pagbabahaginan. Ito lamang ang paraan upang malabanan natin ang kasakiman sa mundo.  Ito lamang ang makapagbibigay sa atin ng tunay na kayamanan at kaligayahan.  Kung meron ka nito ay hindi mo na kinakailangang tumaya sa lotto.  Hindi ka na maaapektuhan kahit ipasara pa itong muli.