Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Nobyembre 9, 2019
PAG-ALALA SA PATAY, PAALALA SA BUHAY: Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year C - November 10, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ang buwan ng Nobyembre ay buwan na inilaan natin upang ipagdasal at alalahanin ang ating mga mahal sa buhay na pumanaw. Sinimulan natin ito sa pagdiriwang ng UNDAS, na ang ibig sabihin ay "paggalang sa mga patay", at bumisita ang marami sa atin sa sementeryo, nag-alay ng bulaklak at panalangin at may mga ilan naman ang nagtirik na lang ng kandila sa tapat ng kanilang mga bahay. Ngunit ang UNDAS ay hindi lamang pag-alala sa mga patay. Ito rin ay "paala-ala" sa mga buhay. Kaya nga may isa pang pakahulugan ang UNDAS na sa unang dinig ay tila katawa-tawa. Ang Undas daw ay hango sa katagang "silang UNang natoDAS!" Sila na nauna na sa atin na ating inaalala sa buong buwan na ito ng Nobyembre ay nag-iiwan din sa atin ng mahalagang PAALALA: na totoong may buhay sa kabila at tayong lahat pupunta din doon. Nauna laang silang "natodas!" Kapag ako ay nagbabasbas ng mga patay ay lumalapait muna ako sa kabaong at tahimik kong kinakausap ang patay. Tinatanong ko siya kung ano ang nais niyang sabihin sa akin. Sa awa ng Diyos ay wala pa namang dumidilat na patay at sumasagot. Ngunit mayroon silang mahalagang mensahe sa akin: "Ako nandito na... ikaw susunod na! Una lang akong natodas! Magkita tayo sa kabila!" May kuwento na may magkaibigan na adik na adik sa paglalaro ng badminton. Para sa kanila mas gugustuhin pa nilang maglaan ng oras sa badminton court kaysa sa kanilang mga pamilya. Lagi silang sumasali sa mga tournament at sila palagi ang magkasama sa kategoryang DOUBLES o dalawahan. Minsan ay may pinagkasunduan ang dalawa na kung sino man ang unang maunang mamatay sa kanila ay ibalita kung may badminton din ba sa kabilang buhay. Naunang namatay si Juan at ng gabi rin pagkatapos niyang mailibing ay may narinig si Pedrong tinig sa kahimbingan ng kanyang tulog. "Peeeedroooooo! May goodnews at badnews ako sa 'yo!" Nanginig sa takot si Pedro sapagkat alam niyang tinig ni Juan ang kanyang narinig. "Ang goodnews..." sabi ni Juan, "may badminton sa kabilang buhay!" Sumagot si Pedro na halatang takot na takot, "Aaaa...ano naman ang badnews?" Sagot ni Juan na nanginginig sa takot: "May tournament bukas, magkapartner tayo! ehehehe... Kung ikaw kaya yun, hindi ka ba matatakot? Siguro wala namang badminton sa kabilang buhay pero nakasisiguro tayong mayroong "kabilang buhay!" Ito ang binanggit sa unang pagbasa sa Aklat ng mga Maccabeo: "Ako’y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos." Ito yung mga salitang binitawan ng isa sa pitong magkakapatid na isa-isang pinapatay ni Haring Antioko dahil sa kanilang pananampalataya kay Yahweh. Sa Ebanghelyo naman ay pinatahimik ni Jesus ang mga Saduseo na nagsasabing walang pagkabuhay ng mga patay sa paglilinaw na iba ang katayuan ng mga tao sa "buhay sa kabila". Kaya nga't para sa ating mga Kristiyano, ang buwan ng Nobyembre ay hindi lang pagdarasal para sa mga patay kundi bagkus ito rin ay paalala sa ating mga buhay na may "buhay sa kabila." Para saan pa ang ating ginagawang kabutihan at ang ating pag-iwas sa mga gawaing masama kung wala naman palang pupuntahan ang lahat ng ating mga paghihirap. Tandaan natin na kung hindi muling nabuhay si Kristo ay wala tayong kaligtasan! Kung hindi tayo naniniwala na balang araw ay bubuhayin niya rin tayo ay bale wala ang ating pananampalataya. Ang ating pagiging Kristiyano ay ang ating paniniwala sa muling pagkabuhay ng mga namatay. Sa katunayan ay lagi natin itong ipinapahayag kapag tayo ay nagsisimba tuwing Linggo. Sinasabi natin: "I look forward to the resurrection of the dead and the life of the world to come." Kaya nga't walang masama kung ating pag-iisipan at pagninilayan ang araw ng ating kamatayan kung naniniwala naman tayo na may buhay sa kabila. Ang sabi ni Steven Covey sa kanyang aklat na 7 Habits for Highly Effective People" ay "always BEGIN with the END in mind". At ano ba ang katapusan nating mga kristiyano? Hindi kamatayan bagkus ang makapiling ang Diyos sa kabilang buhay! Ang kamatayan ay pintuan na dapat pasukan ng lahat upang makarating sa kabilang buhay. Ngunit ang "makapiling ng Diyos" ay laan lamang sa mga taong naging tapat sa pagtupad ng kanyang kalooban noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupang ibabaw. Hindi lahat ng namatay ay nakakarating dito. Kaya nga't ang paalala sa atin ay habang may buhay pa tayo ay sikapin nating mabuhay ng mabuti at umiwas sa masama. Gamitin natin ang ang oras, kakayahan at kayamanan (time, talents, treasures) upang mabuhay ng tama at makatulong sa ating kapwang nangangailangan. Pag-isipan natin ang huling hantungan, ang makapiling ang Diyos, at hindi tayo magkakamali. Magkaroon tayo ng "foresight" at hindi "poorsight" sa ating buhay Kristiyano. Ang UNDAS ay pagkakataon upang gamitin natin ang ating talino sa pagpili ng tama at mabuti. Matuto tayo sa mga "unang natodas" sa atin. Tandaan natin na ito ay PAG-ALALA at PAALA-ALA... pag-alala sa mga patay at paalala sa ating mga buhay!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento