Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Nobyembre 30, 2019
KAHALAGAHAN NG PAGHAHANDA: Reflection for the 1st Sunday of Advent Year A - December 1, 2019 - YEAR OF ECUMENISM & INTER-RELIGIOUS DIALOGUE
Sinisimulan natin ngayon ang bagong panahon sa taon ng Simbahan sa pagdiriwang ng PANAHON NG ADBIYENTO. Dahil bagong panahon, ito rin ang itinuturing na BAGONG TAON ng Simbahan. Marahil ay hindi kasing ingay ng nakagawian na nating pagdiriwang sa pagpapalit ng taon na punong-puno ng paputok, ngunit ito naman ay punong-puno ng aral na nagbibigay kahulugan sa ating pananampalataya. Mas pinaigting pa ito ng pagdiriwang ngayong sinisimulan natin ang "Year of Ecumenism and Inter-Religious Dialogue" na kasama sa ating siyam na taong paghahanda bago natin ipagdiwang ang ika-500 anibersaryo ng ating pananampalatayang katoliko. Gaano ba kahalaga para sa atin ang paghahanda? Marahil ay wala ng napapanaon pang halimbawa ang maari nating ibigay kundi ang paghahandang ating ginawa para sa nangyayari ngayong SEA-Games na kung saan ay tayo ang "host country" na naatasang tanggapin ang mga atletang makikibahagi sa palarong ito na nagmula pa sa ibat-ibang mga bansa ng South East Asia. Naging maayos at maganda naman ang kinalabasan ng pagbubukas nito. Sa aking palagay ay naitanghal naman natin ng marangya sa simpleng pamamaraan ang ating kultura sa pamamagitan ng mga tradisyunal na mga sayaw at musika. Ngunit hindi natin din maipagkakaila ang ilang aberyang nangyari bago natin idaos ang pagbubukas na seremonya nito. Marahil ay maliliit na aberya ngunit nagpapakita ito ng ating kahandaan bilang "host country". Hindi dapat ipagwalang bahala ang kakulangan ng mga organizers sa pagtanggap natin sa mga naunang delegates. Ang problema sa transportasyon, lugar na pagtutuluyan ng mga atleta, lugar na pagdarausan ng pagsasanay, mga pagkaing naayon sa kanilang pangangailangan, at mga tinatapos pang "sports venue" ng ilang palaro ay ilang halimbawa lamang ng ating hindi pagiging handa sa patimpalak na ito. Mahalaga ang paghahanda kung nais nating maging maayos ang ating pagtanggap sa pagiging "host" ng patimpalak na ito. Ganito rin ang sinasabi sa atin ng Panahon ng Adbiyento - ang ating paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko. Muli muna nating balikan ang ibig sabihin ng Adbiyento. Ang ADBIYENTO ang siyang unang panahon ng bawat taong liturhiko. Ito ay apat na linggong paghahanda sa pagsapit ng Araw ng pagsilang ng ating tagapagligatas na si Jesus. Ito ay hango sa salitang latin na "adventus" na ang ibig sabihin'y kapwa "pagdating" at "inaasahan." At dahil may inaasahan tayo, ay nangangahulugan ito paghihintay. Naaakma ito sa ating panahon ngayon na ang kulturang umiiral ay pagmamadali. Lahat ay nagmamadali, lahati minamadali. Instant cofee, instant noodles, instant friendship, instant cuture! Kaya nga't hindi nakapagtataka na kahit ang pagdiriwang ng Pasko ay minamadali. September pa lang ay Pasko na! May Christmas carols ng maririnig sa radio, may mga advance Christmas sale na sa mga malls, may Christmas decors na sa mga bahay at gusali. Ang Simbahan ay nagpapaalala sa atin na huwag madaliin ang Pasko. Mayroon pa tayong tinatawag na ADBIYENTO! Para sa ating mga Kristiyano, ito ay ang ating paghihintay kay Kristo na punong-puno ng pag-asa. Tulad ito ng isang ina na hinihintay ang kanyang pagluwal ng kanyang sanggol, ng isang magsasaka sa araw ng pag-ani ng kanyang mga pananim, ng isang mangingisda na magkakaroon ng isang masaganang huli. Ngunit ito ay paghihintay na mayroong ginagawa at hindi nagpapabaya. Sa mga salitang iniwan ni San Pablo sa mga taga Roma "Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti... Mamuhay tayo ng marangal at huwag gugulin ang panahon sa paglalasing at magulong pagsasaya, sa pagpapakasawa sa pita ng laman at kahalayan, sa alitan at inggitan." Ang nais lang sabihin ni San Pablo sa atin ay isapuso natin ang isang makahulugang paghahanda! Sa pagpasok ng bagong taong ito ng ating inang Simbahan, nawa ay maipasok din natin sa ating puso at diwa ang isang makahulugang paghahanda sa pagdating ni Jesus sa ating buhay! Huwag nating madaliin ang pagdiriwang ng Pasko! Pasukin muna natin ang tunay na diwa ng paghahanda para dito. Kasabay ng ating panlabas na paghahandang ginagawa ay ang atin namang PANLOOB na PAGHAHANDA na mas higit na kinalulugdan ng Panginoon. ISANG MAKAHULUGANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!
Sabado, Nobyembre 23, 2019
HARING MAPAGKUMBABA AT NAGLILINGKOD: Reflection for the Solemnity of Christ the King Year - END OF YEAR OF THE YOUTH
Ngayon ay tinatapos natin ang huling linggo sa kalendaryo ng ating Simbahan sa pagdiriwang ng dakilang kapistahan ni Kristong Hari ng sanlibutan. May pagtatapos na nagdadala ng kalungkutan. Ngunit may pagtatapos din na nagdadala ng kasiyahan at pananabik! Hindi ba't ganito ang ating nararamdaman kapag nakatapos tayo ng pag-aaral? Nalulungkot tayo sapagkat iiwan natin ang ating masasayang karanasan kasama ang ating mga kamag-aral at kaibigan. Ngunit masaya at nananabk din tayo sapagkat may bagong karanasan na naghihintay sa atin. Masaya tayo sapagkat may bagong pagkakataong maaari nating harapin at maging daan sa ating pagbabago. Ganito rin dapat ang ating pakiramdam sa pagharap natin kay Jesus na ating hari. Hindi natin dapat kinatatakutan bagkus kinapapanabikan pa nga natin ang kanyang muling pagbabalik sapagkat naniniwala tayong Siya ay Hari ng awa at habag. Siya ang hari ng sanlibutan. Siya ang hari ng ating buhay! Napakaraming kinikilalang hari ngayong panahong ito. Ngunit ang pagkilala sa kanila bilang hari ay nababatay sa kasikatan, kapangyarihan at kayamanan. Nangunguna na sa listahan ang Hari ng Boxing na walang iba kundi ang ating pambansang kamaong si Manny Pacquiao na "nagpapatigil sa mundo" sa tuwing siya ay aakyat ng boxing ring. Naririyan din ang tinanghal na Hari ng Komedya na walang iba kundi ang yumaong si Dolphy na nagpatawa ng maraming dekada sa atin. Siyempre hindi natin makakalimutan ang Hari ng Pelikulang Pilipinong si Da King Fernando Poe Jr. Kaya siguro hindi matapos-tapos ang PROBINSIYANO dahil sa kanyang mahabang paghahari! Sa aming lugar sa Tondo ay minsan nang may kinilalang hari... si "Asiong Salongga" na tinaguriang Hari ng Tundo! Ano nga ba ang kakaiba sa mga taong ito at nabansagan silang hari? Mula noon hanggang ngayon ang pamantayan pa rin ng mundo sa pagiging hari ay tatlong nabanggit ko kanina: kasikatan, kayamanan at kapangyarihan! Ngunit para kay Jesus, ang kanyang paghahari ay nasa kanyang pagka-aba at kababang-loob. Ang paghahari ni Hesus ay paghahari ng isang pinunong naglilingkod, sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Sa mundo ang hari ay pinaglilingkuran. Si Hesus bilang hari ay naglilingkod! Sa mundo ang hari ay iginagalang at pinagpipitagan. Si Hesus bilang hari ay nilapastangan at pinahirapan. Sa mundo ang hari ay sinusunod. Si Hesus bilang hari ay winalang bahala ng kanyang mga kababayan. Kaya hanggang sa krus ay gayun na lamang ang pagkutya sa kanyang ng mga tao. Naririyan na ang sinasabi ng mga Judio na nasa kanyang paanan. "Kung ikaw nga ang hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!" Maging ang nakapako katabi niya ay may pagtutya sa kanya: "Hindi ba't ikaw ang Kristo? Iligtas mo kami at iyong sarili!" Kapag pinararangalan natin si Hesus bilang Kristong Hari ay sinasabi nating tayo rin bilang kanyang nasasakupan ay dapat maging "servant-leader" na kung saan ang kadikalaan ay wala sa bigat ng ating posisyon, pag-aari o kapangyarihan ngunit nasa kadakilaan ng isang tunay na paglilingkod. Huwag tayong masiraan ng loob kung ang ating pagpapakabuti ay hindi umaani ng papuri o "recognition". Huwang ring sasama ang ating loob kung palaging tayo na lamang ang naglilingkod samantalang ang karamihan ay nagpapakarasap sa kanilang buhay! Huwag tayong magagalit kung ang ating mga nasasakupan ay ayaw sumunod sa atin. Ang tunay na paglilingkod ay mapagkumbaba, hindi naghahanap ng kapalit o nagbibigay ng kundisyon. Higit sa lahat ang tunay na paglilingkod ay hindi makasarili! Si Kristong ating Hari ang natatangi nating huwaran. Sa pagtatapos ng Taon ng mga Kabataan ay hingin natin kay Jesus makuha natin ang kapayakan at kapakumbabaan ng isang bata. Ang mga bata ay wala pa sigurong maipagmamalaki sa kanilang sarili dahil ang kanilang pagtitiwala ay nasa nakatatanda. Katulad nila, tayo rin ay magtiwala sa Diyos at gawin siyang gabay at modelo ng ating buhay. Hilingin natin kay Jesus na maghari Siya sa ating puso at maisabuhay natin ang Kanyang paghahari ng kapakumbabaan at paglilingkod. PAGLINGKURAN NATIN ANG HARING NAGLILINGKOD!
Sabado, Nobyembre 16, 2019
WAKAS NG PANAHON: Reflection for the 33rd Sunday in Ordinary Time Year C - November 17, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Lumalapit na tayo sa pagtatapos ng taong liturhiko. Ang katapusan ng kalendaryo ng Simbahan ay laging nagpapaalala sa atin ng WAKAS NG PANAHON. Ano nga ba ang "wakas ng panahon?" Kailang ba ito magaganap? Sa isang malaking mall na kung saan ay dagsa ang mga tao dahil sa papalapit na Pasko ay bigla na lamang may sumigaw. Isang taong nakadamit na kakaiba at may karatulang hawak-hawak na nakalagay na "The end of the world is near!" Sumisigaw siya ng malakas na "KATAPUSAN NA! KATAPUSAN NA!" Nang bigla na lamang may sumagot ng: "TANGA! KINSENAS PA LANG!" Kung minsan ay nakakarinig tayo ng ganitong mga kataga na nagsasabing malapit na ang katapusan ng panahon. Kung sabagay ay hindi na ito bago sapagkat noong taong 1914, si Charles Russel, na tagapagtatag ng Jehova's Witnesses ay nagsabing magugunaw na ang mundo ngunit di naman nangyari Noong pagpapalit ng milenyo, taong 2000 ay kinatakutan ang Y2K at sinabing ito na rin ang magtatapos sa mundo dahil daw magkakagulo ang programa at sistema ng mga computer na karamihan daw ay nakaset hanggang 1999 lamang, ngunit wala ring nangyari. Taong 2012, isa na namang prediksiyon ang lumabas na nagsabing magugunaw na ang mundo ayon sa Mayan calendar, ngunit wala ring nangyari. Ano ang sinasabi nito? Pinabubulaanan ba nito ang mundo ay walang katapusan? Sa ating pananampalataya ay ipinahahayag natin ang pagsapit ng WAKAS NG PANAHON. Sa katunayan ay lagi nating sinasabi sa Misa na "Si Kristo'y namatay! Si Kristo'y nabuhay! SI KRISTO'Y BABALIK SA WAKAS NG PANAHON! Ibig sabihin, naniniwala tayo na may tinatawag na katapusan ng mundo. Paano ba ating Kristiyanong pag-intindi dito? Sa ating mga pagbasa lalo na sa Ebanghelyo ay nagbabala ang Panginoon na darating ang "katapusan", hindi upang takutin tayo, bagkus ay upang tulungan tayong maghanda sa pagdating ng araw na ito. Totoo, walang nakakaalam ng araw, oras at lugar kung saan ito mangyayari. Ngunit hindi ito mahalaga. May mas mahalaga pang nais ipabatid si Jesus sa atin at iyon ay ang ating kinakailangang paghahanda. Sa ikalawang sulat sa San Pablo sa mga taga-Tesalonika ay pinagsabihan niya ang mga ito na maghintay sa pagdating ni Jesus na may "ginagawa". Hindi maaring magwalang-bahala na lamang sa mga araw-araw na gawain. Ang tunay na paghahanda ay dapat may pagkilos. Sa Ebanghelyo naman ay binigyang diin ni Jesus ang pagtitiis sa mga hirap na ating dinaranas ngayon habang hinihintay natin ang kanyang pagdating. Paulit-ulit niyang sinasabi na "huwag tayong mabalisa!" Totoo nga naman, wala tayong dapat ikatakot kung handa naman tayo sa pagharap sa kanya upang sulitin ang ating mga ginawa dito sa lupa. May mga nararanasan tayo ngayong mga kaguluhan, kahirapang dulot ng kalamidad tulad ng lindol at bagyo, pagkagutom ng maraming tao... para bagang lahat ay tumutukoy sa sinasabi ni Jesus. Huwag tayong mabahala. Sa halip ay sikapin nating mabuhay ng mabuti at marangal. Ang Diyos ang maggagawad sa atin ng katarungan! Ngunti kinakailangan munang tayong magtiis at magtiyaga. Maging "mahusay at matalinong Kristiyano" tayo. Ang matalinong Kristiyano ay may "foresight" at hindi "poorsight". Alam n'ya ang kanyang patutunguhan sa wakas ng panahon. Kaya nga pagsisikapan at pagtitiyagaan niya ang paggawa ng mabuti at pag-iwas sa masama. Hindi siya "bobong Kristiyano" na nagpapabaya at tila walang pakialam sa paghahatol na darating. Maghintay tayo na may ginagawa. Paghihintay na may ginagawang kabutihan at hiindi kapabayaan!
Sabado, Nobyembre 9, 2019
PAG-ALALA SA PATAY, PAALALA SA BUHAY: Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year C - November 10, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ang buwan ng Nobyembre ay buwan na inilaan natin upang ipagdasal at alalahanin ang ating mga mahal sa buhay na pumanaw. Sinimulan natin ito sa pagdiriwang ng UNDAS, na ang ibig sabihin ay "paggalang sa mga patay", at bumisita ang marami sa atin sa sementeryo, nag-alay ng bulaklak at panalangin at may mga ilan naman ang nagtirik na lang ng kandila sa tapat ng kanilang mga bahay. Ngunit ang UNDAS ay hindi lamang pag-alala sa mga patay. Ito rin ay "paala-ala" sa mga buhay. Kaya nga may isa pang pakahulugan ang UNDAS na sa unang dinig ay tila katawa-tawa. Ang Undas daw ay hango sa katagang "silang UNang natoDAS!" Sila na nauna na sa atin na ating inaalala sa buong buwan na ito ng Nobyembre ay nag-iiwan din sa atin ng mahalagang PAALALA: na totoong may buhay sa kabila at tayong lahat pupunta din doon. Nauna laang silang "natodas!" Kapag ako ay nagbabasbas ng mga patay ay lumalapait muna ako sa kabaong at tahimik kong kinakausap ang patay. Tinatanong ko siya kung ano ang nais niyang sabihin sa akin. Sa awa ng Diyos ay wala pa namang dumidilat na patay at sumasagot. Ngunit mayroon silang mahalagang mensahe sa akin: "Ako nandito na... ikaw susunod na! Una lang akong natodas! Magkita tayo sa kabila!" May kuwento na may magkaibigan na adik na adik sa paglalaro ng badminton. Para sa kanila mas gugustuhin pa nilang maglaan ng oras sa badminton court kaysa sa kanilang mga pamilya. Lagi silang sumasali sa mga tournament at sila palagi ang magkasama sa kategoryang DOUBLES o dalawahan. Minsan ay may pinagkasunduan ang dalawa na kung sino man ang unang maunang mamatay sa kanila ay ibalita kung may badminton din ba sa kabilang buhay. Naunang namatay si Juan at ng gabi rin pagkatapos niyang mailibing ay may narinig si Pedrong tinig sa kahimbingan ng kanyang tulog. "Peeeedroooooo! May goodnews at badnews ako sa 'yo!" Nanginig sa takot si Pedro sapagkat alam niyang tinig ni Juan ang kanyang narinig. "Ang goodnews..." sabi ni Juan, "may badminton sa kabilang buhay!" Sumagot si Pedro na halatang takot na takot, "Aaaa...ano naman ang badnews?" Sagot ni Juan na nanginginig sa takot: "May tournament bukas, magkapartner tayo! ehehehe... Kung ikaw kaya yun, hindi ka ba matatakot? Siguro wala namang badminton sa kabilang buhay pero nakasisiguro tayong mayroong "kabilang buhay!" Ito ang binanggit sa unang pagbasa sa Aklat ng mga Maccabeo: "Ako’y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos." Ito yung mga salitang binitawan ng isa sa pitong magkakapatid na isa-isang pinapatay ni Haring Antioko dahil sa kanilang pananampalataya kay Yahweh. Sa Ebanghelyo naman ay pinatahimik ni Jesus ang mga Saduseo na nagsasabing walang pagkabuhay ng mga patay sa paglilinaw na iba ang katayuan ng mga tao sa "buhay sa kabila". Kaya nga't para sa ating mga Kristiyano, ang buwan ng Nobyembre ay hindi lang pagdarasal para sa mga patay kundi bagkus ito rin ay paalala sa ating mga buhay na may "buhay sa kabila." Para saan pa ang ating ginagawang kabutihan at ang ating pag-iwas sa mga gawaing masama kung wala naman palang pupuntahan ang lahat ng ating mga paghihirap. Tandaan natin na kung hindi muling nabuhay si Kristo ay wala tayong kaligtasan! Kung hindi tayo naniniwala na balang araw ay bubuhayin niya rin tayo ay bale wala ang ating pananampalataya. Ang ating pagiging Kristiyano ay ang ating paniniwala sa muling pagkabuhay ng mga namatay. Sa katunayan ay lagi natin itong ipinapahayag kapag tayo ay nagsisimba tuwing Linggo. Sinasabi natin: "I look forward to the resurrection of the dead and the life of the world to come." Kaya nga't walang masama kung ating pag-iisipan at pagninilayan ang araw ng ating kamatayan kung naniniwala naman tayo na may buhay sa kabila. Ang sabi ni Steven Covey sa kanyang aklat na 7 Habits for Highly Effective People" ay "always BEGIN with the END in mind". At ano ba ang katapusan nating mga kristiyano? Hindi kamatayan bagkus ang makapiling ang Diyos sa kabilang buhay! Ang kamatayan ay pintuan na dapat pasukan ng lahat upang makarating sa kabilang buhay. Ngunit ang "makapiling ng Diyos" ay laan lamang sa mga taong naging tapat sa pagtupad ng kanyang kalooban noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupang ibabaw. Hindi lahat ng namatay ay nakakarating dito. Kaya nga't ang paalala sa atin ay habang may buhay pa tayo ay sikapin nating mabuhay ng mabuti at umiwas sa masama. Gamitin natin ang ang oras, kakayahan at kayamanan (time, talents, treasures) upang mabuhay ng tama at makatulong sa ating kapwang nangangailangan. Pag-isipan natin ang huling hantungan, ang makapiling ang Diyos, at hindi tayo magkakamali. Magkaroon tayo ng "foresight" at hindi "poorsight" sa ating buhay Kristiyano. Ang UNDAS ay pagkakataon upang gamitin natin ang ating talino sa pagpili ng tama at mabuti. Matuto tayo sa mga "unang natodas" sa atin. Tandaan natin na ito ay PAG-ALALA at PAALA-ALA... pag-alala sa mga patay at paalala sa ating mga buhay!
Sabado, Nobyembre 2, 2019
PAGKAPANDAK (Updated): Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time Year C - November 3, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
"Sa hirap ng buhay ngayon... pandak na lang ang hindi tumataas!" Totoo nga naman. Mapa-kuryente, tubig, upa sa bahay, tuition fee sa eskwela, pamasahe sa sasakyan... halos lahat ata tumataas - pandak lang ang napag-iiwanan! Bakit nga ba maliit ang mga pandak? Minsan, tinanong si Dagul: "Dagul... bakit ka pandak?" Sagot si Dagul: "Kasi, naulila ako ng maaga." Sagot sa kanya: "Teka... anung koneksyon nung pagiging ulila mo sa pagiging pandak mo?" Sagot ni Dagul: "Tanga ka ba? Ulila nga ako kaya WALANG NAGPALAKI SA AKIN!" Talagang kawawa ang mga taong pandak... karamihan sa kanila ay "walang nagpapalaki." Sa katunayan, mas lalo pa nga silang "pinapaliit" ng lipunan. Ito ang sitwasyon ni Zacheo sa Ebanghelyo: maliit na s'ya... minamaliit pa siya ng kanyang mga kababayan. Marahil dahil na rin sa kanyang trabaho na taga-kolekta ng buwis. Isang traidor sa kanilang bayan ang turing sa kanya sapagkat kinukuhaan n'ya ng pera ang kanyang mga kababayan upang ibigay lamang sa mga dayuhan (mga Romano) na sumakop sa kanila. Kasama na rin siguro ang maraming "kickbacks" sa kanyang mga nakolekta. Dahil dito sinadya ng mga taong hindi pasingitin si Zacheo sa kanilang hanay. Mas lalong naging pandak sapagkat walang nais tumanggap sa kanya... walang "nagpapalaki." Ngunit nagbago ang lahat ng matagpuan s'ya ni Hesus. Take note: Si Hesus ang nakakita sa kanyang nasaa itaas ng puno. Laking tuwa ni Zacheo ng sabihin ni Hesus na tutuloy s'ya sa Kanyang bahay. At iyon na ang naging simula ng kanyang pagbabagong buhay. Ang dating pandak ay tumangkad! Naging mataas, siguro hindi sa pagtinging ng tao... ngunit sa paningin ng Diyos. Tayo rin ay maypagkapandak kung atin lamang susuriin ang ating sarili. Mabuti na lang ay may Diyos na laging handang tumanggap sa atin at palakihin tayo sa Kanyang paningin. Anuman ang ating mga nagawang pagkakamali at pagkukulang ay huwag sana tayong masiraan ng loob... may Diyos na nagmamahal sa atin at nakakaunawa sa ating kahinaan. Kaya nga't ito ang nais ipahiwatig ng Diyos sa atin: Una, may pag-asa tayo bilang mga taong makasalanan na bumangon at magbagong-buhay. May Diyos na laging handang tumanggap sa atin sa ating "pagkapandak" dala ng ating mga kasalanan. Ikalawa, na dapat din nating pataasin ang mababang pagtingin ng iba sa kanilang sarili. Magagawa natin ito sa pagtanggap sa kanila at huwag silang pandirihan o isantabi. Kung minsan ang kinakailangan lang ng mga taong ito ay balikat na masasandalan, tengang marunong makinig, at pusong handang umunawa. Ikatlo, si Jesus ang nagpapatangkad sa atin at siya ang nagnanais na makituloy sa ating buhay. Nasa atin ang pagpapasiya kung nais nating manatili sa ating pagkapandak. Nasa atin ang desisyon kung papasukin natin siya sa ating "bahay" at hahayaan natin siyang baguhin ang ating buhay. Kaya't magsumikap tayo na umahon sa ating "pagkapandak". Tandaan natin: Matangkad tayo sa mata ng Diyos dahil mahal Niya tayo!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)