Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Nobyembre 23, 2019
HARING MAPAGKUMBABA AT NAGLILINGKOD: Reflection for the Solemnity of Christ the King Year - END OF YEAR OF THE YOUTH
Ngayon ay tinatapos natin ang huling linggo sa kalendaryo ng ating Simbahan sa pagdiriwang ng dakilang kapistahan ni Kristong Hari ng sanlibutan. May pagtatapos na nagdadala ng kalungkutan. Ngunit may pagtatapos din na nagdadala ng kasiyahan at pananabik! Hindi ba't ganito ang ating nararamdaman kapag nakatapos tayo ng pag-aaral? Nalulungkot tayo sapagkat iiwan natin ang ating masasayang karanasan kasama ang ating mga kamag-aral at kaibigan. Ngunit masaya at nananabk din tayo sapagkat may bagong karanasan na naghihintay sa atin. Masaya tayo sapagkat may bagong pagkakataong maaari nating harapin at maging daan sa ating pagbabago. Ganito rin dapat ang ating pakiramdam sa pagharap natin kay Jesus na ating hari. Hindi natin dapat kinatatakutan bagkus kinapapanabikan pa nga natin ang kanyang muling pagbabalik sapagkat naniniwala tayong Siya ay Hari ng awa at habag. Siya ang hari ng sanlibutan. Siya ang hari ng ating buhay! Napakaraming kinikilalang hari ngayong panahong ito. Ngunit ang pagkilala sa kanila bilang hari ay nababatay sa kasikatan, kapangyarihan at kayamanan. Nangunguna na sa listahan ang Hari ng Boxing na walang iba kundi ang ating pambansang kamaong si Manny Pacquiao na "nagpapatigil sa mundo" sa tuwing siya ay aakyat ng boxing ring. Naririyan din ang tinanghal na Hari ng Komedya na walang iba kundi ang yumaong si Dolphy na nagpatawa ng maraming dekada sa atin. Siyempre hindi natin makakalimutan ang Hari ng Pelikulang Pilipinong si Da King Fernando Poe Jr. Kaya siguro hindi matapos-tapos ang PROBINSIYANO dahil sa kanyang mahabang paghahari! Sa aming lugar sa Tondo ay minsan nang may kinilalang hari... si "Asiong Salongga" na tinaguriang Hari ng Tundo! Ano nga ba ang kakaiba sa mga taong ito at nabansagan silang hari? Mula noon hanggang ngayon ang pamantayan pa rin ng mundo sa pagiging hari ay tatlong nabanggit ko kanina: kasikatan, kayamanan at kapangyarihan! Ngunit para kay Jesus, ang kanyang paghahari ay nasa kanyang pagka-aba at kababang-loob. Ang paghahari ni Hesus ay paghahari ng isang pinunong naglilingkod, sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Sa mundo ang hari ay pinaglilingkuran. Si Hesus bilang hari ay naglilingkod! Sa mundo ang hari ay iginagalang at pinagpipitagan. Si Hesus bilang hari ay nilapastangan at pinahirapan. Sa mundo ang hari ay sinusunod. Si Hesus bilang hari ay winalang bahala ng kanyang mga kababayan. Kaya hanggang sa krus ay gayun na lamang ang pagkutya sa kanyang ng mga tao. Naririyan na ang sinasabi ng mga Judio na nasa kanyang paanan. "Kung ikaw nga ang hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!" Maging ang nakapako katabi niya ay may pagtutya sa kanya: "Hindi ba't ikaw ang Kristo? Iligtas mo kami at iyong sarili!" Kapag pinararangalan natin si Hesus bilang Kristong Hari ay sinasabi nating tayo rin bilang kanyang nasasakupan ay dapat maging "servant-leader" na kung saan ang kadikalaan ay wala sa bigat ng ating posisyon, pag-aari o kapangyarihan ngunit nasa kadakilaan ng isang tunay na paglilingkod. Huwag tayong masiraan ng loob kung ang ating pagpapakabuti ay hindi umaani ng papuri o "recognition". Huwang ring sasama ang ating loob kung palaging tayo na lamang ang naglilingkod samantalang ang karamihan ay nagpapakarasap sa kanilang buhay! Huwag tayong magagalit kung ang ating mga nasasakupan ay ayaw sumunod sa atin. Ang tunay na paglilingkod ay mapagkumbaba, hindi naghahanap ng kapalit o nagbibigay ng kundisyon. Higit sa lahat ang tunay na paglilingkod ay hindi makasarili! Si Kristong ating Hari ang natatangi nating huwaran. Sa pagtatapos ng Taon ng mga Kabataan ay hingin natin kay Jesus makuha natin ang kapayakan at kapakumbabaan ng isang bata. Ang mga bata ay wala pa sigurong maipagmamalaki sa kanilang sarili dahil ang kanilang pagtitiwala ay nasa nakatatanda. Katulad nila, tayo rin ay magtiwala sa Diyos at gawin siyang gabay at modelo ng ating buhay. Hilingin natin kay Jesus na maghari Siya sa ating puso at maisabuhay natin ang Kanyang paghahari ng kapakumbabaan at paglilingkod. PAGLINGKURAN NATIN ANG HARING NAGLILINGKOD!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento