Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Nobyembre 16, 2019
WAKAS NG PANAHON: Reflection for the 33rd Sunday in Ordinary Time Year C - November 17, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Lumalapit na tayo sa pagtatapos ng taong liturhiko. Ang katapusan ng kalendaryo ng Simbahan ay laging nagpapaalala sa atin ng WAKAS NG PANAHON. Ano nga ba ang "wakas ng panahon?" Kailang ba ito magaganap? Sa isang malaking mall na kung saan ay dagsa ang mga tao dahil sa papalapit na Pasko ay bigla na lamang may sumigaw. Isang taong nakadamit na kakaiba at may karatulang hawak-hawak na nakalagay na "The end of the world is near!" Sumisigaw siya ng malakas na "KATAPUSAN NA! KATAPUSAN NA!" Nang bigla na lamang may sumagot ng: "TANGA! KINSENAS PA LANG!" Kung minsan ay nakakarinig tayo ng ganitong mga kataga na nagsasabing malapit na ang katapusan ng panahon. Kung sabagay ay hindi na ito bago sapagkat noong taong 1914, si Charles Russel, na tagapagtatag ng Jehova's Witnesses ay nagsabing magugunaw na ang mundo ngunit di naman nangyari Noong pagpapalit ng milenyo, taong 2000 ay kinatakutan ang Y2K at sinabing ito na rin ang magtatapos sa mundo dahil daw magkakagulo ang programa at sistema ng mga computer na karamihan daw ay nakaset hanggang 1999 lamang, ngunit wala ring nangyari. Taong 2012, isa na namang prediksiyon ang lumabas na nagsabing magugunaw na ang mundo ayon sa Mayan calendar, ngunit wala ring nangyari. Ano ang sinasabi nito? Pinabubulaanan ba nito ang mundo ay walang katapusan? Sa ating pananampalataya ay ipinahahayag natin ang pagsapit ng WAKAS NG PANAHON. Sa katunayan ay lagi nating sinasabi sa Misa na "Si Kristo'y namatay! Si Kristo'y nabuhay! SI KRISTO'Y BABALIK SA WAKAS NG PANAHON! Ibig sabihin, naniniwala tayo na may tinatawag na katapusan ng mundo. Paano ba ating Kristiyanong pag-intindi dito? Sa ating mga pagbasa lalo na sa Ebanghelyo ay nagbabala ang Panginoon na darating ang "katapusan", hindi upang takutin tayo, bagkus ay upang tulungan tayong maghanda sa pagdating ng araw na ito. Totoo, walang nakakaalam ng araw, oras at lugar kung saan ito mangyayari. Ngunit hindi ito mahalaga. May mas mahalaga pang nais ipabatid si Jesus sa atin at iyon ay ang ating kinakailangang paghahanda. Sa ikalawang sulat sa San Pablo sa mga taga-Tesalonika ay pinagsabihan niya ang mga ito na maghintay sa pagdating ni Jesus na may "ginagawa". Hindi maaring magwalang-bahala na lamang sa mga araw-araw na gawain. Ang tunay na paghahanda ay dapat may pagkilos. Sa Ebanghelyo naman ay binigyang diin ni Jesus ang pagtitiis sa mga hirap na ating dinaranas ngayon habang hinihintay natin ang kanyang pagdating. Paulit-ulit niyang sinasabi na "huwag tayong mabalisa!" Totoo nga naman, wala tayong dapat ikatakot kung handa naman tayo sa pagharap sa kanya upang sulitin ang ating mga ginawa dito sa lupa. May mga nararanasan tayo ngayong mga kaguluhan, kahirapang dulot ng kalamidad tulad ng lindol at bagyo, pagkagutom ng maraming tao... para bagang lahat ay tumutukoy sa sinasabi ni Jesus. Huwag tayong mabahala. Sa halip ay sikapin nating mabuhay ng mabuti at marangal. Ang Diyos ang maggagawad sa atin ng katarungan! Ngunti kinakailangan munang tayong magtiis at magtiyaga. Maging "mahusay at matalinong Kristiyano" tayo. Ang matalinong Kristiyano ay may "foresight" at hindi "poorsight". Alam n'ya ang kanyang patutunguhan sa wakas ng panahon. Kaya nga pagsisikapan at pagtitiyagaan niya ang paggawa ng mabuti at pag-iwas sa masama. Hindi siya "bobong Kristiyano" na nagpapabaya at tila walang pakialam sa paghahatol na darating. Maghintay tayo na may ginagawa. Paghihintay na may ginagawang kabutihan at hiindi kapabayaan!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento